Nilinaw ni Sunshine Cruz na hindi siya nagsasalita o nagbibigay ng interview na may kaugnayan sa kanyang ex-husband na si Cesar Montano.
Ito ang idiniin ng aktres bilang reaksiyon sa Instagram post ng veteran columnist at talent manager na si Lolit Solis ukol sa tila "walang katapusang gulo" sa pagitan nina Cesar at Sunshine.
Saad pa ni Lolit sa kanyang Instagram post ngayong Biyernes, November 27, “Hanggang ngayon na meron na sila mga bagong partner para bang every now and then meron pang intriga between them.
"Sana naman matapos na, lalo pa at 3 babae ang anak ni Cesar kay Sunshine na parang hindi maganda tuwing meron lumalabas pang mga issue tungkol sa magulang nila.
"Puwede naman hindi na sila nagbibigay ng statement, o sumagot sa issue, basta tinanong, smile na lang para tapos na, huwag ng pag usapan pa.
"Hindi matigil tigil, para bang umaandar bawat araw , walang katapusan.Kanya kanya na sila, kaya hintuan na ang issue.
"Dapat wala na silang pakialam sa isa't isa. Dapat iyon communication nila para sa mga anak na lang nila. No more hot words."

Hindi malinaw kung ano ang pinanggagalingan ni Lolit sa isinulat niyang ito.
Pero base sa komento ng mga nakabasa, tila may kinalaman ito sa pagpu-post ni Miss Philippines Earth 2009 Sandra Seifert, noong November 25, ng larawan ng kanyang five-year-old son kasama ang ama ng bata na si Cesar.

Noong araw ring iyon, kinunan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pahayag si Sunshine Cruz ukol sa Instagram post ni Sandra. Pero nakiusap itong i-off the record ang aming naging usapan ukol sa dating mister.
SUNSHINE REACTS TO LOLIT'S POST
Hindi naman napigilan ni Sunshine ang bugso ng kanyang damdamin matapos mabasa ang post ni Lolit.
Sumagot siya rito.
Aniya, hindi siya nagsalita ng kahit ano tungkol sa kanyang dating asawa.
Diin ng aktres: "I haven't said a single word.
"My ex husband is none of my business. Annulled na po kami.
"I’d rather focus sa mga anak ko at sa trabaho."

Ibinahagi rin ni Sunshine sa kanyang Facebook account ang screenshot ng post ni Lolit.
Paglilinaw niyang muli, hindi siya nagbigay ng kahit anumang panayam o pahayag ukol kay Cesar.
Sabi niya, “I never gave or I never plan to give any statement or grant any interviews involving my ex.
“My ex-husband is none of my business.”
Sina Cesar at Sunshine ay may tatlong anak na babae: sina Angelina, Sam, at Cheska.
September 18, 2018 nang i-grant ng korte ang annulment ng dalawa.
CESAR-SANDRA RELATIONSHIP
Noong May 2015, ilang araw bago ang laban ni Manny Pacquaio kay Floyd Mayweather Jr., kumalat ang balitang magkasama diumano sina Cesar at Sandra na lumipad patungong Las Vegas, Nevada.
Ayon sa mga ulat, manonood daw ang rumored couple ng tinaguriang "fight of the century" nina Manny at Floyd sa Las Vegas, na ginanap noong May 2 (May 3 sa Pilipinas).
Noong May 1, parehong nag-post sa kani-kanilang Instagram accounts sina Cesar at Sandra ng mga larawan kasama si Manny.
Pero wala silang larawang magkasama.
Malakas din ang usap-usapang buntis na noon si Sandra.
May kumalat pang impormasyong pagkatapos manood ng laban nina Pacquiao at Mayweather sa Las Vegas, tutuloy raw sina Cesar at Sandra sa Italy—kung saan daw nakatira ang isang kapatid ng aktor—para doon manganak ang beauty queen.
Noong June 2015, itinanggi ni Cesar na mayroon silang anak ni Sandra.
Nang matanong ng media kung mayroon siyang bagong “bundle of joy,” sagot nito, "Wala, wala. Lagi na lang may joy. Pag meron kang Diyos, laging may joy. Kasama 'yon."
Pero sa ulat ng Cabinet Files, kinumpirmang isinilang ni Sandra ang kanyang anak sa Amerika noong October 10, 2015.
At sa Instagram post ni Sandra nito lamang November 25, 2020, nakumpirmang si Cesar nga ang ama ng kanyang anak.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
