Instagram official na nga ba sina Paolo Contis at Yen Santos?
Pakli niya, “Saan? Wala, walang official na ano, wala na akong inaanong official, what you see is what you get.”
Masaya ba si Paolo ngayon?
“I’m okay. Ang sa akin lang, maraming mga bagay na para sa akin, yung public should not care about, yun lang yung sa akin.”
Simula kasi noong na-link ang dalawa noong September 2021, pinagpipiyestahan ang bawat galaw ning Paolo at Yen sa social media. Naging meme pa nga ang "as a friend" phrase ni Paolo.
It was also around that time na kinumpirma ng ex-partner ni Paolo na si LJ Reyes ang breakup nila.
ON KEEPING PERSONAL ISSUES PRIVATE
Besides, sikat siya, e, so paano niya ihihiwalay ang private life sa pagiging public figure niya?
Mabilis na sagot ni Paolo, nakatawa, “By not answering your question."
Pagpapatuloy niya, nakatawa pa rin, “Mahal ko kayo, off ninyo yung camera. Feeling ko lang, hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na two years ago was very rough.
"Pero, honestly speaking, kung tatanungin ninyo ako kung sobrang naapektuhan ako sa mga ano ng mga tao, honestly, hindi.
"Hindi, they have nothing to do with my life.
“Honestly speaking, yung mga kailangan kong harapin are very private, and I will fix it privately.
"For some reason, feeling kasi ng mga tao, kailangan pang i-post mo iyon, yung complete truth.
"Pag hindi mo pinost, hindi nangyayari, so if you don’t post, it never happened, iyon yung ano ng tao ngayon, so let them enjoy that.”
ON BEING UNAFFECTED BY EXCESSIVE BASHING
So hindi siya naapektuhan ng mga pamba-bash?
“Honestly? Hindi.”
Aminado raw siyang may pagkakamali siya, pero hindi niya kelangang humingi ng tawad sa publiko.
Sa pagpapatuloy ng aktor, “Katulad ng sinabi ko, ano kasi siya, e, alam mo yung mentally kailangan alam mo kung sino yung mga taong nagma-matter.
"So I did bad things, yes, alam ko yun, pero hindi sa tao, hindi sa tao, bakit ako magso-sorry sa tao? Hindi naman sila yung…wala naman silang kinalaman dun sa nangyari."
Nagkuwento siya tungkol sa isang comment ng netizen.
“...marami akong nakikita na minsan pag napapanood mo sa Bubble Gang, di ba, ‘Grabe, ang saya-saya mo, para kang walang ano!’
“Siyempre trabaho ko yun, e, trabaho kong magpatawa.
"Hindi naman ako katulad ng iba na kailangan mag-picture na umiiyak ako tapos ang caption ‘crying,’ that’s not my [style]...”
Yung pagiging unbothered and unaffected ni Paolo, dahil ba iyon sa mga sumusuporta sa choices niya pagdating sa pag-ibig?
“Hindi… walang…alam mo, hindi mo puwedeng iaasa yung sarili mong mental health at pagiging okay sa ibang tao, you should be okay.
"Pero naniniwala ako na hindi lahat ng tao katulad ko, kasi I’ve heard, I’ve read the worst things, worst, ‘Ba’t buhay ka pa? Mamatay ka na,’ alam mo yun?”
Walang effect ang mga iyon sa mental health ni Paolo?
“Wala. Uulitin ko, wala naman silang kinalaman.
"Meron nga isang nakakatawang kuwento, meron isang nag-comment before sa akin, ‘Hayop ka! Nagba-Bubble Gang ako, pag nakita kita sasapakin kita!’ sabi sa akin.
"Kaya tuwing taping ng Bubble Gang, yung mga talent, ‘Sino sa inyo?’ So alam mo yun…”
In short, mga walang mukha o anonymous ang mga namba-bash sa kanya?
“Exactly! Being anonymous, di ba?”
ON HIS LOVED ONES BEING BASHED
Hindi nasasaktan si Paolo kapag nakakabasa siya ng masasakit na comment tungkol sa kanya at sa personal niyang buhay?
“Alam mo, hindi… siyempre, yung mga masasakit sa akin is when my mom talked to me, when Nay Lolit [Solis, Paolo’s manager]…
"Kaya nga nasama siya dun sa apology ko, e, sa totoo lang before, naawa ako kay Nanay, e, kasi si Nanay Lolit, isa siya sa mga tinira kasi pinuprotektahan niya ako.
"So sabi ko, ‘Nay wag na, okay ako, wag mo nang anuhin.’ Iyon yung masakit sa akin, yung nasaktan ko yung mga taong mahal ko.
"My brother, even my sister-in-law, iyan yung mga naapektuhan sa mga nangyaring masama sa akin.
“Pero other than that, honestly…and uulitin ko, hindi ito normal…
"Kung mahina kang tao, kung mahina loob mo, you will get very affected, hindi ko masisisi pag yung may iba na…”
Aminado si Paolo na hindi siya normal?
“Baka, e! Feeling ko lang, alam ko yung maaga kong… saka siguro yung support group ko during that time.
"Kasi, di ba, for some reason yung mga tao, yung mga kaibigan mo hindi ka dapat tino-tolerate, hindi naman, e.
“Napagalitan ako ng mga totoong tao na concern sa akin, pero after that, of course they know na they have to support me kahit papaano.
"So naging malakas din yung support group ko. Tapos minsan…oo, in-off ko yung mga comment, pero minsan pag trip ko lang, nagbabasa din ako.
"Medyo nakakatawa kasi hindi mo alam kung saan galing yung hate, e.”
Mas mabuti ba kay Paolo na unaffected siya?
“I think, to be honest, kasi hindi naman mababago yung nangyari kung magalit sa akin yung tao, hindi naman…
"Alam ko na hindi sila parte nung mga ano, so hindi ko alam, sila yung nahihirapan, I guess, feeling ko rin naman pag-comment rin ng mga iyan…”
Saka hindi naman sila kilala ni Paolo.
“Yun na nga, e, pero yung nakakatawa… joke ito, guys, ha. Nung isang araw, yung GMA , nag-post, e.
"Pero yung post nila black and white, ‘Congratulations, Paolo Contis,’ so mukha akong namatay, di ba.
“So yung isa dun, natuwa, ‘Ha!ha!ha! sayang natuwa pa naman ako!’ na akala niya patay ako.
"Ang sa loob-loob ko, so yung kung may masama man akong nagawa at napunta ako sa impiyerno, makikita rin kita, e, kasi masama rin yung comment mo, e.”
Personal nakausap si Paolo ng PEP.ph (Philippine Entertainment Porta) nitong Lunes, January 23, 2023, sa shooting ng bago niyang pelikula, ang Ikaw At Ako, kung saan kapareha niya si Rhian Ramos.
Kasama nila sa pelikula sina Boots Anson-Roa, Ronaldo Valdez, Andrew Gan, at Phoebe Walker.
Sa direksyon ni Rechie del Carmen, ang Ikaw At Ako ay initial movie venture ng Gutierez Celebrities and Media Production with executive producers MJ Gutierez and Lexie Salmasan.
