Dismayado ang Kapamilya actor na si Paulo Avelino sa hindi matigil na pamimirata sa local films at drama series sa Pilipinas.
Sa X (dating Twitter) nitong Huwebes, February 22, 2024, isang netizen ang binuweltahan ni Paulo matapos nitong sabihing imposibleng walang mamirata sa upcoming series nila ni Kim Chiu.
Sina Paulo at Kim ang mga bida sa Philippine adaptation ng hit Koreanovela series na What's Wrong With Secretary Kim?, na ipalalabas sa streaming platform na Viu.
Read: Kim Chiu, Paulo Avelino to headline PH adaptation of What's Wrong With Secretary Kim?
Nangyari ang pagbuwelta ni Paulo nang hamunin siya ni Kim na sumayaw matapos pumalo sa two million views ang pagsasayaw sa TikTok ng aktres.
Hamon ni Kim kay Paulo (published as is), "2M views in less than 24hours boss @mepauloavelino paano ba yan? I think ikaw naman ang sumayaw sa next tiktok ako naman ang mag chips! deal???"
Ni-repost ito ni Paulo kalakip ang caption na ito: "Kung walang pirata na lumabas ng WWWSK [What's Wrong With Secretary Kim?] pag labas sa @Viu_PH. Kung meron kahit isa... Pass na ako."
Sa comments section ng kanyang post, isang netizen ang nagkomento na nakaagaw-pansin kay Paulo.
Saad ng netizen, "Hahaha [laughing in tears emoji] imposible yan @mepauloavelino."
Mabilis itong ni-repost ni Paulo. Mahihinuhang hinding sumasang-ayon ang aktor sa iniwang komento ng fan.
Depensa ni Paulo, dahil sa talamak na pamimirata ay unti-uting nalulugi ang film industry.
Damay rin daw rito ang kabuhayan nilang mga nagpapagod magtrabaho para maghatid at gumawa ng mga dekalidad na palabas ngunit nanakawin lamang ng iba at ikakalat sa social media.
Saad ni Paulo, "Bakit naman po imposible? Industriya po namin ang nalulugi sa pamimirata ng mga tv show o pelikula.
"Hindi lang po kabuhayan namin ang apektado kundi pati narin ang kabuhayan ng lahat ng taong nag ta-trabaho sa likod ng camera.
"Hindi niyo sila nakikita o kilala pero apektado rin sila. Wag niyo pong gawing normal ang pamimirata ng mga palabas."
Read: Lotlot de Leon reacts to Paulo Avelino and Janine Gutierrez dating rumors
Hindi ito ang unang beses na nagsalita si Paulo tungkol sa paglaganap ng pamimirata ng mga palabas sa bansa.
Noong 2020, nabiktima rin ng piracy ang pelikulang pinagbidahan ng aktor, ang Fan Girl, isa sa official entries sa 46th Metro Manila Film Festival.
Read: Frontal nudity ni Paulo Avelino sa Fan Girl, pinagpiyestahan sa social media
May ilang netizens ang nag-upload sa social media ng isang eksena ni Paulo sa pelikula na kita ang kanyang private part, bagamat prosthetic lamang iyon.
Read: Paulo Avelino objects to spread of Fan Girl scene: "Maawa naman kayo sa mga underage"
