May halong biro ang buwelta ng Kapuso comedienne na si Pokwang sa bashers na tinatawag siyang "pangit."
Hindi naman daw kasi niya kailanman sinabing maganda siya.
Sa Twitter kahapon, March 30, 2022, ibinahagi ni Pokwang sa followers niya ang palaging tawag sa kanya tuwing siya’y babatikusin ng bashers—pangit.
Bukod sa kanya, idinamay rin ng bashers ang komedyana rin at dating kasamahan ni Pokwang sa ABS-CBN na si Melai Cantiveros.
Post ni Pokwang: “bashers: Ang pangit mo Pokwang! kayo ni Melai pangit nyo! Me: kailan namin sinabing maganda kami? Kailaannn????”
Diin ni Pokwang, “fake news” ito dahil hindi naman talaga nila binanggit sa anumang panayam na maganda sila.
“kung may sinabi kaming maganda kami, pwes! na FAKE NEWS NANAMAN KAYO!!! Gusto nyo yan e”
Sa comments section, biniro naman siya ng matalik na kaibigang si K Brosas.
Ayon kay K, mayroon ding bashers na sinasabihan silang laos na. Pero tugon naman niya, hindi niya kailanman sinabing sikat siya.
Saad ni K, “lol! haaay! meron din ilan na nagsasbi na 'laos ka laos!' ehhh kelan ko ba sinabi na sikat ako?! kelaaaaaan??! hehe labyu!”
Tugon ni Pokwang, “sikat ka bff para sakin at mga nagmamahal syo”

“PWES DI AKO DIOS!”
Bago ito, may naunang post si Pokwang sa Twitter tungkol sa mga naninira ng kanyang “good vibes” na tinawag niyang “mga daot.”
Kapag sinasagot niya ang mga ito ay umuurong at magpapa-victim at sinasabihan siyang mataray. Pero hindi naman daw siya Diyos kaya pinapatulan niya.
Sabi ng komedyana, “Yung saya ng post mo napaka GV tapos may mga daot uumpisahan ka tatawagin ka ng kung ano anong okray tapos pumatol ka at binagsakan mo ng katotohanan biglang play victim!
“’Ganyan ka pala idol pa naman kita akala ko mabait ka!’ PWES! DI AKO DIOS! ako ay #PinkAngPokienyongLahat”
Nauna nang nanawagan si Pokwang sa trolls at bashers na i-unfollow siya sa kanyang social media accounts lalo na kung ayaw nila sa kanyang sinusuportahang kandidato.
Isang “Kakampink” si Pokwang na sumusuporta sa tandem nina presidential aspirant at Vice President Leni Robredo at vice presidential aspirant at Senator Kiko Pangilinan.
