Punung-puno ng pasasalamat si Enchong Dee noong dumating sa awards night ng kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival (MMFF).
Una, thankful si Enchong na mapasama sa listahan ng mga nominado para sa Best Actor category.
First time ng 34-year-old star na ma-nominate sa MMFF.
“Yes, and uh, Best Actor in particular pa. It’s a big step forward in my career, body of work also,” ang sabi niya.
At the time of this interview, hindi pa nahirang si Romnick Sarmenta bilang Best Actor, kaya naitanong ito kay Enchong: On a scale of one to ten, ano sa tingin niya ang kanyang chance to win?
Sagot niya, “Alam mo kung mangangarap tayo, mangarap na tayo nang malaki. Kaya i-ten na natin, di ba?
“Bahala na si Lord. Ginawa na namin ang assignment namin. Si Lord na ang bahala."
Pangalawa, ang pinagbidahan niyang pelikula na Here Comes the Groom, na, as of April 14, 2023, ang sinasabing highest-grossing movie sa Summer Filmfest.
Sambit ni Enchong, “Wala… puro pasasalamat na lang talaga. At saka, starstruck ako sa juror natin, Ms. Dolly de Leon, leading the jury, di ba?
“So, alam mo yun, nomination pa lang malaking bagay na. We are considered and we are seen also as an ensemble movie.”
After Here Comes the Groom, tuluy-tuloy na ba ang pagtanggap niya ng gay role?
Napatigil bigla si Enchong sa pagsagot at malalim na nag-isip.
“Uh,” buntong-hininga ni Enchong.
“If the price is right. Hahaha!," sabay bawi, “Pero hindi."
“Marami pa akong pelikula na nakakakasa na ibang character which I’m very excited for you to see also. Yun muna yung ready ako na ipakita.”
Seryoso namang sinabi ni Enchong na isang malaking factor din sa pagtanggap niya ng project ay ang script.
“Script talaga ang susunod kong titingnan,” pahayag niya.
“I’ve always seen myself as an actor. At kahit may iba akong gawin sa pagiging aktor, malinaw sa akin kung alin at [ano ang] gusto ko na kailangan ko dito sa industriya, at yun ang pagiging aktor.”
So, what’s his next project?
“May big revelation pero hindi ko alam kung ako yung puwedeng magsabi kasi hindi pa sila nag-a-announce. But it’s going to be shown in an international filmfest.
“So, next month na siya mangyayari and I'm hoping na sila na lang mag-announce. Kasi parang nakakahiya kung ako yung unang magsasabi. But it’s an international film festival,” pagbabalota ni Enchong.
Kinumpirma naman ng aktor na ang role niya for his next project is totally out of his comfort zone.
“Yes,” diin ni Enchong.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Enchong sa Summer MMFF awards night na ginanap sa dating New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City last Tuesday, April 11.
