Ngayon, March 7, ang 32nd birthday ni Gerald Anderson at kasama niya ang kanyang girlfriend na si Julia Barretto nang mamahagi siya kahapon, March 6, ng ayuda para sa Aeta families na naninirahan sa Lupang Pangako Resettlement sa Barangay San Agustin, Iba, Zambales.
Auxiliary officer si Gerald ng Philippine Coast Guard (PCG) at may ranggo siya na Lieutenant Commander kaya sinuportahan ng organisasyon ang relief operations niya na bahagi ng pagdiriwang ng kanyang 32nd birthday.
Ang PCG ang naglabas ng balita tungkol sa pamamahagi nina Gerald at Julia ng bigas, mga de-lata, noodles, biscuits , kape, at hygiene supplies sa mga kababayan nating Aetas.
Ang naganap na relief operations ang unang public appearance nina Gerald at Julia matapos aminin ng aktor ang kanilang relasyon sa exclusive interview sa kanya ni Boy Abunda noong March 5, 2021.
May mga naniniwala na may kinalaman ang kanyang 32nd birthday kaya inamin na ni Gerald sa publiko ang pagmamahalan nila ni Julia.
Kontrobersyal ang ugnayan kina Julia at Gerald mula pa noong 2019. Sinasabing ugat ito ng paghihiwalay nina Gerald at Bea Alonzo kaya't matagal na pinagpistahan ng mga mahihilig sa showbiz controversies.
“Nagpapasalamat ako kasi kasama ko kayo sa birthday ko. Sana, nakapagbigay ng kaunting saya sa inyo ang pagbisita namin dito.
"Hiling ko rin na maging partner kami ng komunidad na ito sa mga susunod pang pagkakataon,” mensahe ni Gerald na inilabas ng PCG.
Ibinida rin ng PCG na isa si Gerald sa mga aktibo na auxiliary volunteers, lalo na sa mga humanitarian assistance operations na isa sa mga core mandate ng kanilang organisasyon.