Solons correct, change Anti-Terrorism Bill votes; Janine Gutierrez, Lauren Young support email protest

by Jet Hitosis
Jun 15, 2020
Actresses Janine Gutierrez (left) and Lauren Young (right) tweet about urging lawmakers to correct or change their affirmative votes for House Bill 6875 or the Anti-Terrorism Bill of 2020.
PHOTO/S: @janinegutierrez, @lo_young on Instagram, congress.gov.ph

“Incorrectly recorded.”

Ganito inilarawan ni Pasig City Representative Roman Romulo ang boto niya sa kontrobersiyal na House Bill 6875, o ang Anti-Terrorism Bill of 2020.

Nilinaw ito ng kongresista matapos mapabilang ang kanyang pangalan sa 168 na bumoto pabor sa panukala.

Batay sa voting record na isinapubliko ng Kamara nitong June 5, 168 kongresista ang bumoto ng “yes” sa Anti-Terrorism Bill.

Naitala sa 36 ang “no” votes.

Twenty-nine ang nag-abstain, o tumangging bumoto.

Giit ni Romulo, nag-abstain siya sa Anti-Terrorism Bill.

“We received inquiry on our vote and it appears it was incorrectly recorded,” mababasa sa official statement ni Romulo nitong June 6.

“I did not vote in favor of HB 6875 and was advised that Congress will make the proper corrections.”

Aminado si Romulo na dahil sa kakapusan sa oras, hindi na-review nang mabuti ng mga kongresista ang HB 6875.

Ito ang dahilan kaya pinili niyang mag-abstain na lang, kahit pabor siyang paigtingin ang batas ng bansa laban sa terorismo.

Continue reading below ↓

“Although I agree that we need an anti-terrorism law, there was not enough time to review HB 6875,” ani Romulo.

Si Romulo ay asawa ng dating TV host at konsehal ng Valenzuela City na si Shalani Soledad-Romulo.

JANINE, LAUREN SHOW SUPPORT FOR EMAIL PROTEST

Ang “inquiry” na nabanggit ni Romulo ay mula sa email protest na bahagi ng #JunkTerrorBill campaign sa social media.

Continue reading below ↓

Sa email protest, sa pamamagitan ng web hosting technology ng Netlify ay kukumbinsihin ng publiko ang mga kongresista na baguhin ang kanilang pagpabor sa sa Anti-Terrorism Bill.

Padadalhan ng template na email ang lawmakers para bawiin ang “yes” vote nito sa panukala.

Suportado ng mga aktres na sina Janine Gutierrez at Lauren Young ang email protest na ito.

Nitong June 7, nag-tweet si Janine, 30, ng link ng Netlify app para sa kanyang 155,000 followers.

Continue reading below ↓

Nag-update rin ang Kapuso actress sa unang limang kongresista na nagbago ng kanilang boto.

Ang update ay mula kay Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Renato Reyes.

Tweet ni Janine: "Your voice matters!!"

Ni-retweet naman ni Lauren, 26, ang panawagan ni Reyes na suportahan ng publiko ang mga hakbangin para maisakatuparan ang #JunkTerrorBill.

Continue reading below ↓

ROMULO, ZUBIRI, SAULOG DID NOT VOTE

Tulad ni Romulo, itinama rin ni Bukidnon 3rd District Representative Manuel Zubiri ang nagkamaling record sa boto niya.

Sa isang pahayag nitong June 8, nilinaw ni Zubiri na “my vote from the very start was an Abstention or Abstain due to certain provisions in HB 6875 that I had reservations with.”

Continue reading below ↓

Malinaw sa pahayag ni Zubiri na nakatanggap din siya ng email na humihimok sa kanyang baguhin ang kanyang boto.

Sabi ni Zubiri: "There is nothing for me to withdrew since my vote was not a yes but to ABSTAIN.”

Si Zubiri ay nakababatang kapatid ni Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Ang Kalinga Party-list, na kinakatawan ni Congresswoman Irene Gay Saulog, sinabing mali ang kumakalat sa social media na kasama ang lady lawmaker sa mga bumoto ng “yes.”

Ayon sa party-list, nag-abstain si Saulog dahil sa nakikita nitong “posibleng pag-abuso” sa HB 6875.

FROM “YES” TO ABSTENTION

Kung ang reklamo nina Romulo, Zubiri, at Saulog ay nagkamali ng pagre-record sa kanilang boto, ilang kongresista ang binawi ang kanilang pagpabor sa panukala.

Mula sa “yes,” nag-abstain sina Albay 2nd District Representative Joey Salceda, Bulacan 3rd District Representative Lorna Silverio, at Tarlac 3rd District Representative Noel Villanueva.

Pare-parehong lumiham ang tatlong mambabatas sa Secretary-General ng Kamara na si Atty. Jose Luis Montales upang baguhin ang kanilang boto.

Continue reading below ↓

Paliwanag nina Salceda at Villanueva, duda sila sa ilang probisyon ng HB 6875, partikular sa posibilidad na makompromiso nito ang basic human rights ng publiko.

Katwiran naman ni Silverio, binago niya ang kanyang posisyon matapos niyang konsultahin ang kanyang constituents.

Gusto raw muna niya “to study further” ang mga inamyendahan ng HB 6875 sa Human Security Act of 2007.

2 SOLONS CHANGED VOTES TO “NO”

Samantala, dalawang kongresistang bumoto ng “yes” ang bumaligtad.

Tutol na sila ngayon sa Anti-Terrorism Bill.

“No” na ngayon ang boto nina Ang Probinsyano Party-list Representative Ronnie Ong at Capiz 1st District Representative Emmanuel Billones.

Sa kabuuan, 15 kongresista ang itinama o binago ang kanilang boto sa HB 6875.

Bukod kina Romulo, Zubiri, Saulog, Salceda, Silverio, Villanueva, Ong, at Billones, pito pang mambabatas ang ipinatanggal ang kanilang pangalan sa listahan ng mga bumoto ng “yes.”

Abstention daw talaga ang boto nina Camarines Sur 1st District Representative Marissa Andaya, Aurora Representative Rommel Rico Angara, Laguna 3rd District Representative Sol Aragones, BUHAY Party-list Representative Lito Atienza.

Continue reading below ↓

Nag-abstain din sina Zambales 2nd District Representative Cheryl Deloso-Montalla, Sorsogon 1st District Representative Evelina Escudero, at Quezon 4th District Representative Angelina Tan.

CLARIFY TABULATION OF HOUSE VOTES

Mahigit isang linggo matapos aprubahan ng Kamara ang kontrobersiyal na HB 6875 nitong June 3, walang opisyal na report kung paano pinagbotohan ng mga kongresista ang panukala.

Ang tiyak ay nagkaroon ng individual voting ay ang mga mambabatas na nasa plenaryo at ang mga nakibahagi sa session sa pamamagitan ng video conference app na Zoom.

Nitong June 7, ibinunyag ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman na hiniling niya kay House Secretary-General Montales na isapubliko ang ginawang botohan ng mga kongresista.

Ayon kay Lagman, sa pamamagitan ng email, hiniling niya kay Montales ang certification “to ascertain the real score” sa pagboto sa HB 6875.

Kasunod ito ng pagrereklamo ng ilang kongresista—kabilang na sina Romulo, Zubiri, at Saulog—na mali ang pagkaka-record sa kanilang mga boto.

Continue reading below ↓

Sinabi ni Lagman na mistulang may “some confusion on the tabulation of votes as evidenced by changes and corrections made in the result of the voting by the attending staff of the Secretariat.”

Ang certification na hinihingi ni Lagman ay dapat na mayroong pangalan ng mga kongresistang bumoto ng “yes,” “yes with reservation,” “no,” at “abstain.”

I-update na rin daw ang listahan, base sa requests ng mga kongresistang binago ang kanilang boto, ayon kay Lagman.

“A public disclosure of the voting record would also afford Representatives to clarify how they actually voted or that they did not vote at all,” dagdag ni Lagman.

WITHDRAWING "YES" VOTES

Sa kabila nito, sinabi ni Senator Panfilo "Ping" Lacson na hindi na maaaring bawiin ng mga kongresista ang kanilang naunang boto sa HB 6875.

“They can [withdraw votes] sa media, pero sa Congress, they cannot,” sinabi ni Lacson sa interview sa kanya ng CNN Philippines nitong June 8.

Continue reading below ↓

Tapos na raw kasi ang deliberasyon sa HB 6875 at inaprubahan na ito sa final reading, ayon sa senador.

Isa si Lacson sa mga principal authors ng Anti-Terrorism Bill sa Senado.

Batay sa House rules, maaari lang maghayag ng reconsideration sa isang panukala sa kalagitnaan ng session.

Nag-adjourn na ang Kongreso nitong June 5.

HOT STORIES

THE PRIORITY BILL

May 29 nang in-adopt ng Kamara ang Senate Bill 1083, o ang Anti-Terrorism Bill of 2020, bilang HB 6875.

Ang pag-adopt ay nangangahulugang inaprubahan at tinanggap ng Lower House ang buong bersiyon ng SB 1083.

June 1, sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang "urgent" ang HB 6875.

June 2, ipinasa ng mga kongresista ang panukala sa second reading.

Kinabukasan, June 3, aprubado na ng Kamara ang HB 6875 sa third at final reading.

PROVISIONS UNDER QUESTION

Umani ng batikos sa publiko ang apurahang pagpapasa ng Mababang Kapulungan sa Anti-Terrorism Bill.

Bakit daw kailangang gawing prayoridad ang isang batas laban sa terorismo, sa panahong sinasalanta ng coronavirus pandemic ang Pilipinas?

Continue reading below ↓

Lumala pa ang kontrobersiya nang kuwestiyunin ng iba’t ibang sektor ang mga pangunahing probisyon ng panukala.

Kabilang dito ang hindi malinaw na kahulugan ng “terrorism” at “terrorist,” ang paglilegal ng warrantless arrest, hanggang 24 araw na pagkakapiit, masusing surveillance na tatagal ng hanggang 90 araw, kawalan ng pananagutan ng awtoridad sa unlawful detention, at parusang 12 taon hanggang habambuhay na pagkakakulong.

Naniniwala ang marami na banta sa human, civil, at political rights ng mga Pilipino ang mga nabanggit na probisyon ng Anti-Terrorism Bill.

LAWMAKERS AGAINST THE ANTI-TERRORISM BILL

Dahil dito, matapos aprubahan ng Kongreso ang panukala, ay curious na inalam ng publiko kung sino ang 36 na kongresistang tumutol sa priority bill ni Pangulong Duterte.

Inilabas ng youth organization na Initiative for Movement-building, Political Action, and Community Transformation Leadership o +iMPACT Leadership ang pangalan ng mga mambabatas na ito para mapasalamatan.

Sa listahan, kasama ng 36 na kongresista ang dalawang senador na kumontra sa Anti-Terrorism Bill sa Senado.

Continue reading below ↓

Ito ay sina Senators Risa Hontiveros at Francis “Kiko” Pangilinan.

Bumoto ng “no” sa HB 6875 sina Manila 6th District Representative Benny Abante, Lanao del Sur 2nd District Representative Yasser Balindong, Quezon City 6th District Representative Cristopher Belmonte, Negros Occidental 3rd District Representative Kiko Benitez, Camarines Sur 3rd District Representative Gabriel Bordado, Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas.

Kontra sa Anti-Terrorism Bill sina Magsasaka Party-list Representative Argel Cabatbat, Quezon City 2nd District Representative Precious Hipolito, ACT-Teachers Party-list Representative France Castro, BHW Party-list Representative Angelica Co, Bayan Muna Party-list Representative Eufemia Cullamat, Iloilo 3rd District Representative Lorenz Defensor.

Continue reading below ↓

Hindi rin kumporme sa HB 6875 sina Kabataan Party-list Representative Sarah Elago, Caloocan City 2nd District Representative Edgar Erice, Agusan del Norte 1st District Representative Lawrence Fortun, Bayan Muna Party-list Representative Ferdinand Gaite, Bataan 2nd District Representative Joet Garcia, lloilo 1st District Representative Janette Garin.

Bumoto rin ng “no” sina Basilan Representative Mujiv Hataman, Albay 1st District Representative Edcel Lagman, Antique Representative Loren Legarda, Negros Oriental 1st District Representative Jocelyn Limkaichong, Manila 1st District Representative Manuel Lopez, Manila 4th District Representative Edward Maceda.

Tutol sa kontrobersiyal na panukala maging sina TUCP Party-list Representative Raymond Mendoza, Makati City 1st District Representative Kid Pena, Marikina City 2nd District Representative Stella Quimbo, Quezon City 3rd District Representative Allan Reyes, CIBAC Party-list Representative Domingo Rivera, Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez.

Hindi rin aprubado ang HB 6875 kina Anak Mindanao Party-list Amihilda Sangcopan, Quezon City 4th District Representative Bong Suntay, Samar 2nd District Representative Sharee Ann Tan, Nueva Ecija 3rd District Representative Ria Vergara, Deputy House Speaker Eddie Villanueva, at Bayan Muna Party-list Representative Carlos Zarate.

Continue reading below ↓

SOLONS WHO VOTED “YES”

Kung pinasalamatan ang mga lawmakers na bumoto ng “no,” inulan ng batikos ang mga pumabor sa Anti-Terrorism Bill.

Ang ilan sa kanila—tulad ng mga celebrity-turned-politician—ay nakatikim pa ng pamba-bash sa social media.

Gaya ng multi-awarded actress na si Batangas 6th District Representative Vilma Santos-Recto, na tinawag na “traydor sa taong bayan” sa pagboto ng “yes.”

Inulan din ng pambabatikos ang mga dating aktor na sina Manila 3rd District Representative Yul Servo at Laguna 1st District Representative Dan Fernandez, na kapwa pumabor sa panukala.

Kabilang din sa bumoto ng "yes" si Leyte 4th District Representative Lucy Torres-Gomez, na ipinagtanggol pa ang anti-terror bill laban sa mga kritiko.

Narito ang initial list na isinapubliko ng Kamara kasunod ng pag-apruba sa HB 6875 sa Mababang Kapulungan nitong June 3.

Minarkahan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang unahan ng pangalan ng 15 kongresista na hiniling na matanggal ang pangalan nila sa listahan, matapos na itama o baguhin ang kanilang boto.

Continue reading below ↓

Continue reading below ↓

Continue reading below ↓

FOR PRESIDENT DUTERTE’S SIGNATURE

Naibigay na kay Pangulong Duterte ang kopya ng aprubadong Anti-Terrorism Bill.

Pirma na lang niya ang kailangan upang ganap itong maging batas.

Upang hindi maisabatas, maaari itong i-veto ng Presidente—na imposible dahil siya mismo ang nag-utos na paspasang aprubahan ito ng Kongreso.

May tatlumpung araw lang ang Pangulo upang aksiyunan ang panukala.

Makalipas ang 30 araw at wala pa rin itong pirma niya, at hindi rin niya ito na-veto, awtomatikong magiging batas ang Anti-Terrorism Bill.

Sa kasalukuyan, hinihintay ng Malacañang ang komento ng Department of Justice (DOJ) sa controversial bill.

Nangako si Justice Secretary Menardo Guevarra na bubusisiing mabuti, at "objectively" ang constitutionality ng panukala.

Ang komento ng DOJ ay isusumite nito sa Malacañang sa Miyerkules, June 17.

CONTINUOUS PROTESTS

Habang hindi pa nagiging batas ang Anti-Terrorism Bill, tuluy-tuloy itong tinututulan at ipinoprotesta ng iba’t ibang sektor.

Nanguna ang maraming celebrities sa paggamit ng iba’t ibang social media platforms para ipanawagan ang #JunkTerrorBill.

Continue reading below ↓

Kabilang sa kanila sina Miss Universe 2018 Catriona Gray, Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, ang mga aktres na sina Kathryn Bernardo, Nadine Lustre, at Liza Soberano.

Pursigido rin ang apela nina Janine Gutierrez, Agot Isidro, Solenn Heussaff, Isabelle Daza, Enchong Dee, at maging ang American pop superstar na si Taylor Swift.

Kontra rin sa panukala ang grupo ng mga abogado na Concerned Lawyers for Civil Liberties (CLCL).

Gayundin ang international environmental organization na Greenpeace.

Ang interfaith groups na One Faith. One Nation. One Voice., kinondena at ikinumpara sa martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Anti-Terrorism Bill.

Kabilang sa mga bumubuo ng One Faith. One Nation. One Voice. ang Archdiocese of Manila, National Council of Churches in the Philippines, Iglesia Filipina Independiente, United Church of Christ in the Philippines, at United Methodist Church.

Tutol din sa Anti-Terrorism Bill ang mga pangunahing unibersidad sa Pilipinas: ang University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila University (ADMU), at De La Salle University (DLSU).

Continue reading below ↓

Kaisa nila ang University of Santo Tomas (UST) at ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP).

RELATED STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Actresses Janine Gutierrez (left) and Lauren Young (right) tweet about urging lawmakers to correct or change their affirmative votes for House Bill 6875 or the Anti-Terrorism Bill of 2020.
PHOTO/S: @janinegutierrez, @lo_young on Instagram, congress.gov.ph
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results