Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita si Rufa Mae Quinto sa kinakaharap na 14 counts ng paglabag umano sa Section 8 of Securities Regulation Code na isinampa laban sa kanya.
Sa exclusive interview ng GMA Integrated News ngayong hapon ng Miyerkules, January 8, 2025, pinanindigan ng actress-comedienne na biktima rin siya.

Rufa Mae Quinto as interviewed by GMA Integrated News
Aniya, "Biktima din po tayo kaya lahat haharapin. Go, go, go, basta hinaharap.
"Tsaka hindi maganda kasi reputasyon na yung sinisira kaya humaharap ako para i-clear ko yung name ko, di ba?"
Maghahain ba siya ng countercharge laban sa mga nagsampa ng kaso sa kanya?
"Pag-iisipan namin kung may isip pa ako," biro muna ni Rufa Mae.
Seryoso niyang dagdag, "Hindi, tapusin muna to, isa-isa lang.
"Kasi kadarating ko lang from the airport, from the U.S., so one by one, step by step."
Anong pakiramdam na one step away na lang siya sa kanyang kalayaan matapos maayos ang ilalagak na piyansa para sa nakaambang warrant of arrest?
Pabirong sagot niya, "E, di ang sarap, you're free. Best things in life are free."
Dumating sa bansa si Rufa Mae kaninang umaga sakay ng Philipine Airlines mula sa San Francisco, California.
Sinundo siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa airport dahil sa abiso ng abogado ng aktres sa kusang pag-surrender ng kanyang kliyente sa awtoridad.
Read: Rufa Mae Quinto returns to PH; voluntarily surrenders to NBI
RUFA MAE QUINTO: "sana I-hinighlight din sino ba yung kawatan dito."
May mensahe naman si Rufa Mae sa mga taong nagsampa ng kaso laban sa kanya.
Dapat daw ang hanapin ng mga ito ay ang may-ari ng Dermacare, kumpanyang saglit lamang daw niyang inendorso.
Saad niya, "Alam mo, sa totoo lang, ang hanapin nila ang may ari, yun yung talagang may-ari.
"Tsaka wala naman akong kinalaman sa kanila.
"Di ko naman sila na-meet or nakilala."
Pagbubunyag pa niya, tumalbog lahat ng tseke na ibinayad sa kanya bilang endorser.
Bukod pa rito, kinansela rin daw ng nasabing kumpanya ang kanilang kontrata.
Ani Rufa Mae, "In fact, ako, di rin naman ako nabayaran.
"Nag-bounce lahat ng tseke.
"At three months lang po ako na parang nung pumirma ako, ta's first down, talbog. Second down, talbog.
"So, puro bounching [checks], tapos sabi sorry. Kinancel din nila ako as endorser."
Pakiusap pa niya sa complainants: "Sana sa mga biktima, una, ang hanapin niyo yung may-ari kung sino yung kausap nila, di ba?
"Pangalawa, sana i-hinighlight din sino ba yung kawatan dito?
"Di porke't artista, ikaw na yung laging nasa news, di ba?
"Ibig sabihin, kailangang malinaw na di lang po ako, yung mismong may-ari ang dapat habulin."
Bukod sa kanya, nahaharap din si Neri Naig Miranda sa kahalintulad na kaso.
Read: SEC official explains Neri Naig’s securities violations case
