Makalipas ang tatlong araw at dalawang gabi na pamamalagi sa Makati Custodial Jail, pinalaya na si McNeal “Awra” Briguela ngayong Sabado ng gabi, July 1, 2023, matapos maglagak ng piyansa na anim na libong piso.
READ: Awra Briguela, pinosasan matapos masangkot sa rambulan sa Makati
Physical injuries, alarm and scandal, resisting arrest at disobedience to person in authority ang mga reklamo laban kay Awra ng complainant na si Mark Christian Ravana at ng Makati Police dahil sa insidente na nangyari noong Huwebes ng madaling araw, June 29, sa The Bolt Hole bar sa Poblacion, Makati City.
Tumanggi si Awra na magpainterbyu sa mga miyembro ng media na nag-abang sa kanyang paglabas mula sa Makati Custodial Jail.
May face mask, nakasuot ng flesh-colored hoodie at jogging pants si Awra na tila isang maamong tupa na nakayuko habang papalabas mula sa Makati Custodial Jail na malayong-malayo sa Awra na palaban, nagpupumiglas at ayaw paawat sa mga pulis na dumakip sa kanya noong Huwebes.

Dahil showbiz personality, pinag-usapan at umani ng sari-saring reaksyon ang kaguluhan na kinasangkutan ni Awra na itinuring na bayani at nakakuha ng mga simpatiya nang kumalat ang unang bersyon ng kuwento na ipinagtanggol lamang niya ang kaibigang babae na hinipuan umano ng lalake na nakasalamuha nila sa The Bolt Hole bar.

Kahit hindi pa nila nakikita ang kabuuan ng video, mabilis na gumulong ang panawagan ng netizens at mga kaibigang artista ni Awra na “Justice for Awra” at “We Stand with Awra” nang lumaganap ang video na dinadakip siya ng Makati Police at nilalagyan ng posas.
Pero mula sa pagiging bayani, biglang naging kontrabida si Awra sa paningin ng karamihan at tumanggap siya ng mga batikos nang lumitaw ang mga kopya ng CCTV footage na nagpapakita sa kanya na pilit na pinaghuhubad ng pantalon at sinasaktan si Ravana na lumabas ng bar para makaiwas sa gulo.
Read: Papuri kay Awra Briguela, napalitan ng batikos dahil sa CCTV footage
Read: CCTV footage of Awra Briguela, complainant inside Makati bar released
Nadismaya ang mga nakikisimpatiya kay Awra nang kanilang mapanood ang mga CCTV footage kaya binawi nila ang suporta sa 19-year-old comedienne na biktima ngayon ng kaliwa’t kanan at matitinding batikos sa iba’t ibang social media platforms.