Sa unang pagkakataon, inilantad na rin ni Julia Barretto, 23, ang pagmamahalan nila ni Gerald Anderson, 31.
Ngayong araw, March 7, 2021, nag-post si Julia ng maikli ngunit sweet na birthday greeting para sa kanyang “love” sa Instagram.
Nagdiriwang si Gerald ng kanyang ika-32 na kaarawan.
Makikita sa litrato ang kanilang sweet photo kung saan nakahalik sa cheeks ni Julia si Gerald.
Saad ni Julia sa caption, “Everyday I celebrate you, but today I am extra grateful [white heart emoji]. Happy birthday my love, I am SO PROUD OF YOU.”
Unang umamin si Gerald tungkol sa kanilang relasyon ni Julia sa isang interview kay Boy Abunda na ipinalabas noong Biyernes, March 5, 2021 sa YouTube channel ng TV host.
Ayon kay Gerald, masaya siya ngayon sa piling ni Julia, at masaya silang dalawa sa kanilang relasyon.
Kahapon, March 6, 2021, magkasamang namahagi ng ayuda sina Gerald at Julia para sa Aeta families na naninirahan sa Lupang Pangako Resettlement sa Barangay San Agustin, Iba, Zambales.
Ito ang unang public appearance nina Julia at Gerald bilang magkasintahan pagkatapos ng pag-amin ni Gerald tungkol sa kanilang relasyon.
GERALD-JULIA RELATIONSHIP
Halos dalawang taon na ang nakalilipas nang mangyari ang kontrobersiyal na paghihiwalay nina Gerald at Bea Alonzo.
July 2019 nang kumalat sa social media ang paparazzi shots nina Gerald at Julia.
Nakunan ang dalawa na naglalakad sa parking lot galing sa birthday party ng kanilang kaibigang si Rayver Cruz sa isang bar sa Taguig City.
Inakusahan si Gerald ng pagtataksil kay Bea, at si Julia ang pinaratangang umano’y third party.
Naghiwalay sina Bea at Gerald, pero sa mga interview ay itinanggi ng aktor at ni Julia na may namamagitan sa kanila.
Simula noon ay hindi na tumigil ang pag-uugnay kina Gerald at Julia, lalo pa’t unti-unting naglalabasan ang paparazzi shots sa social media kung saan namamataan sila sa iisang lugar.
Maging si Julia ay ilang beses na ring nagpahiwatig na siya ay kasalukuyang in love at ang clues ay itinuturo si Gerald bilang lalaki sa kanyang buhay.
Noong January 2021, naging usap-usapan sa social media ang pagsusuot ni Julia ng kuwintas na mayroong “G” na pendant.
Ayon sa mga nakakita, maaaring “Gerald” ang ibig sabihin nito.
Kasunod nito, inamin ni Julia na siya ay “TAKEN” sa pamamagitan ng isang TikTok video, kung saan pinapili siya at ang kanyang mga kaibigang kasama sa video kung sino ang “SINGLE” at “TAKEN.”
Meron ding pinagpilian kung “PINOY” o “AFAM” at “OLDER” o “YOUNGER.”
Ang afam ay urban slang para sa salitang foreigner.
Pinili ni Julia ang “AFAM” at “OLDER,” kaya naman pinutakti ang video ng comments na tila nagpapahiwatig na si Julia tungkol sa relasyon nila ni Gerald.
Sa usapan naman ni Julia at ng kapatid na si Dani Barretto sa isang YouTube video noong February 22, pakiramdam daw niya ay “baby” na lang ang kulang sa kanyang buhay.
Sa March 10, 2021, si Julia naman ang magdiriwang ng kanyang 24th birthday.
