Sasabak na rin sa pulitika ang bagong kasal at Miss Asia Pacific International 2018 na si Sharifa Akeel.
Tatakbong gobernadora sa Sultan Kudarat ang dating beauty queen at asawa ni Maguindanao Second District Representative Esmael “Toto” Mangudadatu.
Ngayong araw, October 1, nanumpa si Sharifa sa Aksyon Demokratiko na pinamumunuan ng presidentiable at Manila mayor na si Isko Moreno.
Naniniwala raw si Sharifa na wala sa edad ang sukatan o tagal sa panunungkulan kung nais mong magsilbi sa bayan.
Sabi niya sa ulat ng ABS-CBN News, “Hindi naman 'yan nagbi-base kung kailan when it comes to rendering public service.
“It’s not about ikaw ay bata. As long as 18 years old ka na, na-attain mo yung requirements ng tumakbo...
"Sabi ko, 24 na ako, so if I won’t leave pageantry, I won’t grow as a woman.”
Bilang isang beauty queen, may alam daw siya sa pagseserbisyo dahil mayroon silang isinusulong noon na mga adbokasiya.
Saad ni Sharifa, “Kaming mga beauty queen, we’ve already had our own advocacy also and that is to serve and help people.”
Ano ang kanyang plataporma de gobyerno para sa probinsiya ng Sultan Kudarat?
Ayon kay Sharifa, “Mayroon naman tayong political agenda, but for the meantime, nandoon pa yun, hindi ko pa siya mailalatag sa inyo ngayon.
“Yung service na full talaga, nandoon ako at ready ako sa mga possible na puwedeng makapagbigay ng tulong sa mga kababayan.”
Ang kanyang asawang si Toto Mangudadatu ay tatakbo ring gobernador sa kabilang probinsiya ng Maguindanao.
Payo ni Toto sa asawang si Sharifa, “Sabi ko sa kanya, maging mahinahon palagi.
“Kailangan mapagtimpi at kailangan laging handa sa mga issues dahil itong pinasok niya ay may mga issues na araw-araw haharapin mo dapat.”
Ikinasal sina Toto at Sharifa noong August 25.
“START FOR A CHANGE”
Sa kanyang Facebook, nakitang nakipagpulong na si Sharifa sa mga alkalde ng Sultan Kudarat noong September 28.
Bahagi ng caption niya sa kanyang post, “IT'S ALWAYS THE RIGHT TIME WHEN IT COMES TO RENDERING PUBLIC SERVICE.
“With same conviction, purpose and enthusiasm, we are now making our own way to start for a change.”
