Puring-puri ng actress-fashion influencer na si Heart Evangelista ang katatapos lamang na GMA Gala 2024.
Ginanap ang maningning na gabi ng mga naglalakihang bituin sa showbiz noong July 20, 2024, sa Manila Marriott Hotel, Pasay City.
Kumusta ang experience niya sa GMA Gala?
Pahayag ni Heart sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Very wonderful. Grabe naman talaga ang Gala.
"Ang Gala ng GMA ay talagang pinaghahandaan. Kasi siyempre, di ba, GMA yan, e."
Read: Heart Evangelista stunningly on fleek year after year at GMA Gala
HEART EVANGELISTA, MARIAN RIVERA REUNITE AGAIN
Bukod sa bonggang okasyon, isa rin sa ikinatuwa ng netizens ang muling pagkikita nina Heart at Marian Rivera.
Sa Instagram Stories ng make-up artist na si Memay Francisco, makikita ang video ng dalawang Kapuso prime stars na magkatabi habang sila ay kinukunan ng picture.
Si Heart ay nakayapos sa bewang ni Marian, habang si Marian naman ay nakahawak sa bewang at braso ni Heart.

Kumusta ang pagkikita nilang muli?
Sabi ni Heart sa PEP: "I'm sure pati ikaw natutuwa. Yun naman din.
"It just takes time. Pareho kaming nag-mature, we went through life.
"Actually, usually ganoon naman yung conflict, e.
"You're just very alike, di ba? So minsan, pati yung mga nanonood, sila din yung mga umeeme.
"But, I'm so happy we're okay."
Nakausap ng PEP si Heart sa contract signing nito sa GMA Network kaninang tanghali ng Lunes, July 29, 2024.
Ginanap ang contract signing sa Studio 7 ng Kapuso Network.
Read: Heart Evangelista renews contract with GMA Network
HEART evangelista-marian rivera RECONCILIATION
Pangalawang pagkikita na nina Heart at Marian ang sightings nila sa GMA Gala 2024 pagkatapos nilang magkaayos.
Read: Marian Rivera, Heart Evangelista reunite anew at GMA Gala 2024
Noong December 2023, unang nasilayan ng publiko na magkasama ang dalawa nang parehas silang dumalo sa 84th birthday celebration ng GMA executive na si Atty. Felipe L. Gozon.
Nangyari ito matapos nilang muling i-follow ang isa't isa sa Instagram noong October 25, 2023.
Read: Marian Rivera and Heart Evangelista now follow each other on Instagram
November 11, 2023, sa eksklusibong panayam ni Heart sa GMA-7, ipinagtapat niyang nagkaayos na sila ni Marian kaya muli na silang nag-follow-han sa Instagram.
Kuwento ni Heart, ang mga taong malalapit sa kanilang dalawa ang nagtulak sa kanila nila ni Marian para muling mag-usap at magkaayos.
Matagal na raw nakakausap ng kapatid ni Heart na si Camille si Marian at ang asawa nitong si Dingdong dahil nagkakasama ang mga ito sa school activities ng kani-kanilang mga anak.
Aminado rin si Heart na maraming external factors kung bakit natagalan bago sila magkaayos.
Sabi niya, "And you know, Marian and I, we've always liked each other. And it's a true testament that, you know, we should always be supporting each other.
"Because real queens support each other."
Dagdag pa ni Heart, "And you know, it's a testament that it's really the people around us that makes things bad.
"To begin with, we've always been okay. Mahal mo siya. Mahal mo ako.
"Ibig sabihin, okay kaming dalawa as individuals.
"And so, I guess, it's just a matter of time."
Pagbubunyag pa ni Heart, si Marian ang nag-reach out sa kanya na sobra raw niyang na-appreciate.
Sabi niya noon, "I really do give credit to Marian. She really spoke to a lot of our common friends that she'd like to see me, ganyan."
Read: Heart Evangelista on rekindled friendship with Marian Rivera: "Real queens support each other."
Sa panayam naman ni Marian sa PEP noong November 15, 2023, sinabi niyang masayang-masaya siya sa panunumbalik ng pagkakaibigan nila ni Heart.
Aniya: "Yung puso ko ay... ang naramdaman ko, talagang my heart is happy.
"Tapos nandun ako sa peaceful... na finally, everything, alam mo yung God's perfect time.
"Parang sa buhay natin ngayon, parang mas masarap na peaceful ka at masaya ka araw-araw, na wala kang iniiwasan.
"And sabi ko nga, mabuti talaga ang Diyos, ibibigay Niya talaga sa iyo yung makakabuti para sa iyo."
Read: Marian Rivera on rekindled friendship with Heart Evangelista: "Mas masarap na wala kang iniiwasan."
heart evangelista-marian rivera longtime rift
Lagpas isang dekada na ang nakalilipas mula nang magkaroon ng iringan o alitan ang dalawang Kapuso stars na sina Marian at Heart sa set ng pelikulang pinagsamahan nila, ang Temptation Island noong 2011.
Nagsimula ito sa ilang alingasngas noon sa X (dating Twitter) at blind item.
Pero kaagad itong pinabulaanan ni Heart sa kanyang tweet noong June 11, 2011.
Saad ni Heart noon, "Let’s not make a big fuss. Marian and I are okay. Showbiz is showbiz so, Heartworld, wag na tayo mag-away-away."
Ngunit kinumpirma ng isang report na may alitan nga sa pagitan nina Marian at Heart nang may nangyaring insidente sa airport sa Manila noong June 13, 2011, kung saan sangkot umano ang ina ni Heart na si Cecile Ongpauco.
Galing daw sina Heart at Marian, kasama ang iba pang cast at crew ng Temptation Island, sa Paoay, Ilocos Norte, kung saan kinunan ang mga natitirang eksena ng kanilang pelikula.
Ayon sa report noon ng veteran columnist na si Mario Bautista sa People's Journal noong June 14, 2011, pagdating sa Manila airport ay lalapit sana si Marian kay Heart para magpaalam.
Pero bigla raw siyang sinigawan ng ina ni Heart—na naroon upang sunduin ang anak—at sinabihang: "Stay away from my daughter!"
May mga sinabi pa raw na masasakit na salita si Mrs. Ongpauco kay Marian, na napaiyak dahil sa narinig.
Hindi rin malinaw kung ano ang pinag-ugatan ng away ng dalawa.
Read: (UPDATED) Marian Rivera and Heart Evangelista reportedly involved in a feud
Pero ayon sa ilang sources ng PEP noon, tila nagsimula ang gusot sa pagitan ng dalawang aktres nang sabihin ng boyfriend ni Heart noon na si Daniel Matsunaga sa isang interview na gusto niyang makapareha sa isang proyekto si Marian.
Noon naman daw nasa Ilocos sila ay tila nagparinig si Heart na excited na siyang maka-partner si Dingdong Dantes, na boyfriend pa lang ni Marian noon (at asawa na ngayon).
May niluluto kasing proyekto noon ang GMA-7 na pagtatambalan nina Heart at Dingdong.
Doon daw nagsimula ang iringan nina Marian at Heart.
Pero mabilis naman daw naayos ng dalawa ang gusot na ito bago pa man sila bumalik ng Maynila.
Nang akala ng lahat ay okey na sina Marian at Heart, lumaki uli ang isyu dahil sa nangyaring insidente sa airport.
Ayon pa sa ilang sources, may kasama pa raw bodyguards ang ina ni Heart na si Mrs. Ongpauco bilang "proteksiyon" sa aktres.
Hindi matukoy kung ilan eksakto ang bilang ng bodyguards; may nagsasabing walo at meron namang apat daw.
Nang makarating ang insidenteng ito sa fans ni Marian ay hindi nila ito nagustuhan.
Ayon sa mga forum sites, bukod sa masasakit na salitang binitiwan ng ina ni Heart ay pinagmukha pa raw "kriminal" si Marian dahil nagsama pa ito ng bodyguards.
Kalaunan, lumabas namang may tatlong version ang naging away daw ng dalawa.
Read: Three versions of the Marian Rivera-Heart Evangelista feud
Additional texts: Khryzztine Joy Baylon
