Sinagot ni Sanya Lopez ang tanong kung kabado ba siya sa pag-transfer ng mga artista sa GMA Network, partikular ang ABS-CBN stars.
Walang dudang isa si Sanya sa mga bini-build up na female stars sa bakuran ng Kapuso Network.
Pero sa paglipat ng mga artista mula sa kabilang network, asahang titindi ang kumpetisyon.
Nababahala ba si Sanya tungkol dito?
“Actually, natutuwa nga po ako na marami ang lumilipat dito sa GMA Network.
“Ibig sabihin malaki rin ang tiwala nila sa network. So, yun naman po talaga ang nasa isip ko,” sagot ni Sanya.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at sister sites nito si Sanya via Zoom noong July 29, 2021.
Ilan sa ABS-CBN artists na nasa bakuran na ngayon ng GMA-7 ay sina Bea Alonzo, Beauty Gonzalez, Pokwang, Richard Yap, at usap-usapang pati si John Lloyd Cruz.
Tiwala rin daw si Sanya na bilang homegrown talent ng Kapuso network, hindi mapapabayaan ang kanyang career.
“Yung siguro po [kung] kinakabahan ako, kung anuman po yung mangyayari sa akin, naniniwala po ako dito sa network na ‘to.
“Kasi para pong sa pamilya yan, sa isang relasyon. Isa ka sa mga tunay na anak.
“Kaya hinding-hindi ka pababayaan. Yun lang po ang nasisiguro ko.
“Kung meron mang anak talaga dito, ay ikaw ang isa sa mga talagang nagmula sa kanila.
“So, hindi po ako kinakabahan. Naniniwala po ako sa kanila.”
LOOKING FORWARD TO WORKING WITH BEA ALONZO
Inamin din ni Sanya na tagahanga siya ni Bea Alonzo noon pa man.
Umaasa raw siyang mabibigyan sila ng pagkakataon na magkatrabaho ngayong nasa GMA-7 na rin si Bea.
Sa katunayanan kuwento ni Sanya, ang mga linya ni Bea sa mga pelikula nito ang mga audition pieces ni Sanya noon.
“Sobrang fan niya ako before pa,” sabi ni Sanya.
“Si Miss Bea Alonzo, lahat ng audition piece ko sa kanya talaga. Sa kanya… yun yung pinapanood ko.
“Yun yung ginamit ko nung nag-audition ako sa GMA Artist Center pa lang. Yun po talaga.”
Hindi pa raw sila nagkikita ni Bea, pero nae-excite na raw si Sanya iniisip pa lang niyang magkikita silang dalawa.
Samantala, naging vocal din si Sanya sa pagsasabing iniidolo rin niya si John Lloyd Cruz, ang sikat na ka-tandem ni Bea.
“Actually, si Mr. John Lloyd Cruz ang isa sa mga gusto ko ring makatrabaho, e,” sabi ni Sanya.
“Sana nga kung mangyari na dito rin siya…
“Pero sana ay makasama po namin at makatrabaho ko siya. Makatrabaho man lang,” nangingiting sabi ni Sanya.
May mga usap-usapang gagawa ng sitcom sa GMA-7 si John Lloyd, pero wala pang kumpirmasyon tungkol dito.
