Matapos ang halos siyam na buwang kontrobersiya kaugnay ng Christine Dacera case, muling nagpaunlak ng panayam sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang isa sa respondents na si Valentine Rosales.
January 1, 2021 nang nasangkot ang grupo ni Valentine sa pagkamatay ng flight attendant na si Dacera sa isang hotel sa Makati City.
Sa kanyang muling pagpapaunlak ng panayam, hindi na matensiyon ang naging usapan.
Masayang binalikan ni Valentine ang kanyang kaligayahan nang batiin siya ng idol niyang si Kim Chiu sa kanyang birthday noong February 14, sa kasagsagan ng kinasasangkutang kaso.
Nag-post lang daw siya sa Twitter at nagbirong batiin sana siya ng Kapamilya actress-TV host.
Sabi ni Valentine, “Ang dami kong followers na nag-retweet nun, nag-like nun, tapos tina-tag pa nila si Kim Chiu.”
Mababasa sa kanyang tweet: "SANA I GREET MANLANG AKO NG HAPPY BIRTHDAY OR HAPPY VALENTINES NI KIM CHIU."
Pagpapatuloy niya, “Tapos nagulat ako, si Kim Chiu mismo, ni-retweet niya yun.
"Tapos naglagay siya ng message niya na, ‘Happy birthday, stay sweet,’ ganun, ganun.”
Mensahe ni Kim sa kanya noon: “Hi VALENTINE! happy birthday and happy valentines sayo! [Face throwing a kiss] hihihi stay sweet as you are!"

Dagdag pang kuwento ni Valentine, “Naano ako, na-starstruck ako.
"Kasi, ever since before talaga, sobrang fan ako ni Kim Chiu, My Binondo Girl pa lang, tapos nung sumali siya sa PBB.
"Sobrang fan na talaga ako ni Kim Chiu before."
Ano ang mga nagustuhan niya kay Kim?
Sabi ni Valentine, “Kasi gusto ko yung personality niya.
"Di ba, si Kim Chiu, nanalo siya sa PBB kasi kailangan sa Bahay ni Kuya... di ka kailangang mabait, ang kailangan totoo ka, yung di ka plastic. Yung totoong-totoo ka, as you are.
"And yung napapanood ko siya, sobrang tuwang-tuwa ako, gustung-gusto ko yung personality niya.
“Tapos, I like how she dresses, yung outfits niya, yung style niya, yung personality niya.
“Overall, yung smile, charm, charisma.”
Nakausap namin si Valentine sa Calamansi App podcast ng PEP.ph kagabi, September 8.

HOPES TO WORK WITH KIM
Sobrang idolo raw talaga ni Valentine ang It’s Showtime co-host dahil kahit sa inuman, umaasta siyang si Kim kapag nalalasing.
Ito rin ang sinabi niya nang akusahan ang kanilang grupo na diumano’y nanggahasa kay Dacera noong kasagsagan ng imbestigasyon.
Sabi ni Valentine noon, “Pag nalasing na po ako, nagiging pa-sweet na, nagiging Kim Chiu, nagiging ganyan na yung mga ano ko.”
Patuloy niyang kuwento sa PEP Calamansi App podcast, kapag nalalasing siya, hindi siya katulad ng iba na “nagiging war freak, yung iba nagiging sensual, yung iba parang nakakatawa or makulit."
Sabi pa ni Valentine, "Ako, pag nalalasing ako, parang madrama."
Nagiging pabebe rin daw siya katulad sa viral “because” meme ni Kim nung in-interview ito ni Kris Aquino.
Gusto ba niyang makatrabaho si Kim?
Pabirong banggit ni Valentine, “Of course, yes, sobra kahit ano lang. Kahit katulong nga lang niya ako, okay lang sa akin.
“Basta makasama ko lang siya, that’s a go. Imagine, idol mo makakasama mo?”
