Pinanindigan ng aktres na si Julia Barretto ang desisyong gawing pribado ang kanyang love life.
Hanggang ngayon, ayaw pa ring magkuwento ng 23-year-old Kapamilya actress tungkol sa taong nagpapasaya sa kanyang buhay.
Sa katunayan, sa latest vlog ni Julia nitong Martes, August 4, magiliw siyang nag-reply sa mga tanong na ipinadala ng kanyang fans.
Pero mariin siyang tumangging sagutin ang pag-uusisa ng mga ito tungkol sa buhay pag-ibig niya.
Sa halip, sinabi ni Julia na hindi na uli siya magbibigay ng kahit na anong detalye tungkol sa kanyang love life.
FANS ASK JULIA
Kaswal na question-and-answer ang tema ng latest vlog ni Julia, na may titulong “MUKBANG + Q&A FAIL.”
Habang maganang kumakain ng chowmien noodles, orange chicken, at beef broccoli, isa-isang sinasagot ng young actress ang mga tanong ng fans.
Ipinadala ng fans ang kanilang katanungan sa Instagram Stories ni Julia.
May nagtanong kung ano ang paboritong isuot ng aktres.
Sagot ni Julia, madalas siyang naka-jeans o denim.
Nag-reply rin siya sa tanong kung ano ang kanyang paboritong city.
“I love L.A.,” ani Julia, tinukoy ang Los Angeles, California sa Amerika.
Nang usisain sa kanyang mga pinagkakaabalahan kapag walang trabaho, sinabi ni Julia na naglalagi lang siya sa bahay, “lounging and eating.”
Isang fan ang nagtanong kung ano ang nagustuhan ni Julia sa pamumuhay niya independently.
“Everything,” mabilis na sagot ng young actress.
“I love the peace. I love the quiet. I love the freedom.”
THE FORBIDDEN QUESTION
Sa sumunod na bahagi ng vlog, matagal na binasa ni Julia mula sa kanyang smart phone ang iba pang katanungan ng fans.
Bahagyang naging seryoso ang mukha ng young actress nang muli siyang magsalita.
“Why is everyone asking about my love life?” tanong niya.
“I'm not gonna answer that question ever again.”
Sa puntong ito, bigla na lang natapos ang vlog.
Sa teaser na ipinost ni Julia sa Instagram nitong Martes, wala siyang nabanggit na paliwanag sa mistulang pagkakaputol ng kanyang vlog.
Inilarawan lang niya ito bilang “my shortest and most random vlog yet.”
Totoong maikli ang mahigit apat na minutong vlog na ito, kumpara sa mga naunang na-upload ni Julia, na laging lampas sa sampung minuto.
“VERY HAPPY” WITH “A LOVED ONE”
Sa birthday post ni Julia sa Instagram noong March 10, 2020, indirectly niyang ipinakilala ang bagong karelasyon.
Sa post, tinawag niya itong “a loved one” nang sumalo sa dinner ng kanyang pamilya para sa birthday ng aktres.
Sa interview kay Julia sa Magic 89.9 noong May 11, hindi niya direktang inamin ang tungkol sa bagong boyfriend.
Gayunman, kinumpirma ng young actress na “very happy” ang kanyang puso.
“I’M GONNA PROTECT IT WITH ALL THAT I HAVE”
Sa parehong panayam, sinabi ni Julia na hindi na niya isasapubliko ang tungkol sa kanyang love life.
Sa pamamagitan daw nito ay mapoprotektahan niya ang karelasyon ngayon.
Iyon daw ang mahalagang natutuhan niya pagdating sa romantic relationships—ang gawing pribado ito hanggang maaari.
“If there’s something that you really wanna last and work out, protect it as much as you can,” sabi ni Julia sa interview.
“Don’t share too much about it.
“Don’t share so much about a relationship that is supposed to be just between two people.”
Paliwanag niya: “I think, the less people know about something, the less they could have an opinion about it.”
“So now, I want things to work out, I want things to last.
“I’m gonna protect it with all that I have.
“I’m gonna keep a lot of things to myself from now on when it comes to that aspect in my life.”
JOSHUA’S EX-GIRLFRIEND
Ang dating loveteam partner na si Joshua Garcia, 22, ang huling nakarelasyon ni Julia.
Nang mga panahong iyon, bukas sa publiko ang relationship nina Julia at Joshua bilang reel-and-real life couple.
Sagana sa regular updates sa social media ang fans ng tambalan nilang "JoshLia."
Tumagal ng mahigit dalawang taon ang kanilang relasyon, na nagtapos noong April 2019.
Ilang buwan matapos ang breakup kay Joshua, na-link si Julia sa aktor na si Gerald Anderson, 31.
Nang mga panahong iyon, katatapos lang ipalabas ng pelikula nina Julia at Gerald, ang Between Maybes, noong May.
the alleged THIRD PARTY
Pagsapit ng July, nadawit si Julia sa controversial breakup ni Gerald sa aktres na si Bea Alonzo, 32.
Tatlong taong naging magkarelasyon sina Gerald at Bea.
Kapwa itinanggi nina Gerald at Julia na ang huli ang third party sa pakikipaghiwalay ng aktor kay Bea.
Gayunman, kahit ngayong isang taon na ang nakalipas, may mga netizens pa ring pilit na iniuugnay sina Gerald at Julia sa isa’t isa.
Makikita ito sa comments section ng individual posts nina Gerald at Julia.
May ilang tagasuporta nila ang kinikilig at umaasang totoong may relasyon ang dalawa.
Posibleng manatiling ganito ang paniniwala ng ilang fans hanggang hindi pinapangalanan ni Julia ang bago niyang karelasyon.
At hanggang hindi nagpapakilala si Gerald ng bago niyang girlfriend.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika