"He passed away na hindi kami nakapagkita."
Ito ang madamdaming pahayag ni Valentine Rosales tungkol sa pagpanaw ng kanyang Taiwanese father na si Chen Tai Chiao, aka Joseph Chen.
Noong May 13, 2021, Huwebes, binawian ng buhay si Chiao matapos biglang atakehin ng stroke.
Si Chiao ay 71 taong gulang.
Si Valentine—na ang tunay na pangalan ay Alain Chen—ay isa sa 11 respondents na naugnay sa imbestigasyon sa pagpanaw ng 23-year-old flight attendant na si Christine Dacera.
Linggo ng hapon, May 24, eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Valentine sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono.
Dito ikinuwento ni Valentine na inatake ng stroke ang ama habang sakay ng kotse, bandang alas dos o alas tres ng hapon ng May 13.
Malungkot na lahad ni Valentine: "So ang nangyari, according sa driver na kasama niya, galing sila sa Pasay.
"Pinaayos niya, pina-polish niya yung tools niya kasi sa darating na Sabado nung week na iyon, magpi-fishing sila sa yacht ng friends niya. Fishing ang hobby ng father ko.
"Nung pauwi na sila, bigla daw sumakit dibdib ng father ko. Sabi niya sa driver, first time niya maramdaman yung parang sumisikip [ang dibdib].
"Sabi ng driver, 'Gusto mo dalhin kita sa ospital?' 'Sige, sige.' Tapos humingal, tapos biglang nag-seizure daw.
"Nung dinala sa ospital, diniretso sa emergency room."
Sa isang ospital sa Quezon City isinugod ng driver si Chiao.
Sa puntong ito, kinontak ng driver si Valentine at dalawang babaeng kapatid nito.
Middle child at only son si Valentine, 28. Ang nakatatanda niyang kapatid ay 30 years old, at ang bunso ay may edad na 26.
Ayon kay Valentine, pagdating ng ospital ay hindi na nila naabutan ng ate niyang buhay ang kanilang ama.
Hindi raw sila agad nakapasok dahil sobrang istrikto ng safety protocols dala ng COVID-19 pandemic.
Lahad ni Valentine: "Nung pumunta kami ng sister naming panganay, tina-try namin pumasok ng ospital kasi ayaw kami papasukin ng guard.
"Sabi, bawal daw. Lahat ng nurse, sabi bawal daw dahil may pandemic. Pero naka-face mask at face shield ako.
"Nakapasok lang kami nung patay na siya. Naka-wrap na siya. Hindi man lang namin nakita iyong suot niyang damit.
"Naka-wrap na siya, tapos face lang niya makikita mo."
Nakausap daw nilang magkapatid ang doktor na rumesponde sa ama.
Kuwento ni Valentine: "Sabi ng doctor, nung dumating dun, nire-revive nila, nag-flatline tapos nag-respond yung heart. Pero hindi nag-stabilize for a minute. Mga 30 seconds, tapos nagpa-flatline ulit.
"They were trying to revive my dad for almost an hour. In-injection nila ng adrenaline for the heart para mas mag-pump. Nilagyan siya ng oxygen sa bibig.
"Nire-revive nila, bumabalik, pero after 30 seconds nawawala. Nung ano na, wala na talaga. Nag-flatline na talaga."

BACKSTORY ON VALENTINE BEING DISOWNED BY DAD
Halu-halong emosyon ang naramdaman ni Valentine nang makitang wala nang buhay ang amang nakaalitan.
Ang pag-amin ni Valentine tungkol sa kanyang sexual orientation ang naging mitsa para itakwil siya ng ama at palayasin sa kanilang bahay.
Hindi kaila na bukod sa pagkamatay ni Christine Dacera noong January 1, 2021, naging national issue din nang matukoy na ang mga kalalakihang kasama ng dalaga na nag-check-in sa isang hotel sa Makati ay pawang mga gay.
Ito ay sa gitna ng reklamong rape with homicide na ibinato ng kampo ng pamilya Dacera laban sa grupo. Noong April 27, 2021, pormal na binasura ito ng Makati Prosecutor's Office.
Kuwento ni Valentine sa PEP.ph, mula noong January 1 ay isang beses lang niyang nakita ang ama, at iyon ay nang kumuha siya ng damit sa kanilang bahay noong huling weekend ng Enero.
Ni hindi nga raw sila nakapag-usap dahil matindi pa noon ang galit ng ama dahil sa pagsasapubliko niya na siya ay gay.
"Yes, yun na yung last nakita ko siya, pero di na niya ako nakausap. Nakatingin lang siya, tapos nakasimangot," balik-tanaw ni Valentine.
Dagdag niya, "Ever since the Dacera case happened, nung nag-start yung 2021, di ko na siya nakita. Kasi nag-stay ako kay Tita Claire. Nag-stay na ako sa tita ko.”
Ang tinutukoy niyang Tita Claire ay ang pumanaw na beteranang singer na si Claire dela Fuente, ina ni Gigo de Guzman, na isa rin sa 11 respondents sa reklamo ng pamilya Dacera.
Dalawang o tatlong linggong kinupkop si Valentine ni Claire noong Enero, bago siya nanirahan sa kanyang maternal aunt.
"Hindi na ako nakauwi. Umuwi lang ako to get my stuff. Hindi man lang kami nakapag eye-to-eye [contact]," saad ni Valentine.

WHAT VALENTINE WHISPERED TO HIS DAD
Kaya tila hindi pa agad nag-sink in kay Valentine na wala na ang ama nang makita niya ang katawan nitong wala nang buhay sa ospital.
Inamin ni Valentine sa PEP.ph na nakaramdam pa siya ng takot na baka pagalitan siya ng ama noong mga sandaling iyon.
Pero sa kabila nito, madamdaming humingi ng tawad si Valentine sa mga hindi nila pagkakaunawaan ng ama.
"Kasi, kahit nung when we were bidding our farewell na, nung naka-wrap na siya sa ospital at ulo lang ang kita at yung face, nung hinug ko siya, whinisper ko sa tainga niya, 'Papa, I'm sorry. I love you.'
"Habang yakap-yakap ko siya, ewan ko, parang kinakabahan ako na baka gumising. Baka pagalitan ako."
Kinalakihan daw kasi ni Valentine na hindi nagpapakita sa kanya ng emosyon ang ama.
Paliwanag niya: "Kasi, hindi siya ganun. Ang Chinese father kasi, sa girls, they show affection; sa boys, talagang formal talaga sila, lalaking-lalaki. Very strict sila sa lalaki.
"Kaya nung hinug ko siya at bumubulong ako, parang kinakabahan ako. Baka batukan ako.
"Pero bumulong ako sa kanya. I asked for forgiveness. Sabi ko, wala akong galit sa kanya. Yun ang last words ko sa kanya."
Umaasa si Valentine na baka sakaling narinig pa siya ng ama.
"Sabi nila, ang last na nawawala sa tao yung sense of hearing. Kaya, at least, nag-ask ako ng forgiveness."
Bulong pa raw ni Valentine sa ama, "Sabi ko, magkasama na sila ni Mama."
VALENTINE DISCOVERED THAT HIS FATHER SECRETLY CARED FOR HIM
Masakit daw para kay Valentine na huli na nang malaman niyang lihim palang nag-aalala sa kanyang kalagayan ang amang si Chiao.
"Pinaka-devastated ako kasi after my dad passed away, yung sisters ko, at saka neighbors na close sa dad ko, sinasabi na mabait na tao si Papa. Kahit strong on the outside, mabait daw ang puso.
"Tapos sinabi nila na kinakumusta daw ako ng papa ko. Tinatanong kung kumusta na ako. Yung sister ko pinakita yung message ng papa ko. 'Nasaan na kaya siya?'
"Pero ayaw niya ipaalam na kinukumusta niya ako. Tinatago niya sa akin. Tinatago niya na concerned siya sa akin kasi nga itinakwil niya ako."
Patuloy na lahad ni Valentine: "So, ayaw niya ipaalam na kinukumusta niya ako, kung kumusta na yung kaso, kung na-dismiss na.
"Gusto niya ako kausapin, pero siyempre lalaki, ma-pride, ayaw niya ako i-approach. Kumbaga, naghihintayan lang kami.
"Feeling ko, kung umuwi ako, hindi na niya ako papaalisin.
"'Yon yung masakit sa akin. Kasi hindi niya pinapaalam. Akala ko cold, ayaw na talaga niya ako makita. Dun ako naiyak kasi he's really concerned."
Isa pang kaibigan ng ama ni Valentine ang nagkuwento na naniniwala raw si Chiao na inosente si Valentine sa alegasyong rape with homicide bago pa man ito nabasura ng prosecutor.
"Yung friend ng papa ko na neighbor namin, naki-park sa garage namin. Tapos nagtanong, 'Kumusta na yung anak mo? Kumusta na yung case?'
"Tapos sabi niya, 'Naku, madi-dismiss yun, kasi alam ko yung anak ko wala namang ginawang kasalanan. Kilala ko yun.'"
UNDERSTANDING HIS FATHER'S strict ATTITUDE, point of view
Malungkot si Valentine dahil huli na nang malaman niya ang saloobin ng ama.
Gayunpaman, hindi naman daw siya nagtanim ng sama ng loob kahit na itinakwil siya nito noon.
Hindi rin naman daw ginusto ni Valentine na saktan ito nang aminin niya sa publiko na siya ay gay.
Paliwanag niya: "Naiintindihan ko naman siya kasi nga matanda na siya.
"Actually, before the thing [with the legal battle], hindi naman ako revealed. Kaya nga I go by the name of Valentine Rosales kasi ang Facebook ko iba yung name ko with my friends, which is Valentine.
"Tapos iba yung name ko sa loved ones ko, Alain, which is my real name. Kaya dalawa Facebook account ko.
"But when this Dacera case blew up, I had to reveal my gender sa buong mundo. Dun talaga na-disappoint siya nang totally sa akin."
Hirap daw tanggapin si Chiao na ang kaisa-isang anak na lalaki ay gay. Pakiramdam daw nito ay nagdala siya ng "kahihiyan" sa pamilya.
Paglalarawan ni Valentine sa pananaw ng ama: "Traditional Chinese. Kasi if you can see my dad, 71 na, talagang conservative pa yung mindset nila.
"Na pag bakla, malas daw. Pag bakla, di daw magaling sa business kasi half-half daw, hindi maka-decide. Yung mga superstitions nila.
"E, ako yung only son. Ako yung tagapagmana. Tapos naging bakla pa ako. So ayun, parang galit na galit siya."
Sayang daw dahil hindi sila nakapag-usap nang masinsinan bago ito pumanaw.
Ani Valentine, "I came out as gay. Naintindihan ko naman si Papa bakit siya nagalit sa akin.
"It's just that iyon, he passed away na di kami nakapagkita."
Nalaman na lang ni Valentine mula sa mga kapatid kung ano ang reaksiyon ng ama nang mabasura ang rape with homicide complaint na isinampa kay Valentine at iba pang respondents.
Sabi ni Valentine sa PEP.ph: "Masayang-masaya siya nung nalaman niya. Pero hindi man lang niya ako nasabihan.
"Nung nangyari yun, after a while namatay na siya. Parang hinintay lang niya siguro yung resulta bago nawala."

VALENTINE VISITED MOM'S GRAVE ON MOTHER'S DAY
Matagal na ring pumanaw ang ina ni Valentine na si Elizabeth Chen, at nagkataong bumisita raw siya sa puntod nito noong Mother’s Day, Linggo, Mayo 9.
Sabi ni Valentine sa PEP.ph: "Alam mo, nung Mother's Day, pumunta ako sa puntod ng mom ko. Kinausap ko siya.
"Humingi ako ng tulong, 'Where do I start now? Na-junk na yung Dacera case. Paano ako magsisimula?'
"Nag-pray ako. Kinausap ko siya nang masinsinan. Sinabi ko manganganak na yung ate ko, magkakaaapo na siya."
Pakiramdam pa ni Valentine ay ang ina niya ang "sumundo" sa ama nang pumanaw ito.
"Kaya nga feeling ko, kaya bumabalik tapos nagpa-flatline, baka yung mom ko na sumundo sa dad ko, kaya hindi na siya bumalik, sumama na siya.
"Superstition siya, pero yun ang na-feel ko.
"Kasi ang bilis, e. Sobrang bilis lahat ng nangyari nitong year na ito."

sending his father's ashes in taiwan
Sa ngayon, hindi pa raw umuuwi si Valentine sa bahay nila.
"Yung house namin, as of now, unoccupied. Yung elder sister ko may sarili siyang house.
"Pero kami ng bunso kong kapatid, sumama siya sa akin, pumunta rin siya sa house ng tita ko.
"We plan to sell the house kasi nga hindi maganda yung memories... And dun kami [sa bagong bahay] mag-start ng new life."
Ayon pa kay Valentine, ipapadala niya sa Taiwan ang ashes ng ama dahil iyon ang request ng kanyang paternal grandmother.
"Yung ash ng dad ko, ipapadala sa Taiwan kasi buhay pa yung mom ng dad ko, 98 years old.
"Gusto niya makita yung anak niya kahit abo man lang. Kasi when my dad was alive, nakasama niya kami.
"Now that he's gone, it's time for him to go back sa country niya, which is Taiwan.
"Lahat kasi ng relatives ko sa mother side, nandito sa Pilipinas. Sa father’s side, lahat nasa Taiwan."
surrendering to GOD'S WILL
Nagdadalamhati si Valentine dahil ulilang lubos na siya ngayon.
"Ngayon, I'm officially an orphan. Wala na akong mom and dad," sambit niya.
Ipinapasa-Diyos daw niya ang panibagong pagsubok na dinanas ngayong 2021.
"I surrender everything to God. Si God na yung bahala. Siya ultimate decision maker and judgment maker sa ating lahat.
"I am sure this happened for a reason. He has His plans.
"I may not understand it now, but in the future, dun ko makikita ang bigger picture."

