Ramdam at alam ng Kapuso couple na sina Mark Herras at Nicole Donesa na sila ang nakatadhana para sa isa’t isa.
Iba raw kasi at malalaman talaga ng isang tao kapag ang partner nito ang gusto niyang makasama habambuhay.
“Mapi-feel mo talaga kapag siya na,” masayang sabi ni Nicole sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanilang mag-asawa.
“Mae-envision mo na compatible kayo sa anumang situation na kinakaharap niyo.
"For example, whatever challenges that we take ni Mark, kahit nung first year ng relationship, may mga challenges na kaming pinagdaanan.
“But, you know, it became worth it kasi magkasundo talaga kami ni Mark and we really work together as a partner.
"We really learn how to give and take in our relationship and we have common likes, common traits."
Natawa naman si Mark sa sumunod na sinabi ni Nicole.
Ayon sa Kapuso actress, “Kasi siyempre, in every relationship, nag-aaway at nag-aaway. Pero kay Mark lang talaga ako nagkaroon ng pasensiya.
"Yung masasabi mo na hindi mo matitiis ang tao kahit ano pa pinagdaanan niyo. And I really saw Mark in my future."
Sa parte ni Mark, halos nasubaybayan ng publiko ang mga naging relasyon niya mula StarStruck days niya. Pero bakit sa huli ay si Nicole ang pinakasalan niya?
Ayon kay Mark, “Mararamdaman ko yun, e, kunwari I have a different partners, ito feeling ko, ito na—actually, hindi mo dun mabi-based.
“It’s all gonna be kung ano ang mararamdaman mo inside, during the relationship.
"It doesn’t need to be longer relationship. It doesn’t need to be sobrang bilis lang na relationship.
“Ako, I don’t know, noong naramdaman ko siya, si Ico [Nicole], sabi ko, she’s gonna be the one na makakasama ko for the rest of my life.”
Patuloy ng Kapuso actor, “I think, yun na yun.
"Then, yung partner mo, same kayo ng gustong mangyari sa buhay. You want to settle down, you like to get married, you have a kid na.
"Ako, dun ko naramdaman na si Ico na. Parehas kami ng gusto sa buhay."
Thirty-five years old na si Mark, habang si Nicole naman ay 28.
Nakausap ng PEP.ph sina Mark at Nicole sa pamamagitan ng Zoom noong September 24.
CIVIL WEDDING
Noong isang taon pa raw planong magpa-civil wedding nina Mark at Nicole. Pero dahil American citizen si Nicole, marami raw kailangang papers na dapat ayusin at mas naging mahirap dahil sa pandemic.
Noong September 8, 2021 ay natuloy ang kanilang civil wedding sa Quezon City Hall, at ang nagkasal sa kanila ay mismong si Mayor Joy Belmonte.
Ayon kay Nicole, “We’ve been planning it for a while na. Paunti-unti naming hinahanda ang mga kailangang papers.
"And then, we have friends, lucky kami na may mga friends kami na tumutulong sa amin kung paano ba magpa-civil sa City Hall, kay Mayor.
"And it so happened, this friend of ours, noong palapit na rin ang birthday ni Mama Mary, biglang nagsabi, tumawag na, 'Mark, Nicole, ready na lahat.'
“And it so happened na malapit na nga ang birthday ni Mama Mary, so why don’t we make it that day.”
Ayon naman kay Mark, hinabol talaga nila na bago siya magbalik ng trabaho at mag-lock-in taping para sa bago niyang teleserye sa GMA-7, ang Artikulo 247, ay legal na silang mag-asawa.
Lahd ng aktor, “Noong malaman namin na ayos na ang papers, sabi namin, 'Let’s get married na before akong mag-taping.'
"E, na-move ang taping ko, at least mas nagkaroon pa kami ng chance to be with each other before my lock-in taping.”
Dagdag pa ni Mark, “Parang joke time namin ni Nicole, hindi na siya bastardong anak.”
Itutuloy pa rin daw nila ang planong church wedding. Pero ayon kay Mark, pag-iipunan muna niya ito.
“Ipon muna ko!” natawang sabi niya.
“Actually, ayokong magsalita kung kailan. Pero siguro mga two to three years from now. When everything is really okay.
"Hopefully, okay na by that time."
Ayon naman kay Nicole, ang mahirap talaga ay sa side niya kunsaan nasa Amerika ang kanyang pamilya. At kung makakauwi man daw ang mga ito, dalawang linggo ay mauuwi lang sa hotel quarantine.
Hindi naman ikinaila nina Mark at Nicole na, bilang American citizen si Nicole, may posibilidad na sa U.S. sila manirahan.
“Mag-Hollywood actor na lang kaya ako!” natatawang biro ni Mark.
“Alam mo, we were talking about that. Siyempre, napag-uusapan din namin.
"After the pandemic and after ng mga nangyayari, siyempre ako, I still have my career naman.
“I’m very thankful sa GMA dahil ni-renew ako for the next three years.
"Sabi ko, pwede… it’s an option for us."
Dugtong naman ni Nicole, “It’s an option. Hindi namin kino-close yung door sa opportunity na yun.
“Pero as of now, we don’t see the need muna to do that. We’re still okay here and ito talaga ang home.”
