Tila nahati ang mundo ng showbiz pagdating sa kinasasangkutang isyu ni Toni Gonzaga.
May mga tumutuligsa sa kanya, partikular na ang mga tagasuporta, talents, at empleyado ng ABS-CBN, at mayroon ding mga pumanig at sumuporta.
Isa sa nagpahayag ng suporta kay Toni ay ang tinaguriang “sawsawera” na si RR Enriquez.
Si RR ay dating showbiz personality na ngayon ay isa nang negosyante. Kagaya ni Toni, isa siyang vocal supporter ni presidential aspirant Ferdinand Marcos Jr.
Bagamat wala na sa showbiz, madalas sumawsaw si RR sa mga isyu sa showbiz.
Katulad na lamang sa isyu ni Toni na tinuligsa ng dating Pinoy Big Brother (PBB) housemate na si Dawn Chang.
Labis daw nainsulto at na-disappoint si Dawn sa dating main host ng PBB na si Toni dahil sa pagsuporta nito sa mga taong may bahid ang karanasan sa nakaraan at sa taong naging mitsa upang mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Ang tinutukoy ni Dawn ay ang pag-host ni Toni sa proclamation rally ng tambalan nina Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio para sa 2022 elections.
Kabilang din sa senatorial line-up ng UniTeam si SAGIP party-list Representative Rodante Marcoleta, na masiglang ipinakilala ni Toni sa proclamation rally.
Si Marcoleta ang nanguna sa pag-usig sa ABS-CBN Corporation sa isinagawang hearing sa Kongreso noong 2020.
Kabilang din siya sa 70 kongresista na bumoto upang tuluyang ibasura ang franchise renewal application ng ABS-CBN, ang kinabibilangang network ni Toni sa loob ng 17 taon.
Dahil sa ingay na nilikha ng paghu-host ni Toni, boluntaryo siyang nag-resign sa PBB bilang main host.
RR to dawn: "IKAW PUWEDE MAG-MAKE STAND?"
Sa kanyang Instagram post kahapon, February 10, 2022, binira ni RR si Dawn dahil sa mga salita nito laban kay Toni.
Ani RR, “I just believed that Toni stood up to what she believes in.
“So if Dawn Chang say’s she will forever cherish standing up to what she believes in…….”
Tanong niya kay Dawn (published as is): "My question is…… So ikaw pwede mag make stand?! Si Toni hindi???? So yung paniniwala mo lang ang importante??? Yung paniniwala ni Toni hindi.
"And one more thing.. Everybody has different views what happened in Martial law… Some people think Martial law is worst. Former President Marcos is worst… To some people hindi! He’s one of the best President!"
Isang self-confessed supporter ni Marcos Jr, ipinagtanggol ni RR ang presidential aspirant sa mga akusasyon na tinatamo nito.
Hindi raw dapat tinutuligsa si Marcos Jr. nang dahil sa mga kasalanang ibinibintang sa ama nito.
Pahayag ni RR (published as is), "And gaya ng palagi ko sinasabi.. Hindi pwede isisi sa anak ang nagawa ng magulang. I already gave the example before.
"Kung ang nanay mo p*kp*k sa mga Americano dahil uso yan dati sa clark, nabalita yan sa Tv so ang anak p*kp*k na din dapat kahit nakapag aral ng maayos at Doctor, abogado, nurse etc. na ngayon????
"Ya’ll live in the past kaya puro hatred nasa heart nyo.. Kilalanin nyo yung tao. Upuan nyo.. Maybe nagawa ni Toni yun at nakilala nya sila Marcos kaya she chose to support Marcos..
"Stop judging him base on the past. Pag aralan nyo yung ngayon, yung mga plano nya. Yung mga nagawa nya!
"FYI: Hindi din po ako bayad.. Pero I stand for Marcos and I will vote Marcos!!!!!"
Ama ni Marcos Jr. ang yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Tinaguriang diktador ang nakatatandang Marcos bunsod ng batas militar na ipinatupad nito mula September 21, 1972 hanggang January 17, 1981.
Bagamat 1981 ang official lifting ng martial law, nanatili ang Presidential Decrees ni Marcos hanggang 1986.
Napatalsik ang diktadurya ni Marcos nang maganap ang makasaysayang EDSA Revolution o People Power noong February 1986.
Humarap sa patung-patong na legal cases ang pamilya Marcos nang dahil sa isyu ng plunder at paglabag sa human rights na naitala sa ilalim ng 21 taong administrasyon ng nakatatandang Marcos.
May kaugnayan dito si Marcos Jr., partikular na sa ruling ng Swiss Federal Court noong 1990 na "ill-gotten wealth" ang perang itinago ng pamilya Marcos sa Swiss banks ng limang foundations sa Switzerland.
Na-escrow o naisailalim sa legal arrangement ang perang may halagang $356 million, na ibinalik sa Pilipinas at pansamatalang idineposito sa Philippine National Bank.
Sinubukan ni dating First Lady Imelda Marcos at mga anak nito, kabilang si Marcos Jr., na i-contest na personal na pera nila iyon.
Pero nagdesisyon ang Korte Supreme noong 2003 na ang pera mula sa Swiss banks, na mula sa US$356 million ay naging US$658 million inclusive of interest, ay hindi pag-aari ng pamilya Marcos.
Ayon sa Korte Suprema, walang naipakitang "legal proof" o record ang pamilya Marcos upang patunayang kanila ito.
ABS-CBN FRANCHISE
Inungkat din ni RR ang tungkol sa hindi paggawad ng Kongreso ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN Corporation.
Binanggit ni RR ang sama ng loob ng Kapamilya supporters kay Toni dahil todo-endorso ang actress-host nang ipakilala si Marcoleta bilang senatoriable sa proclamation rally ng UniTeam.
Si Marcoleta ang isa sa 70 kongresista na bumoto na huwag i-renew ang prangkisa ng Kapamilya network noong July 2020.
Ayon sa Kapamilya supporters, "walang delicadeza" si Toni sa inakto nito.
Tinawag din si Toni na "My Amnesia Girl." Hindi kasi napanindigan ni Toni ang sinabi niya noon ding July 2020 na hindi niya malilimutan ang ginawa ng mga pulitiko sa libu-libong empleyado ng network na nawalan ng trabaho.
Ayon naman kay RR, hindi dapat tuligsain si Toni sa personal choice niya ng mga kandidato sa 2022 elections.
Pahayag niya: "Regarding sa pagkawala ng trabaho ng mga tao sa Abs Cbn.. Hindi natin alam ang tunay na nangyari. Madami ang nag vote at sumang ayon hindi lang isang tao diba?
"So why would you blame Toni if she wants to support Rodante Marcoleta, who voted against ABS-CBN’s franchise renewal, during the proclamation rally??? I’m sure meron din nagawa ang Abs Cbn bakit nangyari yan."
Si RR ay dating co-host sa defunct Kapamilya noontime show na Wowowee.
Sa mga sumunod niyang salita, binanggit ni RR ang isyu ng mga manggagawa ng ABS-CBN noong nasa bakuran pa raw siya ng Kapamilya network.
Ayon kay RR, "Natatandaan ko dati during my time sa Wowowee napabalita yung mga nag rally na mga cameramen at iba pang mga empleyado ng abs cbn dahil bigla sila tinanggal ng Abs Cbn ng walang kalaban laban…
"There’s a lot of things happened na hindi kumpleto ang knowledge natin so please stop blaming Toni kung ano napili nya.
"Para sa akin nakakalungkot talaga yung nangyari para sa mga nawalan ng trabaho. But life doesn’t end there.
"Ngayon pandemic madami nawalan ng work (hindi lang taga Abs-Cbn) madami ang nalugi ang business but that doesn’t mean na katapusan na ng mundo mo!!
"Baka mas may maganda pang nakalaan sayo."
View this post on Instagram
Bukod kay Dawn, binatikos din ng ex-PBB housemate Dionne Monsanto, direktor na si Erik Matti, at ilan pang mga empleyado at talents ng ABS-CBN si Toni.
