Labis na sakit ang nararamdaman ni Ces Drilon, 59, dahil matapos ang tatlumpu’t isang (31) taon ay lilisanin na niya ang ABS-CBN.
Kasunod ng pagbasura ng House Committee on Legislative Franchises ng franchise application ng broadcast giant noong July 10, inanunsiyo ng pamunuan ng ABS-CBN ang malawakang pagbabawas ng mga empleyado simula sa August 31.
Isa si Ces sa mga empleyado ng Kapamilya network na tatanggalin sa trabaho.
Ang veteran broadcaster ang Content Acquisition Head ng ABS-CBN Lifestyle Ecosystem Group at ANC-X executive editor.
Sa Instagram post niya ngayong araw, July 17, ibinahagi ni Ces ang saloobin tungkol sa pagiging jobless niya pagkatapos ng August 31.
Aniya, “My tweet yesterday was picked up by many. I had no idea it would resonate that way.
"It said: 'This was one of the toughest days I had to face. Telling fellow kapamilyas that they would lose their jobs by end of August.
"I lost mine too. Aside from the financial uncertainty countless kapamilyas now face, what pains us most is that we love our jobs that will end in August.”
“MAKAKABANGON PO TAYO MAM”
Sa post na ito ni Ces, ibinahagi niya sa kanyang followers ang mensahe mula sa beteranong cameraman ng ABS-CBN na si Jimmy Encarnacion.
Si Jimmy ang cameraman ni Ces noong na-kidnap ang broadcaster ng bandidong grupo na Abu Sayaff noong June 8, 2008.
Kasama nina Ces at Jimmy ang assistant cameraman na si Angelo Valderama.
Pinalaya ang tatlo ng Abu Sayyaf noong June 17, 2008.
Lahad ni Ces, “One message that really touched me was sent by Jimmy Encarnacion, the ABSCBN news cameraman, who was abducted with me 12 years ago.
“He said ‘Ma’am Ces nabasa ko po. Nalungkot ako. Alam ko po gaano nyo minahal work nyo at ABSCBN. Makakabangon po tayo mam.’”
Sabi pa ng beteranang broadcaster, “We wake up in the morning excited and energized because we are passionate to work.
"It’s more than just a job for us. I am just so happy that people who sent me messages felt that passion in me.”
“#FOREVERKAPAMILYA”
Hindi pa malinaw kung ano ang susunod na hakbang ng ABS-CBN tungkol sa kanilang prangkisa.
Napaso na rin ang palugit upang maghain sila ng motion for reconsideration sa komite sa Kongreso.
Maaari silang magpasa muli ng aplikasyon sa pagbubukas ng bagong sesyon ng Kongreso sa katapusan ng Hulyo.
Pero habang ang mga mambabatas na bumotong ibasura ang franchise ng ABS-CBN pa rin ang nakaupo sa House Committee on Legislative Franchises, malabo itong makalusot.
Ang natitirang option ng istasyon sa ngayon ay ang magkaroon ng limited broadcast capacity sa cable, online, at iWant app.
Para kay Ces, hindi ito nangangahulugan ng tuluyang pamamaalam.
Saad niya, “This isn’t goodbye. I thank ABS-CBN for the opportunities given me all these past 31 years.
“It was the place that nurtured me and gave me the possibility to pursue my calling.
“In truth because I started in MBS 4 which became PTV 4, before I moved to ABS-CBN, I have only known one workplace for the last 36 years.
“I am #ForeverKapamilya”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika