Dumulog sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Kapuso TV-host-comedienne na si Pokwang upang ireklamo ang scammer na gumagamit sa address ng kanyang bahay para sa staycation scam.
Kuwento ni Pokwang sa 24 Oras nitong Lunes, February 24, 2025, mula pa noong December 2024 hanggang ngayong February 2025, maya't maya ang pagkatok sa kanyang bahay sa Antipolo, Rizal, ng mga nabiktima ng bogus staycation resort.
Read: Pokwang calls for help after losing PHP85K on GCash
Kagagawan daw ito ng scammer na ginagamit ang address ng bahay ni Pokwang para mambiktima sa pamamagitan ng isang pekeng staycation booking na ibinebenta sa social media.
Saad ng TiktoClock host: "Minsan sa isang araw ang kumakatok na tao dito, tatlo hanggang limang biktima.
"Sa isang araw lang iyon at karamihan doon mga nagda-down na.
"May [nagda-down daw] ng seven thousand o five thousand.
"Siguro sa isang linggo, kumikita [yung scammer] mahigit-kumulang two hundred thousand."
Kung bibisitahin ang Facebook page kung saan nakikipagtransaksiyon ang mga biktima, makikita ang marami nitong followers, magandang feedback, at litrato ng bahay ni Pokwang.
Ito raw marahil ang dahilan kaya naeengganyo ang mga biktima na mag-staycation sa bahay ni Pokwang.

Ani Pokwang, "Magaganda yung pino-post niya sa account niya, e, kaya ikaw naman talagang maeengganyo ka.
"Pero wala talaga ganoong resort."
POKWANG FILES FORMAL COMPLAINT AT NBI
Wala raw ideya si Pokwang kung bakit nagamit sa scam ang address ng kanyang bahay.
Kaya't agad na raw silang naglagay ng notice sa bakod ng kanyang bahay para ipaalam sa publiko na ito ay private property at hindi pinaparenta.
Read: How to spot and avoid investment scams
Takot na takot daw ngayon si Pokwang sa seguridad ng kanyang pamilya kaya humingi na siya ng tulong sa NBI cybercrime division.

Sabi niya: "Natatakot ako para sa family ko.
"Inilagay mo sa risk yung buhay ng pamilya ko kaya hindi kita titigilan. Kakasuhan ko [talaga] siya."
Nanawagan din ang Kapuso star sa lahat ng nabiktima ng scammer, "Magsama-sama tayo. Huwag natin titigilan hangga't hindi nakukulong iyan."
Read: How to spot a scam contractor: Key warning signs to watch for
