Trending topic muli sa Twitter ang GMA News reporter na si Joseph Morong ngayong araw, July 27.
Ito ay dahil sa pagpu-post niya ng highlights ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaninang hapon, humarap muli si Pangulong Duterte sa bayan para sa kanyang ika-limang SONA.
Umabot ang talumpati niya ng isang oras at 41 minuto.
Matapos nito, ipinost ni Joseph ang ginawa niyang notes tungkol sa mga pahayag ng Pangulo.
Makikita sa dalawang pahina ang iba’t ibang pagkaka-type ng reporter sa apelyido ni Pangulong Duterte.
Ilan sa mga ito ay nai-type niyang “Pres. Durter,” “pres. dutertea,” “pres. Dutete,” at “Duterete.”
Nakalagay sa caption: "Tadah! Highlights of Pres. Duterte's 5th SONA @gmanews"
Maraming Twitter users ang humanga sa ginawa ni Joseph:
Humingi naman ng dispensa si Joseph sa typograpical errors sa kanyang summation.
Sabi niya sa isa pa niyang tweet: "Haha sensya na sa typos guys hehe pero gets nyo naman (sana) haha"
Hindi ito ang unang pagkakataong nag-trend at pinag-usapan ng netizens si Joseph sa social media.
Noong June 15, naging trending topic siya matapos mag-post ng selfie habang hinihintay ang public address ni Pangulong Duterte ukol sa COVID-19 pandemic response ng gobyerno.
Huli na nang mapansin niyang may nakikitang gayporn site sa kanyang laptop.
Humingi naman ng dispensa si Joseph dito.
DUTERTE’S 5TH SONA
Sa halos dalawang oras na SONA ni Pangulong Duterte, tinalakay niya ang iba’t ibang isyu ng bansa.
Sa unang bahagi ng kanyang talumpati, binira niya si Senator Franklin Drilon sa pagtatanggol daw nito sa oligarkiya. Kaugnay ito ng pagkabasura ng franchise application ng ABS-CBN.
Sabi ng Pangulo, "My countrymen it is sad that while the government focuses its attention and resources to battle the coronavirus, there are those who take advantage of the preoccupied government.
"One of them is Senator Frank Drilon.
"In an interview, he arrogantly mentioned among others, 'oligarchs need not be rich.'
"Then he linked the anti-dynasty system with oligarchy. And the topic was my daughter and son."
Ang tinutukoy ng Pangulo ay ang panayam sa senador noong July 15 kung saan sinabi nitong dapat daw isulong ni Duterte ang pagsasabatas ng Anti-Dynasty Law kung nais nitong masugpo at mabuwag ang oligarkiya sa bansa.
Tatlo sa mga anak ni Pangulo ay nasa pulitika rin ngayon: ang panganay na si Paolo “Pulong” Duterte at kongresista sa 1st District ng Davao City; si Sara Duterte ay alkalde ng Davao City; at si Sebastian “Baste” Duterte ay bise-alkalde ng Davao City,
Dagdag pa ni Duterte, "This happened after the [House] committee of franchise, voted 70-11 to deny the grant of franchise to ABS-CBN.
"Obviously, he was defending the Lopezes, that they are not oligarchs."
Nilinaw naman ni Senate Minority Leader Drilon na ang ipinagtatanggol niya ay ang press freedom, hindi ang pamilya Lopez.
Muli ring inulit ni Duterte sa kanyang SONA na biktima siya ng pamilya Lopez dahil sa hindi pag-ere ng ABS-CBN ng kanyang political ads noong 2016 presidential elections.
Saad niya, "Media is a powerful tool in the hands of oligarchs like the Lopezes who use their media outlets in their battles with political figures.
“I am a casualty of the Lopezes during the 2016 elections."
Humingi na ng paumanhin ang pamunuan ng ABS-CBN, at tinanggap naman ito ng Pangulo.
Ngunit patuloy pa rin ang pag-ungkat dito ni Duterte kahit nagtagumpay na siya sa kanyang kagustuhang hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
