Nagpakita na muli sa publiko ang actress-philanthropist na si Angel Locsin.
Sa kanyang verified Facebook page noong Araw ng Pasko, December 25, 2022, ibinahagi ni Angel ang isang video message tungkol sa tunay na diwa ng Pasko.
Bahagi ito ng kampanya ng isang pharmaceutical company na kanyang iniendorso.
In-upload ng nasabing kumpanya ang video ni Angel noong December 5, 2022.
Ikinatuwa naman ng followers ni Angel ang muli niyang pagpapakita sa publiko.
Pero sa kanyang Instagram account, wala pa ring bagong post si Angel.
Agosto pa ang huling post ni Angel sa kanyang account.
Binura rin niya ang ilang videos na ginawa nilang vlog para sa honeymoon nila ng asawang si Neil Arce.
Pero mapapanood pa rin ito sa kanilang YouTube channel.
Bandang November ngayong taon, hinahanap ng netizens at mga tagahanga ni Angel ang aktres matapos nitong hindi magparamdam sa kanyang followers sa Instagram.
Dati kasing napakaaktibo ni Angel sa pagpu-post sa Instagram ng mga ganap sa kanyang buhay.
Ibinaling ng netizens ang kanilang pansin sa asawa nitong si Neil, at sa kanya hinahanap ang aktres.
Bukod sa na-miss ng fans si Angel, hinanap din nila ang aktres matapos manalasa ang Bagyong Paeng sa bansa noong October 29.
Kilalang matulungin at mabilis kumilos ang actress-philantropist tuwing may kalamidad o maging nitong pandemya.
Read: Netizens ask: Where is Angel Locsin?
Noong November 17, sinagot ni Neil ang mga pekeng balita sa social media, lalo na sa YouTube, tungkol sa diumano’y hiwalayan nila ng asawang si Angel.
Ayon sa mga nagsilabasang ulat, ang third party diumano sa hiwalayan nila ay ang aktres na si Maxene Magalona.
Sa vlog ng talent manager at showbiz reporter na si Ogie Diaz noong November 17, 2022, nagpadala ng isang Viber message si Neil tungkol dito.
Ayon sa kanya, maawain naman sila ng asawang si Angel.
Donasyon na lang daw nila ito sa mga taong ang gawain ay manira ng buhay ng iba.
Buong mensahe ni Neil: "Me and my wife are charitable people. Donation na po namin sa fake news peddlers yang kikitain nila sa pagpapakalat ng fake news.
"Besides deserve naman ng followers and subscribers nila makarinig ng kasinungalingan.”
Read: Neil Arce reacts to fake news of his separation from wife Angel Locsin over Maxene Magalona
