President Rodrigo Duterte admits using "presidential powers" against ABS-CBN

by Erwin Santiago
Jun 29, 2022
president rodrigo duterte on abs-cbn
President Rodrigo Duterte: "I used the presidential powers to tell Congress that you are dealing with scoundrels and if you continue to kowtow with them, kawawa ang Pilipino."
PHOTO/S: Arman Baylon / PCOO

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ginamit niya ang kanyang presidential powers laban sa dating giant network na ABS-CBN.

Ayon sa ulat ng CNN Philippines, sinabi ito ni Duterte sa oath-taking ceremony ng mga bagong halal na local government officials noong Lunes, June 27, 2022 o ilang araw bago matapos ang kanyang termino bilang Pangulo ng Pilipinas.

Pahayag ni Duterte: "I used the presidential powers to tell Congress that you are dealing with scoundrels and if you continue to kowtow with them, kawawa ang Pilipino."

Mapapanood ang bahaging ito ng kanyang talumpati sa bandang 14:48 ng video sa ilalim.

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa oath-taking ceremony ng mga bagong halal na opisyales ng gobyerno sa Davao City na ginamit niya ang kanyang kapangyarihan bilang pangulo para mapasara ang ABS-CBN.
Video: Video courtesy of RTVM Malacanang Facebook Page.

Nawala sa ere ang ABS-CBN, eksaktong 7:52 ng gabi, noong May 5, 2022 matapos mag-isyu ang National Telecommunications Commission (NTC) ng cease and desist order dahil sa pagkakapaso ng prangkisa ng network.

Tuluyang ibinasura ng Kongreso, sa botong 70-11, ang franchise renewal application ng ABS-CBN noong July 10, 2020.

Sa kanyang speech sa Davao noong Lunes, iginiit ni Duterte na hindi nagbayad ng taxes ang ABS-CBN, "Kaya tinira ko talaga sila."

Ito ay sa kabila na sinabi mismo ng mga ahensiya ng gobyerno na Securities and Exchange Commission (SEC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), noong February 2020, na hindi lumabag ang ABS-CBN sa kahit na anong corporate laws at regular itong nagbabayad ng buwis.

Ayon sa mga kritiko, personal ang isyu ni Duterte laban sa ABS-CBN dahil sa masusing pag-uulat ng network sa war on drugs ng administrasyon nito kung saan libu-libo ang namatay.

Sa ambush interview ng Malacañang press noong April 27, 2017, nagbanta si Pangulong Duterte na haharangin nito ang franchise renewal ng ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Hindi raw kasi ipinalabas ng network ang kanyang presidential campaign ads noong 2016, kahit pa bayad na ang mga ito.

Nagbanta rin siyang maghahain ng pormal na reklamo sa Kamara kaugnay ng tinawag niyang panggagantso sa kanya ng network.

Nang mga panahong ito, hindi pa natatalakay ng House Committee on Legislative Franchises ang panukalang batas ni Nueva Ecija Representative Micaela Violago na mabigyan ng panibagong 25-taong prangkisa ang ABS-CBN.

Sa isang event sa Davao City noong May 19, 2017, muling pinaulanan ng mura ni Duterte ang ABS-CBN.

Partikular na minura ng Presidente si ABS-CBN Chairman Emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III dahil pa rin sa hindi paglabas ng kanyang campaign ads noong 2016.

Si Gabby ay anak ni Geny Lopez Jr.

Sa pagkakataong ito, nagbanta ang Pangulo na maghahain siya ng multiple syndicated estafa charges laban sa network.

Hindi rin daw kasi isinauli ng kumpanya ang mahigit PHP2 million na ibinayad niya para sa kanyang political ads na hindi umere.

Sa pagbubukas ng isang drug rehabilitation facility sa Bukidnon noong August 3, 2018, sa ikalawang pagkakataon ay nagbanta si Pangulong Duterte na pipigilan niya ang pagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN.

Bukas, June 30, 2022, opisyal na magtatapos ang anim na taong panunungkulan ni Duterte bilang Presidente ng Pilipinas.

HOT STORIES

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!
Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
President Rodrigo Duterte: "I used the presidential powers to tell Congress that you are dealing with scoundrels and if you continue to kowtow with them, kawawa ang Pilipino."
PHOTO/S: Arman Baylon / PCOO
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results