PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Leo Martinez slams Eddie Garcia Bill

Leo Martinez: "Napaka… ‘very parent’ yang Eddie Garcia Bill na yan."
by Mell T. Navarro
Published May 10, 2024
leo martinez eddie garcia bill
Leo Martinez on Eddie Garcia Bill: “Bakit pa natin ‘ginising’ si Eddie Garcia kung ganoon rin lang at wala namang pagbabago? Bakeeet?”
PHOTO/S: Leo Martinez

Binatikos at kinuwestiyon ng beteranong aktor at former director general ng Film Academy of the Philippines (FAP) na si Leo Martinez ang Eddie Garcia Bill.

Noong November 2023, pagkatapos ng huli at ikatlong reading, aprubado na ang Eddie Garcia Bill sa mga mambabatas.

Read: House passes “Eddie Garcia Bill” ensuring protection of entertainment industry workers

Nitong April 24, 2024, naisumite na ang bill sa Malacañang makatapos i-adopt ng House of Representatives ang Senate version nito.

Hinihintay na lang ang pirma ni President Ferdinand Marcos Jr. sa Office of the President, at kapag nangyari iyon, ang bill ay magiging ganap nang batas anumang petsa ngayong 2024.

WHAT IS THE EDDIE GARICIA BILL

Ang House Bill No. 7762 ay ipinangalan sa legendary actor-director na si Eddie Garcia, na-comatose at binawian ng buhay matapos maaksidente sa taping ng isang teleserye ng GMA Network noong June 2019.

Dahil sa sinapit ni Eddie, 90, nagkaroon ng malawakang apela para bigyang-proteksiyon ang lahat ng nagtatrabaho sa industriya ng pelikula, telebisyon, at radyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sakaling maging batas, obligado na ang lahat ng employers sa entertainment industry na magkaroon ng kontrata sa mga manggagawa at independent contractors nito.

Dapat na nakadetalye sa kontrata ang posisyon at saklaw ng tungkulin ng empleyado, lahat ng benepisyo nito, at ang mahahalagang polisiya ng employer na makakaapekto sa empleyado, ayon sa HB 7762.

Itinatakda ng HB 7762 ang sumusunod na polisiya para sa lahat ng empleyado sa entertainment industry:

  • Walong oras na normal working hours kada araw, na maaaring ma-extend sa 12 oras. Ang mga oras ng trabaho na lampas sa fixed eight hours ay babayaran bilang overtime.
  • Ang minimum wage ng trabahador at independent contractors ay hindi dapat na bababa sa wage rate sa rehiyong pinagtatrabahuhan.
  • Awtomatikong covered ang empleyado ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
  • Obligasyon ng employer na ibigay ang basic necessities ng kawani, tulad ng pagkain kada anim na oras ng trabaho, sapat na inuming tubig, restrooms, pribadong dressing rooms, maaliwalas na holding areas, at libreng accommodation sa mga out-of-town tapings, shootings, at iba pang aktibidad.
  • Pagkakaroon ng occupational safety and health officer na magsasagawa ng assessment sa lugar ng trabaho, partikular kapag outdoors ang produksiyon.
  • Pagkakaroon ng service vehicles para sa anumang emergencies sa production sets.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

LEO MARTINEZ SCRUTINIZES THE EDDIE GARCIA BILL

Naglabas ng kanyang saloobin si Leo Martinez sa pamamagitan ng isang video, tungkol sa ilang detalye ng Eddie Garcia, sa pamamagitan ng kanyang alter ego na si Congressman Manhik-Manaog, na pinasikat niya sa pagpuna ng mga isyung umiikot sa ating lipunan.

Akala raw niya, ang batas na ito ay ginawa para sa mga manggagawa sa entertainment industry, pero parang mas pabor ito sa TV networks at producers ng local movies.

Read: Local artists, nagtipun-tipon para talakayin ang Eddie Garcia Law

Isa ang awtor na ito sa personal na pinadalhan ni Leo, sa pamamagitan ng FB Messenger, ng nasabing video na may habang 5 minutes and 21 seconds.

Narito ang kabuuan ng kanyang video na nahahati sa dalawang parts:

Working Hours and Rights to Renumeration

Panimula ni Leo, bulang Congressman Manhik-Manaog: “Akala ko ba, ang Eddie Garcia Bill na yan ay para sa mga manggagawa? E, bakit ang sa tingin ko ay mas kampi ang Eddie Garcia [Bill] sa mga networks at producers, kesa sa manggagawa!

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

“Tingnan ninyo, Section 9, Working Hours muna.

“Sinabi na naman ng DOLE [Department of Labor and Employment], na ang working hours na nakatalaga sa Labor Laws for local and ILO Convention ay in terms of maximum working hours per week – 40 hours standard, plus 8 hours maximum overtime, for a total of 48 hours maximum per week.

“E, bakit yang Eddie Garcia Bill is sobra-sobra? Sixty hours daw ang maximum! Pero pag kinompyut mo ang 14 hours times 5 days, equals 70. O, e, di mali ang arithmetic, labag pa sa batas.”

SEINOR CITIZENS

Kinuwestiyon din ng batikang aktor ang pagkawala ng probisyon tungkol sa senior citizens.

“At bakit naman nawala yung provision for senior citizens na dapat ay 8 hours lang ang trabaho, sabi ng DOLE? Anong nangyari? Bakit?

“Tapos, kung ang 14 hours na trabaho ay para sa lahat ng mga manggagawa, e, papaano naman yung mga nadating bago dumating ang mga artista, mas maaga dumating sila, at mas huli pa ang pack-up?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“E, di 16, 17, 18 hours na ang trabaho nila? Okey pa ba yun? Okey ba yun sa inyo? Bakit? Ano ba ang nangyari?

“Bakit pa natin ‘ginising’ si Eddie Garcia kung ganoon rin lang at wala namang pagbabago? Bakeeet?” pagkukuwestiyon na litanya ni Leo in character.

Read: Iza Calzado, kabilang sa umaasang maipasa ang Eddie Garcia Bill

RIGHTS TO RENUMERATION

Pagpapatuloy ni Leo: “Ngayon, rights to renumeration naman, Section 25.

"Sinabi na sa ating Intellectual Property Law na ang artista ay maaaring sumingil ng hindi hihigit ng 5 percent ng kanilang original daily talent fee tuwing ire-replay ang kanilang ginawang pelikula o TV show.

“Samakatuwid, kung PHP1,000 ang iyong daily talent fee, e, dapat, PHP50 ang dapat na ibayad sa iyo, tuwing ire-replay ang ginawa mo. Yan ang sabi sa batas.

“Pero bakit ang Eddie Garcia [Bill], e, kumampi na naman sa mga networks at producers? Sinabi nila na ang renumeration daw ay DEPENDE sa pag-uusap ng producer at artista? Mali! Labag sa batas yan!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“At ere pa ang matindi… Sabi ng Eddie Garcia Bill, lahat daw ng intellectual property rights ay puwede ilipat o ipasa sa producer sa pamamagitan ng kontrata. O, mali yon!

“Dapat naman ay alam na ninyo na mali yon at labag sa batas yon. Labag yon sa Beijing Treaty on Audiovisual Performances na batas na noong 2021 pa. O, bakit nagkaganoon? Bakit ililipat yon?

“Ang moral rights, sabi ng Beijing Treaty, ay hindi puwedeng ilipat by contract. Ang moral rights ay kasama diyan yung pagtutol mo sa pag-distort sa pag-edit ng iyong performances o pag-edit sa makakasira sa iyong reputasyon, at ang pagbibigay ng credit sa yo.

“Yan ang mga moral rights na hindi puwedeng ilipat o ipasa sa producer by contract.

“Ang pagpasa ng moral rights o paglipat ng moral rights ay kailangang by legislation, not by contract. Yan ang sabi ng batas.”

LEO MARTINEZ SAYS EDDIE GARIA BILL IS "MAGULANG"

Sa bandang huli ng video, matapang na ipinahayag ni Leo na base sa mga ibinulgar niyang questionablae details, sa kanyang palagay, e, “magulang” ang Eddie Garcia Bill.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Kaya ngayon… in conclusion, ladies and gentlemen, ang pakiwari ko, e, napaka… ‘very parent’ yang Eddie Garcia Bill na yan.

"Parent… magulang! Ginugulangan ang mga manggagawa para ibigay sa mga network at producer.

“Aba’y wag naman! Maawa naman kayo sa mga manggagawa ng sining at telebisyon. Sila naman ang kampihan ninyo. Hindi ba?”

Tumingin sa langit si Leo at saka sinabing, “Okey ba yon, Eddie Garcia, Manoy?”

“Maraming salamat po sa inyo,” pagwawakas ni Leo sa kanyang video na kumalat sa social media at marami sa mga nakapanood ang nagpapasalamat sa pagpapaliwanag niyang ito.

Isa ang beteranong aktor na si Joel Saracho sa pinadalhan ni Leo.

Nag-comment dito si Susan Tagle, line producer o supervising producer ng mga FPJ movies noon.

Sabi niya, “Haaaay Kaps… tumanda na ako, pumanaw na si FPJ (2nd President ng KAPP, 1st si Robert Ylagan / Arevalo) at maraming iba pa… Hindi pa rin umuunlad ang kalagayan ng mga manggagawa sa pelikula!”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kapag naging ganap na batas na ang Eddie Garcia Bill, kailangang sundin ng lahat ang rules and regulations na nakapaloob dito.

Ang iba’t ibang guilds ay kailangang siguraduhin na ang mga manggagawa ng pelikula at telebisyon ay makikinabang.

Ngunit taliwas nga itong maaaring mangyari, sa paniniwala ni Leo Martinez, base sa kanyang mga ipinahayag sa nasabing video.

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Leo Martinez on Eddie Garcia Bill: “Bakit pa natin ‘ginising’ si Eddie Garcia kung ganoon rin lang at wala namang pagbabago? Bakeeet?”
PHOTO/S: Leo Martinez
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results