Patung-patong na reklamo ang kinahaharap ngayon ng 19-year-old TV and movie personality na si McNeal Briguela aka Awra Briguela.
Ito’y matapos niyang masangkot sa rambulan sa labas ng Bolthole Bar sa Poblacion, Makati City, madaling-araw kahapon, June 29, 2023.
Read: Awra Briguela, pinosasan matapos masangkot sa rambulan sa Makati
Ilan sa mga reklamong isinampa sa kanya ay physical injuries, alarm and scandal, disobedience to authority and direct assault.
Habang gumugulong ang imbestigasyon tungkol sa tunay na sanhi ng rambulan ay pansamantalang naka-detain si Awra sa Makati City Police headquarters.
Agad namang bumuhos ang suporta at pakikisimpatiya ng malalapit na kaibigan ni Awra at ilang kasamahan niyang content creators.
Sigaw nila: "#JusticeForAwra"
Kabilang sa naglabas ng saloobin ang dating GirlTrends member at matalik na kaibigan ni Awra na si Riva Quenery.
Sa mahabang post ni Riva sa Instagram, ikinuwento niya ang naging pag-uusap nila ni Awra nang puntahan niya ito sa Makati Police station.
Mababasa sa kanyang post (published as is), “I really felt sad sa nangyari sa napakaloyal kong kaibigan na si Awra. Kaninang umaga, tumawag siya at nalaman kong inaresto siya sa Makati dahil sa isang kaguluhan na nangyari.
“Dinalaw ko siya sa police station sa Makati kung saan siya na-detain at biglang bumagsak ang balikat ko nung nakita ko siya.
“Kinwento nya sakin ang sinapit nya matapos nyang ipagtanggol ang kaibigan nya laban sa grupo ng mga lalaking hinipuan ang kanyang kaibigan.
“Nauwi sa mainit na pagtatalo yung mga sumunod na nangyari na kung saan sinuntok sya ng nasabing lalaki. Nasundan na ng away sa magkabilang grupo hanggang sa dumating na yung mga pulis.”
Malaking palaisipan daw kay Riva kung bakit ang kaibigan lang niya ang dinampot ng kapulisan at hindi isinama ang iba pang sangkot sa nangyaring gulo.
Dagdag pa raw rito ang hindi makatarungang trato kay Awra dahil ni hindi man lang umano pinasuri at pinagamot ang mga natamong pasa at sugat ng dating child star.
Ani Riva, “Isang malaking katanungan lang yung nasa isip ko at ng maraming tao na kung BAKIT SI AWRA LANG ANG PINOSAS-AN AT INARESTO?
“Nasaan yung mga ibang lalaking na involve sa away? The worst part is, multiple charges have been filed against Awra. Tulad daw ng assault sa pulis, disobedience at resisting arrest.
“Paano naman magagawa lahat ni Awra yan eh kitang kita naman sa video na hawak na sya ng dalawang naglalakihang bouncer at pinoposasan pa ng pulis.
“Nangangatwiran lang naman yung kaibigan ko pero sigurado ako hindi mananakit yun ng otoridad. Nakita ko pa kanina na ang dami nyang pasa sa likod, at may malaking bukol pa sa ulo. Hindi man lang siya sinuri or pinagamot ng maayos.”
Sa huli, naniniwala si Riva na ginawa lang ni Awra ang tama, na ipagtanggol ang mga inaabuso at inaapi.
Hiling din niya sa awtoridad na maging pantay sa paninimbang sa imbestigasyon.
Sabi ni Riva, “Saludo ako kay Awra at kilala ko sya bilang kaibigan na kaya ka nyang ipaglaban. Pero bakit kung sino pa ang ang nasa katwiran, sya pa ang ikukulong?
“BAKIT? GUSTO NYO BANG GAWING TROPHY SI AWRA?
“Laliman nyo naman ang imbestigasyon nyo hindi yung alam nyo nang mali, pinaninindigan nyo pa. So nasaan na yung mga nanghipo sa mga kaibigan ni Awra?
“Nasaan na yung sumapak sa kanila na kahit may pulis na dumating eh hindi nagsitigil at kay Awra lang lahat naka focus.
“ACHIEVEMENT BA PARA SAINYO DAHIL SI AWRA ANG NAHULI NYO? #JusticeForAwra”
SASSA GURL, OTHER CELEBS DEFEND AWRA
Maliban kay Riva, nagpahayag din ng suporta kay Awra ang content creator na si Sassa Gurl.
Sa magkasunod niyang tweets kahapon, June 29, sinabi ni Sassa na isang klase ng “attack” sa LGBTQIA+ community ng pagkakadampot kay Awra.
Mababasa sa tweet niya, “Pinalaki niyo kami sa bugbog tapos ngayong natuto kaming manuntok kami ang masama?"
“Plsss this is an attack to the community! Ilabas niyo ang beshie ko jan.”
Sa Instagram Stories naman idinaan ni Barbie Imperial ang pakikisimpatiya kay Awra.
Nag-upload siya ng lyrics hango sa sikat na kanta ni Gloc 9 na “SIRENA.”
“Dahil kung minsan, mas lalaki pa sa lalaki ang bakla,” mababasa rito, kalakip ng hashtag niyang #JusticeForAwra.”

Pati ang aktor na si Alex Diaz ay hindi makapaniwala na si Awra lang ang inaresto, gayung ang sinasabi ng mga nakasaksing tunay na na-harass ay ang grupo ni Awra, partikular na ang mga kaibigan niyang babae.
“Pride is a Protest [pray sign emoji].
“We don’t know the official details but it seems that Awra Briguela was only person arrested despite multiple counts of aggression from the gang of men that harrassed Awra and her friends.
“What do you think of this? What do you have to say to the PNP and the city of Makati.”
Nasa panig din ni Awra ang "kuya-kuyahan" niyang si Jerald Napoles.
Sa mahaba niyang Facebook post, ikinuwento ng kasintahan ni Kim Molina kung gaano kabuti si Awra.
Ani Jerald, wala siyang nakikitang mali sa ginawa ni Awra kung ang pakay lang nito ay ipagtanggol ang binastos niyang mga kaibigan.
Bahagi ng kanyang caption, "Kung ako ang nasa sitwasyon ni Awra at inargabyado, binastos, at winalang respeto ang kasama kong babae ng isang lalakeng lasing.. ganito rin ang mangyayari, baka higit pa."
Ganito rin ang naging reaksiyon ng Kapamilya actor na si JC Alcantara.
Sabi niya sa kanyang Facebook post, “Yung kaibigan mong ipagtatanggol ka at walang takot makipagaway at kahit makulong man. Maprotektahan at mapagtanggol kalang! - ETOO ANG TUNAY!! TUNAY NA KAIBIGAN Awra Briguela.
“PS: si awra po pinaglaban nya lang yung tama. Saka hindi yan lalaban kung walang masamang ginawa sakanila yung tao.
“Pero legittt! Iba yung justice sa pilipinassss.”
Ilan pa sa mga nagbigay ng suporta ay sina Chie Filomeno:
at Lou Yanong:
Read: "Grabeh tigas ng pes parang rock": Did Awra Briguela throw shade at Ricci Rivero?
