Pormal nang pumirma ng kontrata si Emil Sumangil bilang main anchor ng 24 Oras ng GMA Integrated News ngayong araw, November 20, 2023.
Matagal nag-pinch-hit si Emil sa Kapuso primetime news program noong nagkasakit ang isa mga main anchor nitong si Mike Enriquez.
Pumanaw si Mike sa edad na 71 noong Agosto 29, 2023.
Read: Veteran broadcaster Mike Enriquez dies at 71
Ayon sa anunsiyo ng GMA News sa Facebook, dinaluhan ng mga namumuno ng Kapuso Network ang contract signing ni Emil.
Kabilang na rito sina GMA Network Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon, GMA Network President and Chief Operating Officer Gilberto R. Duavit Jr., at GMA Network Senior Vice President and Head of GMA Integrated News, Regional TV and Synergy, Oliver Victor B. Amoroso.

Regular na siyang makakasama nina Mel Tiangco at Vicky Morales bilang main anchors ng award-winning news program.
Sa isang panayam noong May 2023, nagkuwento si Emil sa kanyang karera.
“Ako po ay eighteen years na sa GMA Network pero bago po ako maging empleyado ng Channel 7 ako po ay tatlong taon ding nagsilbi sa ABS-CBN.
“Puro news po ito, news department po.
“Tapos, paglipat ko ho dito sa atin sa GMA Network bilang segment producer, dahan-dahan na pong umangat hanggang sa maging reporter na po sa night beat.
“Hanggang sa mabigyan ng pagkakataon na humalili noon kay Mr. Jiggy Manicad sa News TV Quick Response Team (QRT). Pagkatapos po dito sa QRT, after ng kainitan ho ng pandemya, nabigyan ho ako ng tsansa, ng pagkakataon na maging co-host po ng programa namang Dapat Alam Mo.
“Dito po sa pag-stay ko sa Dapat Alam Mo, last two months lamang ho, binigay na ho itong pagkakataon na ito, itong Resibo.
“Ang aking beat ay puro nasa crime, e, criminal justice system po ang mga istoryang tinututukan ko. Hindi ho ako nagpa-assign sa iba, hindi ako na-assign sa political beat, sa business beat, puro ho sa crime, ever since."
Read: Kapuso reporter Emil Sumangil unfazed by death threats; hosts new investigative public service show
