"Kami po ay biktima ng isang mapaniil na administrasyon."
Ito ang sigaw ng beteranang brodkaster na si Ces Drilon sa SONAgKAISA rally ng iba't-ibang grupo, kabilang ang mga empleyadong natanggal sa ABS-CBN, ngayong Lunes, July 27.
Ngayong hapon ay ginaganap ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa, Quezon City.
Kaugnay nito, nagdaos ng rally ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa University of the Philippines grounds kaninang umaga.
Isa si Ces sa mga nagtalumpati, pero nilinaw nitong hindi niya kinakatawan ang ABS-CBN at ang mga nawalan ng trabaho sa ABS-CBN sa kanyang pagsasalita.
Ipinaglalaban ni Ces na #IbalikAngABSCBN matapos mabasura ang franchise bid ng broadcast giant sa Kongreso noong July 10.
Kasunod nito, nagtanggal ang network ng maraming mga tauhan, kabilang na si Ces.
FREEDOM OF THE PRESS
Ayon kay Ces, na dating ABS-CBN News Channel executive editor, ito ang unang pagkakataong magsasalita siya sa isang rally.
Sumentro ang kanyang talumpati sa "freedom of the press" na naipagkait aniya sa ABS-CBN at sa 11,000 empleyado at talents ng istasyon.
Saad niya, "Freedom of the press is an important foundation of our democary.
"Ang freedom of the press po ay isang haligi ng ating demokrasya.
"Ang freedom of the press po ay isang karapatan ng bawat isang Pilipino, at hindi po ito isang prebilihiyo na sinasabi ng ating Presidente."
Bahagyang tumigil si Ces dahil, aniya, "Nanginginig ako."
Dagdag ng brodkaster, ang malayang pamamahayag ay karapatan ng mga driver, mangingisda, pamilya ng mga sundalong namatay sa Sulu, at mga nurse na araw-araw ay nasa alanganin ang buhay sa pakikipaglaban sa COVID-19 virus.
Aniya, "Ang media po ay isang takbuhan [ng mga driver at mangingisda].
"Kami ang nagbibigay boses sa mga walang boses, sa mga miyembro ng lipunan na walang poder, upang may magbantay at taga-ulat."
CES slams PRESIDENT DUTERTE, APOLOGISTS
Kasunod nito ay binuweltahan ni Ces ang mga pabor sa pagsasara ng ABS-CBN.
Pahayag niya, "Ang lagi pong katwiran ng mga tagapagtanggol sa pagsasara ng ABS-CBN, 'Hindi naman nawawala ang press freedom, dahil patuloy ang paglabas ng TV Patrol sa Internet, sa cable. At patuloy naman ang ibang channel sa pagbu-broadcast.'
"Oo nga, patuloy ngang napapanood ang TV Patrol, ngunit para lamang sa may cable, may Internet.
"Paano na po ang halos 70 million na mga Pilipino na umaasa lamang sa radyo at telebisyon?
"Kami ay hindi na nila napapanood at naririnig. Kami po ay off-the-air."
Nagbigay rin ng babala si Ces sa ibang media entities na maaari nilang sapitin ang nangyari sa ABS-CBN kapag binatikos nila ang administrasyong Duterte.
"At ukol naman sa patuloy na broadcast ng ibang istasyon, malaki po ang epekto sa pagsasara ng ABS-CBN, dahil babala po ang nangyari sa amin sa mga inuulat nila.
"Meron pa bang nag-uulat kaya ng totoong nangyayari? Malamang ay matatakot na rin po silang mapasara."
Diin ni Ces, "Mensahe po ang nangyari sa amin na, 'Magulat kayo at baka kayo na ang susunod.'"
Iginiit din ni Ces na walang nilabag ang ABS-CBN, base sa mga pagdinig na isinagawa sa Kongreso.
Pero sa nangyaring botohan, landslide ang nakuha ng "Yes" votes pabor sa report ng Technical Working Group (TWG) ng House Committee on Legislative Franchises na nagsasabing hindi dapat bigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN Corporation.
Ayon kay Ces, may dikta ang Palasyo sa nangyaring botohan.
Alam kasi ng bayan na may galit si Pangulong Duterte sa pamunuan ng network matapos hindi iere ang ilang campaign ads niya noong 2016 presidential elections.
Sabi niya, "Ayaw lang po ng isang tao ang pagbabalita at dahil dito ay hindi po kami nabigyan ng prangkisa."
Muling nilinaw ni Ces na hindi siya nagsasalita para sa ABS-CBN at sa mga libu-libong nakatakdang mawalan ng trabaho mula sa broadcast giant.
Aniya, “Pero kaisa ko po sila sa mga nagsasabi dito na, 'Kami po ay biktima ng isang mapaniil na administrasyon.'"
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
