Nakiusap si Coco Martin, 38, sa publiko na sumunod sa panuntunan ng gobyerno kaugnay ng pagsugpo ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ng Kapamilya star ang panawagan sa online program na Promdibate ng magkarelasyong Kim Molina at Jerald Napoles kagabi, May 18.
Ang Promdibate ang isa sa mga bagong inilunsad na Online Kapamilya Shows (OKS) ng ABS-CBN na mapapanood sa kanilang online platforms, kabilang na ang YouTube.
Sa halos dalawang minutong VTR (video tape recording), isang mahinahong Coco ang napanood.
Malayo ito sa galit at puno ng emosyong Coco na napanood ng publiko habang ibinabahagi ang saloobin sa pagsasara ng ABS-CBN.
Sa bagong video, hiningi ng Ang Probinsyano star ang kooperasyon ng ating mga kababayan upang labanan ang COVID-19.
Pahayag ni Coco, “Nakikiusap po kami sa lahat ng mga Filipino na sana po ay sumunod tayo sa panuntunan ng ating gobyerno.
“Hanggang ngayon po ay wala pa ring gamot laban sa virus na kumakalat sa buong mundo.
“Marami na po ang namatay at patuloy pa rin po ang pagkalat ng virus.
“Sa ngayon po, tanging disiplina at pakikipag-kooperasyon ang ating panlaban.”
Diin pa ng actor/director/producer, marami nang medical frontliners ang nasawi sa paglaban sa COVID-19, kaya sana ay makisama ang publiko sa layunin ng gobyerno na ma-flatten ang curve ng pandemya.
Saad niya, “Pagod na pagod na po ang ating mga frontliners at marami sa ating mga doctors at nurses ang nagbuwis ng kanilang buhay upang mailigtas lang po tayo.
“Kaya, please, nakikiusap po kami, sana po ay sumunod na tayo.”
Hindi natukoy kung kailan nai-record ang video.
COCO MARTIN’S TIRADES ON ABS-CBN SHUTDOWN
Kasunod ng pagsasara ng ABS-CBN Corporation noong May 5, 2020, nasaksihan ng publiko ang panggagalaiti ni Coco.
Buong tapang na binira ni Coco ang ilang opisyales ng gobyerno na may kinalaman sa pagpapasara ng kanyang home network.
Kabilang na rito ang National Telecommunications Commission (NTC) at si Solicitor General Jose Calida.
Bahagi ng Instagram post ni Coco noong May 5: “Wala kayong mga konsensiya, naatim niyong pagkaitan ng hanapbuhay at pabayaang magutom ang ilang libong mga pamilya!
“Ito ba ang serbisyo niyo sa bayan?
“Ang dapat sa inyo usapang sanggano at walang-hiyaan!
“Hindi man ako kasing talino ng iba, alam ko at malinaw sa akin na MALI at KAWALANG KATARUNGAN ang tanggalan ng hanapbuhay ang ilang libong empleyado ng isang kumpanyang naglilingkod sa sambayanang Pilipino ng ilang dekada!”
Noong May 7, sa pamamagitan pa rin ng Instagram, kinastigo ni Coco ang mga bashers na ikinatutuwa pa ang pagsasara ng ABS-CBN at binabatikos ang Kapamilya stars na naghahayag ng saloobin.
Buwelta niya: “HINDI NAMIN KAYO KAILANGAN SA BUHAY NAMIN PARA LAITIN KAMI AT PAGTAWANAN SA PINAG DADAANAN NAMING LAHAT!”
Noong May 9, sa Laban Kapamilya protest sa Facebook, muling binira ni Coco ang gobyerno, prartikular na si Calida, dahil sa sinapit ng ABS-CBN.
Si Calida ang nagbabala na posibleng makasuhan ang mga opisyales ng NTC kapag binigyan nila ng provisional authority ang ABS-CBN kung paso na ang prangkisa nito.
Bahagi ng litanya ni Coco: “Anong klaseng tao 'to?
"Sa gitna ng pandemya, sa gitna ng nangyayari sa ating bansa, nauna niyo pa isipin ang pagpapasara sa ABS-CBN kaysa tugunan ang lahat ng pangangailangan ng ating bansa?"
"Bakit dumating ang pagkakataon na ito na kami ang isipin niyong tanggalin?
"Na sa panahon ngayon, ang ABS-CBN at ang mga artista ang isa sa mga tumutulong sa tao na yun?"
Sa ngayon, wala pang bagong post sa Instagram ang aktor.
Samantala, hindi pinagbigyan ng Supreme Court ang petition for certiorari and inhibition ng ABS-CBN laban sa NTC order.
Nangangamba naman ang pamunuan ng network na baka magtanggal sila ng mga empleyado kapag hindi sila makakakuha ng bagong prangkisa hanggang Agosto.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here!)
