Diretsahang naglabas ng saloobin si Alyssa Alvarez tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan ni Aljur Abrenica.
Si Alyssa ang ina ng sexy actress na si AJ Raval.
Si Aljur ang pinakamalapit sa puso ni AJ ngayon, at pinaniniwalaang nobyo na ng dalaga.
Sa Facebook post ni Alyssa kagabi, October 19, sinabi niyang hindi na siya nagulat sa pinakawalang impormasyon ni Aljur tungkol sa breakup nila ng estranged wife na si Kylie Padilla.
Ipinagtapat na raw ito ni Aljur kay Alyssa noong una pa lang silang magkakilala.
"He told me everything from the start, para makilala ko Ang pagkatao nya, kung karapat dapat ba syang tanggapin ng pamilya namin.
"Tao syang lumapit sa amin kaya tao din namin syang tinaggap," saad ni Alyssa.
Pero nasaktan daw si Alyssa sa mga panghuhusga sa anak niyang si AJ mula nang maisapubliko ang ugnayan nito kay Aljur.
May mga nagbansag kasi kay AJ na siyang dahilan ng pagkasira ng marriage nina Aljur at Kylie.
Pati si Alyssa ay nakakatikim daw ng batikos mula sa ibang tao.
Sabi ni Alyssa (published as is): "I kept my mouth shut. Nung nag ka issue na. mas pinili Kong masaktan para sa ank ko, dahil alam ko darating Ang Araw lalabas Ang totoo.
"kinain ko lahat ng mga pinagsasabi sa akin namasakit ng mga walang alam sa nangyayari.
"Para lang wag na lumaki pa."
Sa huli, nagpasalamat si Alyssa na binasag ni Aljur ang tatlong buwang pananahimik tungkol sa dahilan ng breakup nila ni Kylie.
Lumalabas na nais ni Aljur na ipagtanggol at protektahan si AJ sa mga bumabatikos dito.
Sabi pa ni Alyssa (published as is): "Pero nag papasalamat Ako 'anak' kase tinupad mo Ang sinabi mong di mo kami pababayaan..
"alam ko Hindi lang ito para sa amin, pati narin sa mga taong nagmamahal at nasasaktan para sayo.."
Kalakip ng mensahe ni Alyssa para kay Aljur ang reposted link ng rebelasyon ng aktor tungkol kay Kylie.

ALJUR CLAIMS KYLIE CHEATED ON HIM FIRST
Ayon kay Aljur, nauna umanong magkaroon si Kylie ng ibang lalake bago nangyari na siya naman ang nanloko rito.
Sinisisi ni Aljur si Kylie sa pagkawasak ng kanilang marriage, at hinamon pa ang estranged wife na aminin ang umano'y pagkakasala nito.
Nagpahiwatig din si Aljur na may karelasyon umano ngayon si Kylie.
Isang malamang post ang balik-sagot ni Kylie na nagpahiwatig na siya pa ang sinisi ni Aljur gayong ito ang may pagkakamali sa kanya.
AJ STANDS BY ALJUR
Sa kabilang banda, una nang nagpakita ng suporta si AJ kay Aljur nang i-repost niya ang mainit na pahayag ni Aljur laban kay Kylie.
Sa ulat ng PEP Troika noong October 6, nilinaw ni AJ na napag-usapan nila ni Aljur ang tungkol sa sitwasyon nito at estranged wife ni Kylie.
Nanindigan si AJ na alam niya sa sarili na wala siyang inaakapang ibang tao.
Ang ama ni AJ na si Jeric Raval ay aminadong nabahala rin nang unang malaman ang uganayan nina AJ at Aljur.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong October 8, sinabi ni Jeric na kinausap niya nang masinsinan si Aljur tungkol sa intensiyon nito kay AJ.
Ayaw raw ni Aljur na si AJ ang masisi ng ibang tao sa breakup nina Aljur at Kylie.
Lalo pa't kaibigan daw ni Jeric ang kapwa action star at ama ni Kylie na si Robin Padilla.
