Dinepensahan ni Neil Arce, asawa ng aktres na si Angel Locsin, si Gela Alonte sa gitna ng mga batikos ng netizens dahil sa pagpapakita nito ng marangyang pamumuhay sa social media.
Kabilang si Gela sa influencers na anak ng mga politiko at contractors na pinupuntirya ngayon ng publiko kaugnay ng pagkakalantad ng bilyun-bilyon at maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa netizens, habang maraming Pilipino ang naghihirap at naaapektuhan ng pagbaha sa maraming lugar sa Pilipinas, nagpapakasasa umano ang "nepo babies" sa kanilang luho gamit ang mga ninakaw na pondo ng kanilang kaanak para sana sa matinong flood control projects.
Sa Instagram Story noong Sabado, August 30, 2025, naghayag ng kanyang suporta si Neil kay Gela, isang influencer at anak ni Biñan City, Laguna Mayor Gel Alonte.
Panimula ni Neil, "History would prove that I would be 100% supportive of bashing the corrupt.
"But not Gela Alonte."
Ayon sa mister ni Angel, nakatrabaho na raw niya si Gela at hindi niya nararamdaman ang pagiging brat nito o pagmamataas.
Habang suportado niya ang pagku-call out sa mga taong tiwali, sana raw ay siguraduhing mga tamang tao ang kinu-call out natin.
Dagdag pa ni Neil, "I have seen her work hard for what she has and I have never seen a glimpse of brattiness or privilege when I work with her.
"Let’s continue calling people out but let’s also make sure we call out the right ones.”

Read: Who is Gela Alonte?
GELA ALONTE, CLAUDINE CO, Danzel hernandez bashing
Umani ng batikos online si Gela matapos muling mag-viral ang kanyang video patungkol sa pagbabahagi ng saloobin sa usaping political dynasty sa Pilipinas.
Ayon sa netizens, kuha ang viral video ni Gela noon pang 2024.
Naka-live daw sa TikTok ang baguhang aktres nang sagutin niya ang tanong online ng kanyang viewers.
Tanong ng isang nagkomentong netizen: "What are your thoughts about political dynasties here in the Philippines?"
Sagot dito ni Gela, "Paano ba yan, nasa political dynasty yung pamilya ko."
Natawa na lang si Gela matapos niyang sabihin ito, sabay dugtong niyang, "I mean, controversial."
Noong July 28, 2025, sa pamamagitan ng magkakasunod na posts sa X (dating Twitter), nagbigay ng pahayag si Gela tungkol sa muling paglutang ng viral niyang video.
Dito, inamin ng Kapamilya artist na nagkamali siya kung paano niya sinagot ang tanong sa kanya noon.
Pinagsisihan na raw noon pa man ni Gela ang nagawang pagkakamali, kaya hindi naman daw tama na muli itong ungkatin ngayon at gamitin sa kanya para siya'y husgahan.
Aniya: "There’s a difference between pulling others down and calling them out.
"The world would be so much better if majority chose to do the latter.
"Nobody is perfect yet so many of you act like you’ve never had any mistakes in your life just cause they aren’t publicized.
"It’s not fair to use others’ mistakes against them when you can call them out properly [and] give them a chance to grow [and] learn.
"Isn’t that how it should be?"
Naiintindihan daw ni Gela ang galit ng marami sa nakapanood ng kanyang video.
Posibleng ang iba raw ay nayabangan at tingin sa kanya ay mapagmataas dahil sa pagtawa niya nang sagutin ang tanong tungkol sa political dynasty.
Kung babalikan daw ni Gela ang mga oras na iyon ay maging siya ay natakot na magbigay ng reaksiyon patungkol sa usaping ito.
Gayunpaman, nangyari na raw ang nangyari.
Nakapagbitaw na siya ng mga salitang hindi pinaboran ng publiko, kaya naman ngayon ay inihihingi niya ito ng kapatawaran.
Saad niya, published as is: "I know the clip from a year ago upset a lot of people, and i understand why.
"I shouldn’t have answered the question the way i did, or at all.
"I didn’t laugh out of pride or arrogance, it was a nervous response to a question that i knew would be met with criticism no matter how i answered.
"That was my mistake and i take accountability for how i handled that moment."
Read: Gela Alonte responds to backlash over political dynasty remark
Isa rin sa nabatikos ng netizens ay si Claudine Co, na kamag-anak nina former Ako Bicol Partylist Representative Christopher Co at Ako Bicol Partylist Representative Elizaldy "Zaldy" Co.
Si Claudine ay anak ni Christopher Co, ang co-founder ng Hi-Tone Construction and Development Corporation.
Tiyuhin naman niya si Congressman Zaldy Co, ang chief executive officer ng Sunwest Group of Companies at dating chairperson ng House Committee on Appropriations.
Trending si Claudine sa social media dahil sa kaugnayan niya sa mga may-ari ng construction at development company na isinasangkot sa kontrobersiyal na usapin sa flood control projects.
Ito ang pinag-ugatan ng pagkuwestiyon sa marangyang pamumuhay na ipinakita ni Claudine sa kanyang Claud’s YouTube channel at Instagram page.
Ang pagbibiyahe nila ng kanyang pamilya sakay ng private plane, pagbabakasyon sa iba’t ibang bansa na halos apatnapu ang bilang, at pagsusuot ng designer clothes at paggamit ng branded bags na umaabot sa milyun-milyon ang halaga ang ilan lamang sa mga ibinida ni Claudine sa sarili niyang social media accounts.
Pero mula nang pumutok ang balita tungkol sa diumano’y mga anomalya sa flood control projects, pinupuna ng mamamayang Pilipino ang kanyang nakalulula at marangyang pamumuhay.
Inaakusahan ngayon si Claudine at ang kanyang pamilya na nanggaling umano sa taxpayers ang ginagastos sa luho nila, at ipinapanawagang isama siya sa imbestigasyon.
Dahil dito, deactivated at private na ang social media accounts ni Claudine.
Read: Claudine Co, binabatikos dahil sa pagbalandra ng lavish lifestyle
Nahaharap din sa batikos ngayon si Danzel Fernandez, anak ng actor-politician na si Dan Fernandez dahil sa ipinapakitang karangyaan nito sa social media.
Isa sa napansin ng netizens ay ang rest house nila sa Canyon Cove Residences sa Batangas.
Pinag-ugatan ito ng batikos ng maraming netizens dahil milyones ang halaga ng nasabing rest house.
Isa pang ikinagalit ng netizens ay ang isang video nito noong May 2021 kung saan makikitang nakasakay sa isang chopper si Danzel kasama ang kanyang kapatid dahil ipinasundo daw sila ng ama papuntang Batangas.
Naging Sangguniang Panlalawigan (provincial board member) official si Danzel noong 2022 para sa unang distrito ng Laguna.
Ang kanyang amang si Dan ay nagsimulang manilbihan sa gobyerno noong 1998.
Napili siyang representante ng first district ng Laguna mula 2007–2016 at 2019–2022.
Nanilbihan din itong mayor ng Santa Rosa City mula 2016 to 2019.
Nahalal din ito kalaunan bilang congressman ng lone district ng Santa Rosa City, Laguna.
Read: Danzel Fernandez draws backlash for flaunting lavish lifestyle
*additional texts from Jojo Gabinete, Tin Baylon, and Nikko Tuazon
