Get a chance to WIN an overnight stay in Pico de Loro and other prizes when you answer the PEP.ph Reader’s Survey!

Answer Now

Robin Padilla calls out Kapamilya, Kapuso stars supporting ABS-CBN

by Arniel C. Serato
Feb 14, 2020
Robin Padilla challenges stars supporting ABS-CBN to a live face-off with their network contracts: "para sa mga superstar ng abscbn at gma hinahamon ko kayo humarap ng live at ipagtanggol nyo ang mga network niyo..."
PHOTO/S: Noel Orsal

Hinamon ni Robin Padilla ang mga sikat na artista ng ABS-CBN at GMA-7 na isapubliko ang kani-kanilang network contracts.

Ito ay para raw malaman ng publiko kung magkano ang kanilang kinikita.

Hindi nagbanggit ng mga pangalan si Robin sa kanyang Facebook post nitong Huwebes, February 13, ngunit malinaw na patama niya ito sa mga artista—Kapamilya man o Kapuso—na nagpahayag ng suporta sa ABS-CBN.

Nahaharap ngayon sa alanganin ang prangkisa ng Kapamilya network dahil sa banta mula sa matataas na opisyales ng gobyerno, sa pangunguna ni Presidente Rodrigo Duterte.

Magtatapos na ang franchise to broadcast ng ABS-CBN sa March 30, 2020.

Ngunit wala pang katikayan kung magpapatuloy ang prangkisa nito sa susunod na 25 taon dahil sa ilang kadahilanan.

Una, hindi pa rin natatalakay sa Kongreso ang mahigit sampung panukalang batas na magbibigay ng panibagong prangkisa sa giant network.

Pangalawa, naghain ng quo warranto petition ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court, noong February 10, upang mapawalang-bisa ang prangkisa ng ABS-CBN at ng telecommunications unit nito, ang ABS-CBN Convergence, Inc.

Continue reading below ↓

Ang quo warranto ang ginagamit ng gobyerno upang kuwestiyunin ang “usurpation of a public office, position or franchise,” batay sa Rule 66 ng Rules of Court.

Ang OSG naman ang tumatayong abugado ng pamahalaan.

Pangatlo, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte mismo na haharangin niya ang franchise renewal ng ABS-CBN.

Nag-ugat ito sa alegasyong panggagantso diumano sa kanya ng network nang hindi ipalabas ang kanyang campaign ads noong 2016 presidential elections, kahit bayad na ang mga ito.

Kasunod ng mga banta mula sa itaas, kaagad na nagpahayag ng suporta ang contract stars ng ABS-CBN sa kanilang home network.

Kabilang sa nag-post ng kanilang suporta ang big stars ng ABS-CBN na sina Vice Ganda, Coco Martin, Lea Salonga, Regine Velasquez, Piolo Pascual, Angel Locsin, Anne Curtis, Gary Valenciano, Ogie Alcasid, Bea Alonzo, Kim Chiu, Angelica Panganiban, at Liza Soberano.

Maging ang ilang artista ng rival network na GMA-7 ay nagpahayag din ng suporta sa ABS-CBN. Kabilang sa kanila sina Dingdong Dantes, Eugene Domingo, Aiko Melendez, at Atom Araullo.

Continue reading below ↓

Ilan sa kanila ay nagsabi ring nag-aalala sila sa mga taong nagtatrabaho sa likod ng kamera at iba pang mga empleyadong nakadepende ang kabuhayan sa istasyon.

ROBIN PADILLA TO HIS FELLOW STARS: "HINAHAMON KO KAYO..."

Hindi nagugustuhan ni Robin ang sympathy posts ng mga kapwa niyang artista para sa ABS-CBN.

Base sa kanyang Facebook post, hinahamon niya ang mga itong ipakita ang kanilang network contracts para maikumpara raw ang kinikita ng mga artista sa kinikita ng mga ordinaryong manggagawa.

Sabi ng 50-year-old actor (published as is): “God is great!! para sa mga superstar ng abscbn at gma hinahamon ko kayo humarap ng live at ipagtanggol nyo ang mga network niyo

"ilabas natin ang mga contract natin at ikumpara natin sa mga kasama natin sa trabaho sa taping at shooting

"ipakita natin sa taongbayan ang tinatamasa natin sa mga network natin at ang tinatamasa ng sinasabi ninyong ipinaglalaban niyo na wag mawalan ng trabaho."

Continue reading below ↓

Patutsada pa ni Robin sa mga kasamahan sa industriya: “Gusto niyo pala itama ang mali abay umpisahan natin sa una pag usapan muna natin ang tamang sueldo benepisyo at tamang oras ng trabaho ng mga kasama natin sa taping at shooting bago niyo ipaglaban ang karapatan ng kumpanya

"unahin niyo yun tao ng kumpanya na kasama niyo sa bawat araw sa location at wag niyo proteksyonan lang ang regular employees

"paano yun mga hindi regular?

“yun mga tao sa tent niyo at portalet buwan hanggang taon yan na kasama ninyo depende sa haba ng show niyo

"natanong niyo man lang ba kung sub contract ba sila ng regular employee ng abscbn at kung may overtime pay ba sila?

“Ilan ang laborer at sub contract ng regular employees ng abscbn? Sino sino?

“Yun pagkain parehas ba kayo ng kinakain ng mga crew?

“Tama ba sa sustansya?”

Continue reading below ↓

ROBIN: “I AM NOT AGAINST ABS-CBN FRANCHISE BUT...”

Bago ito, nag-post si Robin sa Facebook noong February 12 ukol sa quo warranto petition na isinumite sa Supreme Court ng Office of the Solicitor General laban sa ABS-CBN.

Sinabi ng aktor na sagrado ang Saligang Batas at walang nakakataas dito, mayaman man o mahirap.

Sa bagong post ni Robin, nagpasakalye muna itong hindi siya tutol sa franchise renewal ng ABS-CBN, na naging tahanan niya ng ilang taon.

Ang huling programa ni Robin sa ABS-CBN ay ang Sana, Dalawa Ang Puso Ko noong 2018.

Sa Kapamilya network din nagtatrabaho ang asawa nitong si Mariel Rodriguez bilang co-host ng It's Showtime.

Ngunit matapos nito, nagbitiw siya ng mga salitang lihis sa isyu ng pagsasara sa ABS-CBN sa Marso 30, o sa loob na lamang ng 45 araw.

Unahin daw ng mga artistang nag-post ng pakikisimpatiya sa ABS-CBN ang kapakanan ng mga manggagawa at kawani ng network.

Kulang na lang sabihin ni Robin na hindi sinsero ang mga artista sa pakikipaglaban sa tama kundi nila pansinin ang ipinapasok nitong isyu.

Continue reading below ↓

Saad ni Robin (published as is): “Ipaglaban ninyo ang agreement ng DOLE at ng FDCP sa mga network nyo at kapag nakuha niyo yun para sa mga taong nagpapakahirap talaga na kasama ninyo kahit umulan o umaraw magpuyatan man o hindi tsaka niyo ipaglaban ang sinasabi ninyong karapatan ng isang multi billion na kumpanya.

“I am not against abscbn franchise but we have to be real this is the only chance na kayo ang maging daan para mabago ang takbo ng working state nating lahat sa entertainment industry magpagamit muna kayo sa mahihirap sa mga taong nagdala sa inyo sa kasikatan bago sa mga mayayaman .

“I am for abscbn renewal pero include the agreement of Chairwoman Liza DIño and Secretary Silvestre Bello in there mission and vision una muna tayong magserbisyo sa mga tao natin sa loob natin! sa bakuran natin! bago tayo mangapitbahay.”

Muli pa niyang hamon sa “superstars” ng malalaking TV stations sa bansa (published as is): “Anytime ako anywhere ilabas natin mga contract natin let us compare our salaries to our kapamilya co workers at isama niyo na mga kapuso at mga kapatid.”

Continue reading below ↓

Pambato pa ni Robin, tigilan na ang "napakadrama" ng mga artista sa usapin ng franchise renewal ng ABS-CBN.

“Magpalabasan na tayo para makita ng publiko let us give it to them tutal napakadrama ninyo

"gawin na nating teleserye punuin natin ng revelations ang isyu na ito na dapat pinag uusapan sa korte at congress."

Hanggang sa may rebolusyon pang sinasabi ang nakilalang Bad Boy of Philippine Movies.

“Hindi lahat sa mundo ay Showbiz at Politics one way or the other the revolution of the people has to be realized!”

THE DUTERTE-PADILLA CONNECTION

Si Robin ay sumugal kay Rodrigo Duterte bago pa man naging pangulo ng bansa ang huli.

Noong 2016 presidential elections ay isa si Robin sa mga celebrities na nangampanya kay Duterte na wala umanong bayad.

Nagbida rin ang aktor sa isang political advertisement ng noo'y Davao City mayor na may titulong "DISIPLINA DUTERTE, PARA PRESIDENTE."

Continue reading below ↓

Ito rin ang political ad ni Duterte na sinasabing hindi inere noon ng ABS-CBN bagamat bayad na.

Nang nahalal si Duterte bilang Pangulo ng Pilipinas, naging mas malapit pa si Robin at ang asawa nitong si Mariel Rodriguez sa kanya.

Sa mga importanteng okasyon sa buhay nilang mag-asawa ay dumadalo si Pangulong Duterte.

Continue reading below ↓

Katulad na lamang sa surprise 50th birthday party ni Robin na inorganisa ni Mariel noong November 2019.

Ninong din ang Pangulo sa binyag ng panganay nina Robin at Mariel na si Maria Isabella noong November 23, 2017.

Kasama rin si Robin ng Pangulong Duterte sa unang state visit nito sa Russia noong 2017.

Lalong mahalaga, si Pangulong Duterte rin ang nagbigay ng absolute pardon kay Robin noong 2016.

Ito ay may kinalaman sa pagkakahatol at pagkakakulong kay Robin sa salang illegal possession of heavy firearms noong taong 1994.

Dahil sa absolute pardon, naibalik sa aktor ang kanyang civil at political rights, kaya maaari na siyang bumuto tuwing eleksiyon.

Dahil na rin sa closeness nila ng Pangulo, pinararatangan ng netizens si Robin na "nilaglag" nito ang ABS-CBN nang sabihin ng aktor "no one is above the law."

Ngunit binura na ni Robin ang kanyang post tungkol dito.

Ngayon naman ay hinahamon ni Robin ang mga artistang sumusuporta sa ABS-CBN sa isang isyung naglalayo ng pansin sa nagbabadyang network closure.

Masasabi ring minamaliit ni Robin ang pagsuporta ng mga artista sa Kapamilya network sa isang away na, sa buod, ay away ni Presidente Duterte sa ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Read Next
Recommended Videos
Latest Stories

Get a chance to WIN an overnight stay in Pico de Loro and other prizes when you answer the PEP.ph Reader’s Survey!

Answer Now
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Robin Padilla challenges stars supporting ABS-CBN to a live face-off with their network contracts: "para sa mga superstar ng abscbn at gma hinahamon ko kayo humarap ng live at ipagtanggol nyo ang mga network niyo..."
PHOTO/S: Noel Orsal
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results