Sa wakas ay nagsalita na rin si Angelu de Leon tungkol sa diumano ay kinikimkim na sama ng loob sa kanya ng kasabayang si Claudine Barretto.
Sa vlog ni Ogie Diaz kagabi, March 27, 2024, inusisa siya ng talent manager at vlogger tungkol sa isyu.
Sundot ni Ogie, "So pag may sumasama ang loob sa 'yo, o may bigla kang nababalitaan na, 'Hindi pa pala tapos?'"
Diretsong sagot ni Angelu, "Una talaga, nagpi-pray na lang talaga.
"And eventually, I know, magkakaayos din.
"And then kung sino man yung nakakaintindi, siya na muna yung umintindi.
"Yun na lang. Parang mahirap sabayan ng emosyon kasi.
"Pero kung sabi ko nga in my quiet time, sabi ko, 'Hindi naman mahirap mag-apologize, e. Sa tamang panahon, kung may pagkakataon, kung talagang merong...' di ba?"
Lumabas na may isyu pala sa pagitan nina Angelu at Claudine sa 20th wedding anniversary party nina Gladys Reyes at Christopher Roxas.
Inimbitahan ni Gladys na pumunta onstage ang celebrity friends niya para magbigay ng mensahe sa kanila ni Christopher at pati na rin sa anak nilang si Christophe Sommereux.
Nang tinawag ni Gladys si Claudine, nabanggit ng huli ang tungkol sa reunion movie na gusto niyang gawin with Gladys and Judy Ann Santos.
Sabi ni Claudine, "I-manifest na natin yung pelikula natin with Juday."
Sagot ni Gladys, “Ha-ha-ha! Kayo na lang!"
Sabay follow-up ni Gladys, "Game ka ba doon, Clau? Game ka ba doon kung matutuloy ang reunion project natin with Juday and Angelu?"
Kalmado, pero diretsahang sagot ni ni Claudine, "No, no, no. Hindi. Ikaw lang, at ako, at si Juday. Walang Angelu."
Ang nabiglang reaksiyon ni Gladys, "Huh? Talaga ba?"
"Ewan ko sa'n galing yun?" tila nagtatakang sambit pa ni Claudine na animo hindi alam na makakasama si Angelu sa pelikula sana nila nina Gladys at Juday.
Magsasalita pa sana si Claudine pero ibinaba na lang ng nabigla pa ring si Gladys ang mikropono ng kapwa aktres.
Kinumpirma ni Claudine ang sinabi niyang ayaw niyang kasama si Angelu sa reunion movie na gagawin nila.
"Nagsasabi lang ako ng totoo. Tayong tatlo lang yun," sabi ulit ni Claudine.
Sa effort na maiwasang mabanggit pa si Angelu, itinuro ni Gladys si Wowie de Guzman at Vhong Navarro na naroon din sa party.
"Ayaw mo bang isama sina Wowie, sina Vhong..?"
Sagot naman ni Claudine na ikinataranta uli ni Gladys, "Ah, siyempre, puwede lahat. Huwag lang si Angelu."
Read: Claudine Barretto reveals beef with Angelu de Leon
Pero, hindi naman sinagot ni Angelu ang mga birada ni Claudine sa kanya.
Sa halip, puro hugot tungkol sa pagpapatawad ang kanyang ibinahagi sa kanyang Instagram Stories.
Read: Angelu de Leon posts cryptic messages after Claudine Barretto's rant against her
"kung magkakaayos, maaayos din."
Sa pagpapatuloy ng panayam ni Ogie kay Angelu, binanggit ng Pasig City councilor na darating naman daw siguro ang panahon na magkakaayos din sila ni Claudine.
Aniya, "Oo, or kasi sinasabi nga nila, kailangan ba talagang humingi pa ng sorry bago mo patawarin?
"Hindi na naman, di ba?
"But eventually, in God's time, kung magkakaayos, maaayos din."
Ano naman kaya ang initial reaction nang makarating sa kanya ang mga patutsada ni Claudine?
Saad niya, "Yung initial reaction ko talaga, buti na lang wala na ako dun.
"Siyempre, parang gusto mo ng showbiz answer.
"At kung nandun ako, okey lang, di ba?
"Pero kasi, siyempre, dahil hindi naman yun yung nangyari, and I don't play what ifs in my life, I'm grateful na yung pagkakataon na yun, ganun nangyari.
"Kasi I guess, kailangan ko rin magnilay-nilay, e. Baka nga. Baka nga.
"Pero, I don't want to disregard din kung meron siyang feelings na nasaktan, di ba?
"Hindi ko naman, ano, kung merong ganun pala, then eventually, sana magkaroon ng pagkakataon."
Sabat ni Ogie, "Na makapag-usap kayo?"
Dagdag ni Angelu, "Oo, na mag-ayos na lang, nang face-to-face.
"And nang talagang sincerely, yung mangyayari."
Wala pang reaksiyon si Claudine ukol sa mga sinabi ni Angelu.
