Suportado ni Antonio ‘Nio’ Tria, anak ni Cherry Pie Picache, ang bagong relasyon ng ina sa batikang aktor na si Edu Manzano.
Rebelasyon niya, “Actually, hindi naman po ako surprised.”
Ito ang inilahad ni Nio sa Kapamilya Chat ng ABS-CBN Entertainment sa YouTube na inilabas kahapon, December 3.
Sa nasabing online chat, kasama niya sina Andrea Brillantes at Seth Fedelin para pag-usapan ang nalalapit nilang palabas sa iQiyi na Saying Goodbye kung saan sasabak na rin siya sa pag-arte.
Dagdag ni Nio, “Kasi alam ko naman po na nililigawan na ni Tito Edu yung mom ko.
“Nung nalaman ko na nabalita na, ‘Ah, ok, good, nabalita na. Sana ok yung reaction ng mga tao or yung mga Kapamilya.’”
Sobrang aprubado naman daw ng baguhang aktor ang relasyon ng ina kay Edu.
Saad pa nito, “Oo, approve ako. Siyempre sinu-support ko yung mom ko.
“Kasi siyempre malaki na siya, e. Alam na niya ang mga ginagawa niya."
Biro pa niya, “Matanda na siya, alam na niya yun. Ako naman, siyempre Mama’s boy ako, siyempre she deserves her own happiness din, di ba?
“I mean, yung pagkakaroon ng relationship with someone else doesn't remove the fact that she is still my mom, di ba?
“Siyempre, woman pa rin siya. She deserves love.
“I just want my mom to be happy kaya support ako sa kanya, support ako sa kanila.”
Si Nio ay anak ng aktres sa kanyang former partner na si Gary Tria.
CHERRY PIE-EDU RELATIONSHIP
Nito lamang November 19, 2021 nang kumpirmahin ni Edu ang relasyon nila ni Cherry Pie.
Magkatrabaho ang dalawa sa ongoing ABS-CBN teleseryeng Marry Me, Marry You.
Idinaan naman ni Cherry Pie ang pag-amin sa pamamagitan ng pagpu-post ng sweet photos nila ni Edu habang nakabakasyon sa Amerika.
Samantala, nag-react na rin si Luis Manzano kaugnay ng love life ng amang si Edu.
Si Luis ay anak ni Edu sa dating asawang si Vilma Santos.
Kuwento pa niya sa panayam ng former ABS-CBN writer na si G3 San Diego noong November 29, “Sobrang, ano… we were caught off guard. Talagang no one saw it coming.
“I don’t even think dad and Tita Pie saw it coming.”
Isang kaibigan daw ni Luis ang nagpadala sa kanya ng larawan. Sa picture, kasama ng kanyang kaibigan sina Edu at Cherry Pie.
Ani Luis, “Date night ata sila. So, I sent back the picture to Daddy.
“I said na, ‘Oy, Daddy, ano ka, ha, happy boy ka, ah.’”
Hindi raw ito itinanggi ni Edu at sinagot ang anak na masayang-masaya siya.
