#GeraldSantosControversy4 #PEPCoverage
Trigger warning: mention of rape
Walang binanggit na "rape" si Gerald Santos, 33, sa isinumite niyang reklamo sa GMA-7 management noong 2010.
Ito ang gustong ipunto ng ilang concerned insiders at oldtimers sa GMA Network kasunod ng testimonya ni Gerald sa senado noong Lunes, August 19, 2024.
Sa senate hearing, sinabi ni Gerald na "rape" ang ginawa sa kanya ng isang musical director na nakatrabaho niya noon sa Kapuso Network.
Read: GMA-7, naglabas ng statement sa mga alegasyon ni Gerald Santos
Iba ito sa mga naunang pahayag ni Gerald na "sexual harassment" ang naranasan niya mula sa musical director.
Sa mga in-upload na vlogs ni Gerald sa YouTube nitong nakalipas na dalawang linggo, consistent na "sexual harassment" ang paglalarawan niya sa masamang karanasang nangyari sa kanya noong 2005, sa murang edad na 15.
Pero nang humarap siya sa senate hearing nitong August 19, iba ang sinabi ng singer—ang "sexual harassment" ay naging "rape."
Pagtestigo ng isang emosyunal na Gerald: "Ako po ay di po na-harass, di po na-abuse, ako po ay na-rape po...
"I was only 15 years old at that time so wala po talaga akong lakas ng loob nung nangyari.”
Read: Gerald Santos speaks up about "sexual harassment" at 15

NO MENTION OF RAPE IN FORMAL COMPLAINT IN 2010
Naglabas ng official statement ang GMA Network noon ding Lunes, Agosto 19, 2024, kunsaan nilinaw nilang ang akusasyong "rape" na binanggit ni Gerald sa senado ay kaiba sa isinumiteng formal complaint ng singer sa GMA-7 noong 2010.
Ngayon lang daw nakarating sa kaalaman ng GMA management ang impormasyong ito.
Ito rin ang sentimyento ng ilang concerned GMA insiders na nakakaalam ng mga pangyayari. Nakausap sila ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Martes, Agosto 20.
Pahayag ng Unang Insider: “Gerald Santos filed his complaint in 2010, five years after the incident. But there was no mention of rape in his complaint.
"We just heard about the 'rape' in the Senate hearing yesterday, August 19.”
Pagdiin naman ng Pangalawang Insider, matapos nilang matanggap ang reklamo ni Gerald noong February 2010 ay umaksiyon agad ang network at nagsagawa ng imbestigasyon.
Bilang resulta, tinanggal daw ng network sa serbisyo ang akusado.
“By July of that same year, after a thorough investigation, GMA terminated the accused. This was the strongest action that the company could take in the sexual harassment complaint," sabi ng Pangalawang Insider.
Ngunit, habang isinasagawa pa lamang ang imbestigasyon, si Gerald daw mismo ang huminging ma-release na siya ng network noon ding 2010.
Sa salita ng Pangalawang Insider: “But even while the investigation was still ongoing, Gerald already requested an early release from his contract with GMA and transferred to TV5 that same year.”
Ni-release daw si Gerald ng network noong July 5, 2010, pero ang kontrata niya ay dapat daw hanggang May 6 o 7, 2011.
Read: Sandro Muhlach speaks up about sexual abuse
no record of GERALD mentioning "RAPE" before AUGUST 2024
Sa pagsasaliksik ng PEP, consistent si Gerald sa pagsabi sa YouTube vlogs nito, at maging sa dati nitong mga interview, na “sexual harassment” ang naranasan niya sa kamay ng isang hindi pinangalanang musical director.
Nito lamang Agosto, nakilatis ng PEP ang inilabas ni Gerald na three-part video via YouTube ukol sa “sexual harassment” complaint niya noong 2010.
Wala siyang binanggit na rape rito.
Ngayon ay naibahagi ng isang GMA insider sa PEP ang redacted formal complaint ng singer, kung saan idinetalye ni Gerald ang ginawa sa kanya ng musical director.
Dito ay mababasang napigilan ni Gerald ang masamang balak sa kanya dahil naitulak at nasipa niya ang musical director.
Nakasaad dito: “He was pulling my shorts down and then tried to fondle...
"I vehemently resisted and pushed him away with a kick on his body. He was not successful with his plan.”

Sa interview naman ni Butch Francisco kay Gerald sa This is Showbiz ng Pika Pika YouTube channel, na na-upload noong December 12, 2022, itinama pa ng singer si Butch nang gamitin ng huli ang salitang “molestation.”
Tinanong ni Butch si Gerald kung ang “pagkaalis” niya sa bakuran ng GMA-7 ay may kinalaman sa “alleged molestation attempt” sa kanya ng di pinangalanang musical director.
Sa salita ni Butch: “It was because of the sexual molestation.”
Pagtutuwid ni Gerald: “Yeah… harassment, yes, sexual harassment…”
Inamin ni Gerald sa panayam na noong una ay nagkaroon siya ng sama ng loob sa GMA dahil pakiramdam daw niya ay hindi siya kinampihan kaugnay ng kanyang complaint.
Usisa ni Butch: “Ang nangyari... they [GMA] didn’t take your side?”
“Parang ganon. Parang ganon na nga yung lumalabas,” sagot ni Gerald.
Sundot ni Butch: "So, may sama ng loob..."
Sagot ni Gerald, “Ahh, nung una. Syempre, hindi ko maiiwasang mag[tampo]. Kumbaga, I was a homegrown talent. But, kumbaga, I had to move on.”
Kinailangan daw niyang mag-focus sa pagtatrabaho dahil may mga taong umaasa sa kanya.
Paliwanag ni Gerald, “I needed to survive at that time, so wala akong time for grudges or grievances.”
Pag-usisa pa ni Butch: “Pero bakit ikaw na naagrabyado, bakit hindi ikaw ang napanigan?”
May pag-aatubiling sagot ni Gerald: “Ano ba? Paano ba? How will I answer that? Uhmmm… I don’t know. Maybe they don’t want to meddle into the issue anymore? Parang ganon?”
Sundot ni Butch: “So, you just resigned?”
Ani Gerald: “They let me go. They let me go.”
Sa kabila nito, itinanggi ni Gerald na “he burned bridges.”
Kahit nagtampo siya noong una sa GMA-7, hindi raw siya nagtanim ng sama ng loob sa network.
"I just moved on, wala na yun sa akin, actually. Yung sa network, wala na yun sa akin," pagtukoy ni Gerald sa nagkalamat na relasyon nito sa network.
Pero hindi pa raw siya nagmu-move on sa "sexual harassment" case na isinumite niya.
sagot ng isang GMA-7 oldtimer
Tinanong ng PEP ang ilang insiders tungkol sa 2022 interview ni Gerald sa Pika Pika.
Isang naguguluhang oldtimer ng GMA Network ang minabuting magsalita na sa PEP.
May firsthand knowledge raw ito sa mga naganap noon.
"In February 2010, Gerald submitted his complaint of sexual harassment and in that same letter he asked to be released. Sabay po siyang nag-file ng complaint at nagpa-release.
"Ang Network immediately conducted an investigation and terminated the contract of that person he complained against. That was the harshest penalty na binibigay ng Network.
"Paano sasabihin na hindi namin siya kinampihan? Naawa nga kami sa kanya kaya inumpisahan kaagad ang imbestigasyon.
"At noon lang din namin nalaman ang nangyari sa kanya five years na ang nakalipas. Hindi kasi related sa GMA yung event na yon. We were not also advised by Gerald of the event."
Pagkaklaro rin nito: "Hindi pa GMA Artist Center ang manager niya nung nangyari yung alleged harassment nung 2005. We just started managing him in May 2006.
"Hindi namin alam kung sino ang manager niya nung time na yon. Hindi ba dapat yung manager at guardian niya at mga taong nakaalam at that time ang nagbigay sa kanya ng psychological support?
"Paano namin ibibigay ang ganoong support kung hindi naman namin alam na may ganoong nangyari?
"For our part, tuluy-tuloy naman ang regular show niya at guestings sa mga programa ng GMA hanggang nagpa-release na nga siya."
Paglilinaw pa nito: "Noong 2013 nagpadala pa ng sulat ang manager ni Gerald at nag-apologize sa mga nasabi ni Gerald na naka-offend sa Network at mga officers at staff.
"Hindi naman daw sinasadya na ilagay ang network sa 'bad light' at baka misquoted lang daw si Gerald sa mga nasabi niya.
"Sinabi din na 'forever grateful' daw si Gerald sa network at open daw siyang magtrabaho muli sa GMA. Nag-expire na daw ang kontrata nila sa TV5 nung sumulat sila."
Pagwawakas ng oldtimer: "Ngayon after more than a decade, iba na naman ang ihip ng hangin?"
GERALD SANTOS PROJECTS IN GMA
Samantala, ipinadala ng ilan pang GMA insiders sa PEP ang listahan ng naging projects ni Gerald sa Kapuso Network bilang patunay na hindi pinigilan ng network ang career ng singer.
Ang projects na binanggit ay mula nang tanghalin si Gerald na grand champion ng Pinoy Pop Superstar Year 2 noong 2006 hanggang sa magpa-release siya sa kontrata noong 2010.
Ang Pinoy Pop Superstar ay singing competition sa GMA-7 hosted by Regine Velasquez.
Tumakbo ito ng tatlong seasons kung saan ang grand champions ay sina Jonalyn Viray (Season 1), Gerald Santos (Season 2), at Maricris Garcia (Season 3).
Ipinupunto rito ng GMA insiders na mula nang mangyari ang sexual harassment kay Gerald noong 2005, hanggang sa magsumite siya ng formal complaint sa management noong 2010, hindi minsan nawalan ng proyekto ang singer.
Taliwas daw ito sa alegasyon ni Gerald na "pinag-initan" siya kaya nabawasan ang TV appearances niya sa GMA-7.
Narito ang listahan ng mga programang nilabasan ni Gerald noong nasa bakuran pa siya ng GMA-7:
2005
SOP
Pinoy Pop Superstar Year 2
Regional TV- Kapusong Davaoeño Weekend
2006
SOP
I Luv New York (drama romance series)
Pinoy Pop Superstar Year 2 (multiple guest appearances)
Pop Star Kids (multiple guest appearances)
StarStruck: The Next Level
7 Cheers to '07 New Year Special
GMA Christmas 2006 "Ang Sarap ng Paskong Kapuso"
Balik Bayan
All Star K Caravan – Gerald and Harry Santos
Na Scam Ka Na Ba?
Magpakailanman
Fantastic 56, The GMA Anniversary Special
Fans Kita
Kuyaw
OI!
Extra Challenge – Singing Showdown
Grand Kapuso Holiday 2006
Mobile Kusina
2007
SOP
Pop Star Kids (multiple guest appearances)
Sing For Me: The GMA Christmas Choir Festival
Galikayo Festival in Manaoag
Special: Manny Pacquiao Victory Celebration
Kapusolympics, The GMA 57th Anniversary Special
Pinoy Pop Superstar Year 3 Grand Finals
GMA Station ID "Spartan"
Here Comes The Bride
MMS (My Music Station)
2008
SOP
Dear Friend
Pinoy Idol
2009
SOP (regular)
Mel And Joey
Greater and Grateful at 59, The GMA Anniversary
Pacmania: A Kapuso Hero's Welcome Special
All Star K (The One Million Videoke Challenge)
2010
Party Pilipinas (his regular program until July when he asked to be released)
Kapuso Fans Day in Davao 2010
Comedy Bar
GMA at 60: The Heart of Television – Anniversary
2014
Himig ng Pasko
