Dahil usung-uso, tinanong namin si Allen Dizon kung sa palagay niya ay okay lang na naghahalo o nagtatagpo ang mundo ng showbiz at pulitika, lalo na ngayong may mga pelikulang tumatalakay sa mga relevant political issues at normal na sa mga artista na tumakbo bilang public servant.
Lahad niya, “Siguro part, part siguro ng showbiz yan kasi public figure ka and public property yung showbiz, so siguro part din. Pero hindi kasi ako pampulitika, e. Kumbaga, dun lang ako sa totoo, dun lang ako sa totoo lagi.
“Karamihan naman sa showbiz, ang fallback nila sa pulitika. So, siguro part talaga, part talaga ng showbiz ang politics.”
Pabor din si Allen na naisasalin sa pelikula, tulad ng pelikula niya ngayong Oras de Peligro, ang mga tunay na nangyari sa ating kasaysayan.
“Oo, para sa akin, para maging aware lahat ng mga Pilipino, yung mga hindi nakaranas ng dekada '70, about Martial Law, about People Power, di ba?
"Wala sila dun, e. Kaya talagang kailangang isapelikula para maraming makaalam, para yung mga kabataan, maging aware sila sa mga nangyayari,” diin niya.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Allen sa mediacon ng Oras de Peligro noong nakaraang Linggo, February 12, sa Max’s restaurant sa Sct. Tuazon, Quezon City.

Gumaganap siya dito bilang si Dario na asawa ni Cherry Pie Picache bilang si Beatrice at anak nila ang Sparkle male star na si Dave Bornea bilang si Jimmy.
Bukod kina Dave, Allen at Cherry Pie ay nasa cast rin ng Oras de Peligro sina Therese Malvar, Allan Paule, Mae Paner, Timothy Castillo, Alvi Siongco, Jim Pebanco, Nanding Josef, Apollo Abraham, Marcus Madrigal, Rico Barrera, Elora Espano at Gerald Santos.
Sa direksyon ni Joel Lamangan at mula sa Bagong Siklab Productions ni Atty. Howard Calleja at sa panulat nina Bonifacio Ilagan at Eric Ramos, ang Oras de Peligro ay ipapalabas sa mga sinehan sa March 1.
ALLEN'S DAUGHTER JOINS SHOWBIZ
Nasa pelikula rin ang anak na dalaga ni Allen na si Crysten Dizon at pangalawang taon na nilang magkasama sa isang proyekto.
Ano ang advantage na makasama sa isang pelikula ang sarili niyang anak?
Pagmamalaki niya, “It’s a great experience dahil nung time na nag-start ako, ako lang. So ngayon, meron na akong anak na parang gustong ma-experience yung mga nagawa ko, nalaman nila yung trabaho ko, kung paano ako magtrabaho...
"Na nalaman nila yung gaano kaimportante yung pagiging professional, and malaking bagay na yung ginugol kong time at effort sa showbusiness ay napakalaking tulong para sa kanila.”
Wala ba siyang limitasyon sa kanyang anak pagdating sa mga eksenang gagawin nito sa harap ng kamera?
Sagot niya, “Wala naman, ano lang, siguro mga lovescene wala pa. Bata pa, seventeen pa lang siya, e.”
Kapag nasa tamang edad na si Crysten, papayagan niya?
“Oo naman, huwag lang grabe. Huwag lang may ipapakita,” giit niya.
Ang susunod na pelikula ni Allen ay ang Pamilya Sa Dilim kasama sina Sunshine Dizon at Laurice Guillen sa direksyon ni Jay Altarejos.
Ano ang dream role ni Allen?
Pag-amin niya, “Wala akong dream role, e. Sabi ko nga, kung ano ang dumating na alam kong challenging para sa akin, gagawin ko.”
ALLEN HOPES MOVIES WILL HELP EDUCATE PEOPLE ABOUT HISTORY
Tinanong naman namin si Allen kung ano ang nararamdaman niya na sabay ang showing ng pelikula nilang Oras de Peligro at Martyr or Murderer na tungkol naman sa buhay ng Marcos family?
Kibit-balikat niya, “Ako, okay lang. Para maraming palabas na pelikulang Pilipino, para alam natin, para ma-weigh ng tao, ‘Ito ba yung totoo? Ito ba yung hindi? Ito ba yung buong katotohanan? Ito ba yung fake?’
“So, at least di ba, malalaman natin dun kung ano yung katotohanan talaga.”
Kung halimbawang alukin si Allen na gumanap bilang dating Presidenteng Ferdinand Marcos sa isang proyekto?
“Walang problema, walang problema,” ang mabilis na sagot sa amin ni Allen.
Kung si Darryl Yap, na director ng Martyr or Murderer, ang magdidirek?
“Ako naman, artista ako. Kumbaga, kahit sino, kahit saan, okay sa akin. Okay sa akin.
“Walang masamang tinapay sa akin,” paninigurado niya.
