Nananahimik nga lang ba si Mariel Rodriguez tungkol sa nangyayari sa ABS-CBN?
Sa Instagram post ng mister ni Mariel na si Robin Padilla noong Linggo, September 19, may sinagot siya ukol sa “tila pananahimik” niya.
Burado na ang komento ng netizen, kaya hindi malinaw kung ano ang tinutukoy nitong insidente kunsaan nanahimik si Mariel.
Ngunit kinumpirma ng TV host sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na may kinalaman ito sa pagsasara ng ABS-CBN.
Si Mariel ay naging bahagi ng ABS-CBN mula noong 2005. Panandalian siyang lumipat sa TV5 noong 2012, ngunit bumalik muli sa Kapamilya network noong 2014.
Bago nagkaroon ng pandemic, si Mariel ay co-host sa noontime show na It's Showtime.
Sa kanyang komento sa Instagram post ni Robin, tinanggi ni Mariel na nanahimik siya tungkol sa isyu ng ABS-CBN.
Hindi lang daw nalaman ng netizen kung paano niya sinusuportahan ang kanyang home network.
Hindi raw porke't hindi siya sumama sa mga rally at noise barrage ay nanahimik na siya.
Buong sagot ni Mariel: “Hindi ako nanahimik. Hindi mo lang narinig yung way ko of standing up for them.
“Just because hindi ako nag rally at hindi ako nag-noise barrage, hindi nun ibig sabihin na nanahimik ako.
“False ka din.”

ROBIN PADILLA CALLS OUT STARS SUPPORTING ABS-CBN
Sa kabilang banda, kaya siguro nasabi ng netizen na hindi sinuportahan ni Mariel ang ABS-CBN ay dahil sa pagbatikos ng asawa niyang si Robin Padilla sa Kapamilya at Kapuso stars na nagpahayag ng suporta sa Lopez-owned TV station.
Sa kanyang Facebook post noong February 13, 2020, hinamon ni Robin ang prime artists ng ABS-CBN at GMA-7 na isapubliko ang kani-kanilang network contracts.
Ito ay para maikumpara raw ang kinikita ng mga artista sa kinikita ng mga ordinaryong manggagawa sa TV at pelikula, na pinangangambahan ng mga artistang ito na mawalan ng trabaho kapag tuluyang ipinasara ang ABS-CBN.
Patutsada pa ni Robin, na isang masugid na tagasuporta ni Pangulong Duterte, “Gusto niyo pala itama ang mali abay umpisahan natin sa una pag usapan muna natin ang tamang sueldo benepisyo at tamang oras ng trabaho ng mga kasama natin sa taping at shooting bago niyo ipaglaban ang karapatan ng kumpanya
"unahin niyo yun tao ng kumpanya na kasama niyo sa bawat araw sa location at wag niyo proteksyonan lang ang regular employees
"paano yun mga hindi regular?
“yun mga tao sa tent niyo at portalet buwan hanggang taon yan na kasama ninyo depende sa haba ng show niyo
"natanong niyo man lang ba kung sub contract ba sila ng regular employee ng abscbn at kung may overtime pay ba sila?
“Ilan ang laborer at sub contract ng regular employees ng abscbn? Sino sino?
“Yun pagkain parehas ba kayo ng kinakain ng mga crew?
“Tama ba sa sustansya?”
Ayon pa kay Robin, dapat daw unahin ng mga artistang nag-post ng pakikisimpatiya sa ABS-CBN ang kapakanan ng mga manggagawa at kawani ng network.
Saad ng aktor: “Ipaglaban ninyo ang agreement ng DOLE at ng FDCP sa mga network nyo at kapag nakuha niyo yun para sa mga taong nagpapakahirap talaga na kasama ninyo kahit umulan o umaraw magpuyatan man o hindi tsaka niyo ipaglaban ang sinasabi ninyong karapatan ng isang multi billion na kumpanya.
“I am not against abscbn franchise but we have to be real this is the only chance na kayo ang maging daan para mabago ang takbo ng working state nating lahat sa entertainment industry magpagamit muna kayo sa mahihirap sa mga taong nagdala sa inyo sa kasikatan bago sa mga mayayaman."
Sabi pa ni Robin, tigilan na ang "napakadrama" ng mga artista sa usapin ng franchise renewal ng ABS-CBN.
Alangan nga namang kontrahin ni Mariel ang sarili niyang asawa kapag naghayag siya ng suporta sa ABS-CBN, na naging malaking bahagi ng kanyang showbiz career.
ABS-CBN STARS JOIN RALLY, NOISE BARRAGE
Bago ibasura ng Kongreso ang franchise application ng ABS-CBN noong July 10, 2020, nagsagawa ng rally at noise barrage sa harap ng ABS-CBN ang mga artista at empleyado ng istasyon
Isang malaking rally at noise barrage din ang idinaos ng mga artista at empleyado ng network noong July 18. Dito ay hinamon ni Angel Locsin ang mga Kapamilya stars na nananahimik daw ukol sa sinapit ng kanilang istasyon.
Sigaw niya: “Sa mga artistang hindi nagsasalita, may career pa ba kayo? Wala na! Wala na kayong network!
“Kahit magpa-cute kayo diyan sa Instagram, mag-send kayo ng mga sad face… hindi niyo madadamayan ang mga katrabaho niyo na dahilan kung bakit kayo sumikat!”
Giit ni Angel: “Huwag kayong matakot, wala na kayong poprotektahang career o image. Nandito tayo sa panahon na kailangan na ding magsalita.”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.
