Kanya-kanyang bakasyon muna ang ilang celebrities na naging abala sa kampanya nitong katatapos lamang na May 9, 2022 elections.
Karamihan sa kanila ay Boracay ang naging destinasyon.
Kabilang sa kanila ay ang kilalang "Kakampink" na si Pokwang at ang bumabanderang entertainer sa UniTeam rallies na si Andrew E.
Ang "Kakampink" ay tawag sa supporters ni presidential candidate at kasalukuyang Vice President Leni Robredo.
Ang UniTeam naman ay ang grupo ni presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at presumptive Vice President Sara Duterte.
Kagabi, May 15, aksidenteng nagkita sina Pokwang at Andrew E. sa isang resort sa Boracay.
Ito ang masayang ibinalita ni Pokwang sa kanyang Instagram followers ngayong araw ng Lunes, May 16.
Kalakip nito ang larawan nila kasama ang kani-kanilang pamilya.
Ayon sa Kapuso comedienne, namayani sa naturang pagkikita nila ng rapper-comedian ang respeto bagamat magkaiba sila ng sinportahang mga kandidato nitong katatapos na eleksyon.

Mensahe ni Pokwang sa caption: “sa bandang huli, respect [praying hands emoji] dito sa @twoseasonsphilippines naganap ang mapayapang gabi with @andrewe_dongalo nagkataon, nagkita kasama ang mga pamilya [pink, red heart emojis] thank you mareng @jenny_penaloza nag enjoy si tisay sa dinner nya [face throwing a kiss emoji]”
View this post on Instagram
Ang tinutukoy na “Tisay” ng Kapuso comedienne ay ang anak nila ni Lee O'Brian na si Malia.
Samantala, tanggap na rin ni Pokwang ang resulta ng eleksyon.
Biro pa ni Pokwang sa kanyang tweet noong May 13: “Ok tapos na eleksyon tanggap tanggap narin ganon talaga… pero sana yung mga bmm na kamag anak at friends na nangutang sakin bayad bayad narin ha ok? tapos na mga pinaglalaban natin pare parehong nagsalita ng di maganda sa mga kandidato natin kaya wag magmalinis ha.”
Base sa pinakahuling unofficial and partial results base sa Comelec transparency server ngayong araw, nangununa pa rin si Marcos na may 31,014,175 votes samantalang si Robredo ay mayroong 14, 822, 051 votes.
