Inanunsiyo ng Department of Interior and Local Government (DILG) na PHP10 million ang pabuyang ibibigay sa sinumang makapagbibigay ng mahalagang impormasyon para maaresto ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder na si Apollo Quiboloy.
Read: Apollo Quiboloy, pinaaaresto ng Senado
Pahayag ni DILG Secretary Benhur Abalos sa press conference noong Lunes, Hulyo 8, 2024, "Gusto ko pong ianunsiyo na meron tayong mga kaibigan na gustong tumulong sa paghahanap sa kanila na nag-offer ng reward na PHP10 million for any information leading to the arrest of Quiboloy."
Tig-iisang milyon naman ang pabuya para sa mahalagang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng limang kapwa akusado ni Quiboloy sa criminal cases—sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemanes.
Hindi sinabi ng DILG kung saan manggagaling ang PHP15 million na reward money.
Read: US Treasury sanctions Pastor Apollo Quiboloy over human rights abuse; DOJ still mum on the issue
QUIBOLOY'S LEGAL COUNSEL REACTS
Kinuwestiyon ng kampo ni Quiboloy ang motibo ng DILG dahil galing umano ang reward money sa mga pribadong indibidwal at hindi mula sa pondo ng gobyerno.
Pahayag ng legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Ferdinand Topacio sa panayam nito sa TeleRadyo Serbisyo noong Lunes ng gabi, "Ito po ang nakakataka sa pabuya na ito, inamin naman na hindi galing sa gobyerno ang pabuya.
"Kung mayroon pong nag-iinteres na arestuhin si Pastor Quiboloy at nagbibigay ng pabuya, bakit?
"Tingnan po nila kung anong interes ng mga taong ito, at baka nagiging subjective, nagiging hindi na pantay, hindi na nagiging impartial ang administration ng justice sapagkat pinapasukan na po ng private interests."
Read: Pastor Apollo Quiboloy accepts Vice Ganda's challenge to stop Ang Probinsyano, EDSA traffic
Iginiit ni Topacio na ang reward money ay dapat manggaling sa pondo ng gobyerno at hindi sa mga pribadong indibidwal.
Aniya, "It is so wrong on so many levels… Hindi naman po mahirap intindihin, e.
"Pagka may pribadong tao na ang nagbibigay niyan, 'Ay, bakit?' Naiimpluwensiyahan ang gobyerno ng pribadong indibidwal sa kanilang pagpapatupad ng batas."
Read: Pastor Quiboloy sermon to Vice Ganda: "I hope that you learned your lesson."
QUIBOLOY'S CASES
Si Quiboloy ay nahaharap sa mga kasong child and sexual abuse at human trafficking, na parehong may nakaambang warrants of arrest at non-bailable.
Mula nang maglabas ng warrants of arrest laban sa kanya ay nagtago na si Quiboloy.
Noong buwan ng Hunyo ay nagsagawa ng raid ang mga awtoridad sa ilang pag-aaring lupa ni Quiboloy sa Davao City (KOJC compound, Prayer Montain, at Glory Mountain) at sa Sarangani Province upang i-serve ang arrest warrant sa kontrobersiyal na televangelist.
Hindi siya natagpuan sa alinman sa mga lugar na ito.
Wanted din si Quiboloy ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa sex trafficking at labor trafficking.
Read: Apollo Quiboloy, 2 others now wanted by FBI
DUTERTE KNOWS WHERE QUIBOLY IS HIDING
Ayon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, alam niya ang kinaroroonan ni Quiboloy ngunit hindi raw niya ito sasabihin sa mga awtoridad.
"Ayaw siguro ni Pastor mag-surrender, e, magtago ka na lang.
"Pero kung tanungin mo saan si Pastor, alam ko. Alam ko kung san si Pastor, pero secret," pahayag ni Duterte sa mga kausap niyang reporters sa Tacloban City noong Hunyo 30.
Si Duterte ay kilalang malapit na kaibigan ni Quiboloy.
Noong Marso, si Duterte ay itinalaga bilang administrator ng mga ari-arian ni Quiboloy.

Samantala, pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng reklamong obstruction of justice laban kay Duterte dahil sa paglilihim nito sa kinaroroonan ni Quiboloy.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, anumang pahayag na nagsasabing alam nila ang kinaroroonan ni Quiboloy ay rerebyuhin ng PNP upang suriin kung lumalabag ito sa Presidential Decree 1829, na magpaparusa sa "any person who knowingly or willingly obstructs, impedes, frustrates or delays the apprehension and prosecution of suspected criminal offenders."
Pahayag ni Marbil sa panayam niya sa TeleRadyo Serbisyo noong Hulyo 8, "We are looking through our legal service to get witnesses to file cases. You cannot say something that will disrupt police's efforts."
Read: Pastor Quiboloy, kinutya muli ang ABS-CBN matapos tuluyang mawalan ng franchise
