Hindi na natutuwa ang Kapamilya actress na si Janella Salvador sa mga nababasa niyang komento mula sa ibang miyembro ng LGBTQIA+ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual) community.
Sa X (dating Twitter) nitong Miyerkules, September 17, 2025, nag-post si Janella para ihayag ang kanyang pagkadismaya sa mga "homophobic" at "lesbophobia."
Ang homophobic ay tumutukoy sa taong takot, galit, o may diskriminasyon laban sa mga taong kabilang sa LGBTQIA+ community, partikular sa mga bakla, tomboy, bisexual, o iba pang may parehong kasarian.
Ang lesbophobia naman ay partikular na uri ng diskriminasyon, galit, o negatibong pagtrato laban sa mga lesbian o mga babaeng nagkakagusto o nagmamahal sa kapwa-babae.
Ayon kay Janella, maaari namang magbigay ng puna at opinyon nang hindi na kailangan pang magbitaw ng mga masasakit na salita, lalo na kung patungkol sa personal na kagustuhan at hitsura ng isang tao.
Mababasa sa post ng aktres (published as is): "It’s bothersome how sometimes those who are part of the LGBTQIA+ community are the ones who come up with the most homophobic (lesbophobic, even) comments.
"Criticism and opinions can be thrown without making unnecessary remarks about personal preference, appearance and how people choose to comfortably present themselves.
"Not to mention those of you who laugh along with the colorist and misogynistic comments. Backwards much?"

Bagamat hindi nagbigay ng ibang detalye si Janella, hinala ng ibang netizens na pasaring niya ito sa bashers nila ng Kapuso actress na si Klea Pineda.
Naugnay si Janella kay Klea matapos mahiwalay ng huli sa dating nobyang si Katrice Kierulf.
Noong July 18, inamin ng StarStruck Season 6 Ultimate Female Survivor sa Fast Talk With Boy Abunda na nagwakas na ang tatlong taong relasyon nila ni Katrice.
Ayon kay Klea, hindi na nila natutulungan ang isa't isa sa paggu-grow.
Dito na pumasok ang pangalan ni Janella, lalo pa nang mapansin ng publiko ang pagiging malapit nila ni Klea mula nang magkatrabaho sila sa pelikulang Open Endings.
Read: Is Janella Salvador the third party in Klea-Katrice split?
Bukod sa bonding ng lead stars ng pelikula, may pagkakataon ding namataan silang dalawa lang na magkasama sa restaurant.
Magkasama rin sina Klea at Janella sa hotel kunsaan ginanap ang GMA Gala 2025 noong August.
Read: Klea Pineda, spotted kasama si Janella Salvador after ng GMA Gala
JANELLA ON KLEA-KATRICE BREAKUP
Noong September 3, sa panayam nina Janella at Klea sa TV5 entertainment news reporter na si MJ Marfori, itinanggi ng Kapamilya actress na may kinalaman siya sa hiwalayang Klea at Katrice.
"Para lang maging klaro, sabi ko po magsasalita ako at the right time. Ito na yun.
"Hindi po ako part ng breakup. Hindi po ako third party.
"I'd like to exclude myself from that," seryosong sabi niya.
Pagdating sa ugnayan nila ni Klea, sabi ni Janella, "And ayun lang. Kung ano nakikita niyo ngayon, yun na yun."
Panay rin ang ngiti ni Janella nang usisain kung gaano siya kasaya, lalo pa't magkatabi sila ni Klea buong interview.
"Nakikita niyo naman kung gaano ako kasaya," nakangiting saad ng Kapamilya actress.
Read: Janella Salvador hints at real score with Klea Pineda
KLEA ON REAL SCORE WITH JANELLA
Maya-maya pa ay si Klea naman ang tinanong ni MJ, "Are you together?"

Hindi nagbigay ng diretsong sagot si Klea, pero aniya tungkol sa kanila ni Janella, "Nakikita niyo online, kahit saan, yun na yun. Basta masaya kami... together."
Samantala, bago ito ay nauna na ring itinanggi ni Klea na si Janella ang naging mitsa ng hiwalayan nila ni Katrice.
Nangyari ito nang makapanayam siya ng GMA News noong August 2, kunsaan natanong sa kanya kung aware ba siyang may mga ganitong isyu na lumabas sa media?
Sagot ni Klea, "Of course, of course, I'm aware sa nangyayari. But ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi mismo sa inyo, walang third party na nangyari."
Diin pa ni Klea, huwag ibaling kay Janella ang sisi dahil sa pagiging malapit at komportable nila sa isa't isa.
Bukod kay Janella, naging malapit din daw naman siya sa dalawa pa nilang kasamahan sa pelikulang Open Endings na sina Jasmine Curtis Smith at Leanne Mamonong.
Paglilinaw pa ni Klea: "Yung closeness namin ni Janella, inevitable siya kasi magkasama kami sa film.
"So, kaming apat sa film — si Jasmine Curtis-Smith, si Leanne, si Janella, and me — yung closeness namin talaga na-develop during shooting days namin.
"And the third party issue? Come on guys, tama na."
Read: Klea Pineda: Janella not a third party in breakup with Katrice
