"Sa mga beterano at batikang journo, iyong 'kim ambush story' ay isang malaking 'DRAWING.'"
Ito ang tahasang pahayag ni Jay Sonza, 64, sa pamamaril sa sinasakyang van ng ABS-CBN star na si Kim Chiu, 29.
Si Sonza ay dating broadcaster sa telebisyon at radyo, na minsa'y nagtrabaho sa ABS-CBN ngunit umalis nang may sigalot sa management ng network.
Lumipat ito sa GMA-7, ngunit kalaunan ay umalis din at naging station manager ng UNTV. Wala na ito sa broadcasting ngayon.
Si Kim ay magpo-14 taon nang artista sa bakuran ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.
Ilan sa malalaking projects ni Kim sa telebisyon ay ang Sana Maulit Muli (2007), My Girl (2008), Tayong Dalawa (2009), Kung Tayo'y Magkakalayo (2010). Sa lahat ng ito'y co-star niya ang dating boyfriend na si Gerald Anderson.
Sa iba pa niyang malalaking proyekto, naging co-stars niya sina Enrique Gil, Coco Martin, at Xian Lim, ang kasalukuyan niyang boyfriend.
Sa kasagsagan ng kasikatan ni Kim ay naging isa siya sa top celebrity endorsers ng bansa.
Miyerkules ng umaga, March 4, pinaulanan ng walong bala ng baril ang van ni Kim sa kanto ng Katipunan Avenue at C. P. Garcia Avenue sa Quezon City.
Nasa loob ng van si Kim, kasama ang kanyang driver at personal assistant.
Nakaligtas at walang tinamaan ng bala sa kanilang tatlo.
Batay sa police report, tinukoy ng driver ni Kim na dalawang hindi kilalang lalaking sakay ng motorsiklo ang tumambang sa kanila.
Pero para kay Jay, hindi kapani-paniwala ang nangyaring pananambang.
Pag-uusisa ni Jay, na may halong pagtutuya, sa kanyang Facebook post ngayong Huwebes, March 5 (published as is): "Nasa stop light ng paulanan ng bala, tumagos, pero walang tinamaan kahit isa?
"Bakit tumagos ang bala from right to left window kung bullet proofed?
"Bakit sa tingin nyo ba tanga parin ang mga Pilipino?"
Base sa salaysay ni Kim, sa sobrang gulantang nito ay "nag-hang" siya, at gumana na lang ang "instinct" na tumuloy pa rin ng taping ng Love Thy Woman, ang umeere niyang afternoon series.
Nagpasundo raw ito sa isa pa niyang driver na naghatid sa kanya sa taping.
Nakapag-tape ng dalawang eksena ang Kapamilya actress, at noon lang daw unti-unting nahinuha ang kapahamakang muntik na sinapit.
Pangongontra uli ni Jay sa kanyang Facebook post (published as is): "Sa totoo lang napakaraming butas ang sanaysay ni Ms. Chiu.
"Let's just take it at face value. The incident is under investigation by the authorities.
"Kim is a product of bahay ni Kuya PBB Teen edition and one of the most bankable artists and a contract artist of the kapamilya network.
"note: no offense meant, but I find the story incredible to believe."
MORE QUESTIONS FROM JAY
Kung professional hired killers ang dalawang suspects, ani Jay, katakataka raw na hindi man lang siniguro ng mga ito ang puwestong kinauupuan ng mga target na babarilin.
Pahayag ni Jay (published as is): "Sa totoong ambush.
"Target on a black Hyundai Van.
"(by the way this vehicle cannot be armoured because the engine displacement is too under power for the heavy load. 4 cylinder lang ang van. minimum engine for bullet proofing is 8 cylinder gasoline type).
"unang putok para driver to disable the vehicle. (shooters SOP)
"succeeding bullets are for the passengers in the 2nd & 3rd seats. (know where the target is usually seated. cannot afford to miss. double tap execution only)."
Hindi malinaw kung saan galing ang espekulasyong bulletproof ang van ni Kim, pero walang ganitong impormasyon ang nabanggit sa police reports.
Ang van ni Kim ay customized, pero wala ring nababanggit sa mga naging lifestyle features sa aktres na armored ang van nito.
Iba pang tanong ni Jay: "Anong type ng armored van iyon? Baka naka 'armour all' lang iyong dashboard at gulong para makintab at malinis.
"Armor-piercing bullets ba ang ginamit? Ano ang kulay ng tip? blue, green, red velocity markings?"
SCRIPTED ALLEGATION?
Base sa mga pahayag ni Jay, malinaw na pakiramdam nito ay gawa-gawa lang ang insidenteng kinasangkutan ni Kim.
Ani Jay, para umanong script ng FPJ's Ang Probinsyano, ang apat na taon nang primetime series ng ABS-CBN, itong naiulat na pamamaril sa van ng aktres.
Tuluy-tuloy pa ring batikos ni Jay (published as is): "malamang writer ng abs-cbn FPJ: Ang Probinsyano ang nagsulat ng 'the unbelievable ambush of Kim Chiu.'
"walang kalatoy-latoy. walang spark.
"pati si Kim umiiyak ng walang luha tuloy."
SUPPORTING PRESIDENT DUTERTE
Si Jay ay kilalang solid supporter ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Hindi kailang makailang-beses naghayag ang Pangulo na, kung ito ang masusunod, hindi niya ire-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Kaugnay nito, bukas si Jay sa pagtuligsa sa pagsulong ng Senado na mabigyan ng provisional permit ang ABS-CBN na patuloy umere sa radyo at telebisyon.
Sa March 30, 2020 nakatakdang mag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon naman kay Department of Justice Secretary Menardo Guevarra, ang eksaktong petsa ay May 4, 2020, alinsunod sa Konstitusyon na ang effective date ng isang batas ay 15 araw mula nang mailathala ito sa isang diyaryong may national circulation.
Anu't ano pa man, sa March 10 pa lang uumpisahan ng Kamara ang pagdinig sa panukalang ma-renew ang 25-year franchise ng Kapamilya network.
OTHER NAYSAYERS PICK ON KIM'S STATEMENT
May iba pang reaksiyon mula sa netizens na pumuna naman sa initial statement ni Kim sa Instagram.
Binanggit dito ng aktres na wala siyang ibang maisip na motibo sa pamamaril sa sinasakyang van kundi ang posibilidad na isa itong kaso ng "mistaken identity."
Ani Kim, "Sana tinignan nyo muna ang plate number bago nyo paulanan ng bala yung kotse ko."
At press time ay burado na ang bahaging ito ng Instagram post ni Kim, pero may mga netizens na nakakuha ng screenshot nito.
Hindi raw nila nagustuhan ang dating na tila katanggap-tanggap kay Kim na pumatay ng tao, basta't huwag magkakamali ng tatargeting biktima.
Sabi ng isa, "Ayun nga, guys, this has been Kim Chiu reminding you to KILL RESPONSIBLY."
May nagpaalala pa na ang pagkitil ng buhay ng tao ay hindi kailanman magiging tama.
DEFENDERS COME TO KIM'S DEFENSE
Sa kabilang banda, dumagsa ang mensahe ng netizens na nakikisimpatiya kay Kim.
Sana raw ay huwag nang haluan ng pulitika ang insidenteng muntik nang ikapahamak ng aktres.
Sabi ng isang netizen: "Magpakatotoo na tayo. It is human instinct to protect yourself and love ones first. And the person is in shock and traumatized.
"Please naman, spare Kim Chiu sa mga political agenda. Not everything is about politics.
"Please do not bash her. Kawawa naman. She is a victim here."
Depensa pa ng isang netizen kay Kim: "Yung muntik ng manganib ang buhay ni Kim Chiu tapos itong mga hinayupak na tao yung mali lang ang nakikita nila..
"sana hindi mangyari sa inyo ang nangyari kay Kim..
"tapos iginigiit pa na about sa politics..WTH hindi lahat nakaikot sa politika mga shunga!"
Si Kim ay supporter din ni President Duterte.
Dagdag ng isa pang netizen: "Was looking at the thread of Kim Chiu & was surprised some actually linked it to politics.
"Like seriously?
"Someone insinuated that it’s because she’s a pro duterte & when she suggested earlier that they should have checked the plates, someone deduced shes an EJK supporter. WTF"
Ang iba pang sumusuporta kay Kim ay ipinagtanggol naman ang sinasabi ng iba na "wrong choice of words" ng aktres tungkol sa pamamaril sa van nito.
Sana ay intindihan na lang daw si Kim lalo pa't ito raw ang biktima sa insidente.
Sabi ng isa: "Kim Chiu almost died in that van and yet twitter peeps are fighting over her statement...
"I mean the actress is probably [in] shock, what kind of reaction are you expecting? It's not [every day] we encounter someone na babarilin tayo??
"AKALA NIYO BA TELESERYE PA RIN YON???"
Maliit na bagay lang daw ang "wrong choice of words" ng aktres kumpara sa naranasan nito.
Depensa ng isa pang netizen kay Kim, "I guess Filipino mentality will never change. Kim Chiu just had a near-death experience and people are bashing her because they disliked a part of her statement.
"Instead of sympathy, some people are only focusing on her 'mistake.'"
PROFESSIONAL KIM
May iba namang humanga sa pagiging "professional" ni Kim, dahil nakuha pa rin nitong magtrabaho sa kabila ng peligrosong insidenteng kinasangkutan nito.
Narito ang ibang post ng netizens:



Biro ng iba, wala na silang puwedeng idahilan na hindi pumasok sa trabaho dahil sa professionalism na ipinakita ni Kim.