Nagbigay-pugay ang maraming broadcasters, news anchors, at reporters sa yumaong veteran at award-winning broadcast journalist na si Mike Enriquez.
Binawian ng buhay si Mike sa ICU ng St. Luke's Medical Center sa Quezon City, kahapon, August 29, 2023.
Siya ay 71.
Read: Veteran broadcaster Mike Enriquez dies at 71
Kabilang sa mga nagbigay-pugay ay ang mga nakasama ni Mike sa GMA Integrated News at sa DZBB, ang radio station ng Kapuso network kung saan siya naging president ng RGMA Network, Inc. at senior Vice president and consultant for Radio Operations.
ARNOLD CLAVIO
Una na rito ang anak-anakan niyang si Arnold Clavio, na nakasama niya noon sa Saksi.
Mensahe ni Arnold sa kanyang Instagram post, "Paalam aking Ama, kaibigan, mentor, kasabwat, boss at higit sa lahat, ‘tagapagtanggol’ …. Sabi mo, walang iwanan! Ang daya mo!
“Ang alaala mo ay mananatiling buhay sa isipan at damdamin ng maraming Pilipino.
“Salamat at hanggang sa muling pagkikita.”
Kalakip nito ang video ng TikTok challenge nila ni Mike.

IVAN MAYRINA
"Excuse me po!" naman ang panimulang linya sa Instagram post ng GMA News anchor and reporter na si Ivan Mayrina.
Pinuri ni Ivan ang tinagurian niyang "tunog Mike Enriquez."
Saad niya, "Dadagdag pa ako sa marahil ay marami nang magagandang sinasabi tungkol kay Sir Mike sa feed mo.
"I started my broadcasting career in 2000, at a time when you had to sound in a certain way to get and hold people’s attention.
"What was the sound? Fast paced, rapid fire, full of energy. Yung tunog Mike Enriquez.
"I never got to talk and sound like Mike, but I will always strive to be like Mike. He was dedicated. He was hardworking. He was original.
"Most importantly, he was a good man.
"Salamat, Sir Mike. Mami miss namin ang balitang tunog Mike Enriquez."
View this post on Instagram
LOVE AÑOVER
Sinimulan naman ni Love Añover ang kanyang post sa crying emojis.
Matagal na nagtrabaho si Love sa GMA News bago siya lumipat ng NET25.
Saad niya tungkol kay Mike, na naging ninong din niya sa kasal, "BIGLANG NAG-APPEAR SA INSTAGRAM NOTIFICATION ITO, NINOOOOOONG!
"ISA KA SA MGA NAGING MAGILIW AT MABUTI SA AKIN NUNG AKO AY BAGONG KAPUSO!
"KAPAG NAKAKASALUBONG KITA AT NAKIKITA - - LAGNG MAY SAYA KAPAG TINAWAG KO PO ANG PANGALAN NINYO.
"LAGNG MAY MAHIGPIT NA YAKAP AT MAIKSING - - 'KUMUSTA, NINONG?' AT LAGING MAY BALIK NA, 'KUMUSTA KA, LOVE AT ANG IYONG PAMILYA?'
"BAGO MAGHIWALAY, YAKAP MULI AT MATAMIS NA, 'INGAT KA LAGI, LOVE!'
"WALA NANG SAKIT AT HINAGPIS, NINONG!'
"REST IN PEACE, PAPA MIKE! [praying hands, crying emojis] #MikeEnriquez"
View this post on Instagram
JOEL REYES ZOBEL
Maiksi lang ang post ni Joel Reyes Zobel, na kasama ni Mike sa DZBB.
Aniya, "Maraming maraming salamat sa paniniwala, pagtitiwala at pagmamahal. Mahal kita. Mahal ka namin.
"I will forever be Robin to Batman. It was an honor to have worked with you. Boss, mentor, brother, father. Until we meet again. #dzbb594 #dzbbsuperradyo #gmanetwork #gtv #mikeenriquez"
Read: Joel Reyes Zobel narrates last moments with the late Mike Enriquez
View this post on Instagram
KATHY SAN GABRIEL
Magiliw namang inalala ni Kathy San Gabriel ang panahong nag-a-apply pa siya sa DZBB dahil may tumawag daw sa kanyang isang "Mike."
Pero sinabihan lamang niyang tatawagan niya ito maya-maya lamang kasi nga ay nagluluto siya ng isang recipe.
Kalaunan, nataranta siya dahil si Mike Enriquez na pala ang kanyang nakausap.
Mahabang kuwento ni Kathy, "Isang nakakahiya/nakakatawang kuwento—Noong nag-aapply pa lang ako sa DZBB, nakatanggap ako ng tawag mula sa isang Mike.
"Kasagsagan ng lockdown noon, at kasagsagan din ng aking pagluluto at pagsubok ko ng recipe nang tumawag s’ya.
"Kailan daw ba ako pwedeng makipag-meeting. Sabi ko tatawagan ko s’ya maya-maya, may ginagawa lang ako.
"Matapos ang tawag na ‘yon ay tinext ko ang isa kong kaibigan sa DZBB. Sabi ko, may nakausap akong Mike.
"Si Mike Enriquez daw ‘yon, wala naman daw ibang Mike sa DZBB. Dali-dali kong tinawagan si sir Mike noon para i-finalize ang schedule ng meeting. Excuse me po.
"Ilang taon bago ‘yan, nakilala ko si sir Mike sa kasal ng isang kaibigan. Nakapila kami ng mga kaibigan ko sa photo booth noon. Nakita namin sya na walang kasama at nakatingin sa amin kaya niyaya namin s’yang sumali sa litrato namin.
"Game naman sya. Nakapagpa-selfie pa nga ako kasi syempre, sino ba naman ang ayaw magpa-picture kay Mike Enriquez?
"Noong nakapasok na ‘ko sa DZBB, tinatawagan at kinakamusta n’ya ako. Lagi n’yang tanong, 'Masaya ka ba sa amin (DZBB)?'
"Tuwing nagkakasakit ako, ilang ulit n’yang sinasabi, 'Ang trabaho, nand’yan lang ‘yan. Asikasuhin mo ‘yang health mo. Huwag kang mag-alala, may babalikan ka pa.'
"Nang kami ni Melo ang umupo sa election primer na Ikaw Na Ba na programa ni sir Mike, halos araw-araw kaming magka-meeting kahit naka-isolate s’ya noon dahil galing sa transplant.
"Wala s’yang absent sa Zoom meetings namin. Ang dami kong natutuhan sa kanya.
"Noong huli nating text, ang sabi mo, 'Kita kits.' Hanggang sa muli, sir Mike. Isang karangalan ang makilala ka nang ilang taon. Makakauwi ka na."
View this post on Instagram
CONNIE SISON
Sabi naman ni Connie Sison sa kanyang post, "I only have good memories of you, Sir Mike. From the very first time I met you as a newbie in GMA, to the very last time we conversed after our program, your graciousness to me was impeccable.
"Babaunin ko po lahat ng paalala niyo at magsisilbing inspirasyon sa akin ang inyong ipinakitang kabutihan. Mananatili kayong buhay sa aming lahat na nagmamahal sa inyo. #paalamsirmike."
View this post on Instagram
SUSAN ENRIQUEZ
Maikli ngunit makahulugan ang mensahe ng Unang Hirit co-host na si Susan Enriquez para sa kaapelyido niyang si Mike.
Aniya, "Salamat Sir Mike Enriquez [praying emojis]"
View this post on Instagram
KAREN DAVILA
Puring-puri naman ng ABS-CBN anchor na si Karen Davila si Mike na nakasama niya noon sa bagong lunsad na Saksi news program sa GMA-7 taong 1995.
Ani Karen, "Paalam, MIKE ENRIQUEZ I first shared the anchor seat with the iconic ‘Booma’ in 1995 during GMA7’s election coverage, then Saksi’s 15 min newscast to its 30 min version ‘til 1999.
"Mike was a good guy. Down to earth. Funny. Magaan ka-trabaho, napakasaya kasama.
"I’ve always kept close to my heart what he told me, 'the challenge is staying humble as you go up the ladder.'
"Mike, I am forever grateful having known you. We will miss you My heart goes out to his family."
ANTHONY TABERNA
Hindi man nakatrabaho ni Anthony Taberna si Mike, pero naging kaibigan daw niya ito.
Mensahe ni Anthony, "Isang nakalulungkot na balita. Isa na namang haligi ng broadcast ang hindi na natin masisilayan sa radyo man o telebisyon.
"Ang daming kuwento tungkol sa kaniya sa loob ng newsroom. Pero marami rin tayong nalaman sa kaniya sa harap ng kamera. 'excuse me po', 'pagkat hindi natutulog ang Balita!'
"Muntik na akong maging Kapuso, once upon a time. Pero kahit hindi nagkatuluyan, siya ay naging textmate ko naman.
"Kahit saan kami magkita, laging may maikling kuwentuhan, at kahit pati sa Ka Tunying’s, madali siyang maimbita!
"Si Mike Enriquez aka Booma!!! Hindi natin siya tatantanan! Muli, pakikiramay sa kaniyang pamilya"
View this post on Instagram
JULIUS BABAO & CHERYL COSIM
Narito naman ang magkasunod na posts ng Frontline Pilipinas news anchors na sina Julius Babao at Cheryl Cosim.
Ani Julius, "Paalam sa isa sa mga haligi ng Broadcast Journalism sa Pilipinas, Ginoong Mike Enriquez. Salamat sa walang sawang serbisyo publiko para sa ating mga kababayan. #ripmikeenriquez"
View this post on Instagram
Sabi naman ni Cheryl, "Isa ka sa mga tinitingala ko sa industriya. Naging mabuting ehemplo ka sa marami sa amin. Paalam. Rest in Peace Sir Mike Enriquez"
View this post on Instagram
PUBLIC VIEWING
Samantala, inanunsiyo ni Oliver B. Amoroso, Senior Vice President and Head, GMA Integrated News, Regional TV & Synergy na magkakaroon ng public viewing sa mga labi ng yumaong si Mike.
Pahayag niya sa kanyang Facebook post ngayong gabi ng Miyerkules, August 30, 2023, "CELEBRATING THE LEGACY OF MIKE C. ENRIQUEZ
"Sa pahintulot ng kanyang pamilya, magkakaroon ng pagkakataon ang mga nagmamahal kay Mike C. Enriquez na masilayan ang kanyang mga labi sa Christ The King Parish, Greenmeadows sa darating na Sabado, Setyembre 2, 2023, mula 8:30 AM hanggang 3:00 PM.
"Imbes na bulaklak, maaaring mag-donate ang mga nakikiramay sa GMA Kapuso Foundation."
