Hindi nagpapigil ang actress-director na si Bela Padilla na punahin ang viral na komento ni Pangasinan Second District Representative Mark Cojuangco tungkol sa mga Pilipinong nakaranas ng matinding pagbaha sa bansa.
Umani ng batikos ang kongresista matapos niyang kuwestiyunin ang ilang pamilyang Pilipinong nagtatayo ng bahay sa flood-prone areas.
Nagsimula ito nang may isang netizen sa X (dating Twitter) ang nag-post ng compilation video ng mga nasalanta ng matinding pagbaha sa lalawigan ng Cebu at mga karatig-probinsiya noong November 4, 2025 dahil sa bagyong Tino.
Read: Regine Velasquez vents anger at government over massive floods
Sa video, makikitang nasa bubungan na ng bahay ang mga nasalanta ng bagyo—basang-basa, umiiyak, at naghihintay ma-rescue.
May drone footage din kunsaan makikita ang lawak ng pinsala ng bagyong Tino sa malaking parte ng Cebu na animo'y naging ilog at dagat ang kanilang mga kabahayan.
Caption sa post ng netizen (published as is), "PANGARAP KO LANG TALAGA IS MAMATAY NA LAHAT NG CORRUPT SA PILIPINAS!"
Mahihinuha sa caption ng netizen na pinapasaringan niya ang mga ganid na opisyal ng gobyerno na sangkot sa talamak na korapsyon sa bansa, lalo na sa flood control projects na makatutulong sanang proteksyunan ang ilang mababang lugar sa bansa sa banta ng pagbaha.
Read: Escudero, Villanueva, Estrada, Revilla face prosecution over flood control mess
Sa comments section ng post na ito ay mapapansin ang pagkukomento ni Cojuangco.
Sa iniwan niyang komento, tila sinisisi pa ng kongresista ang mga mamamayang nagtayo ng bahay sa mga mabababa at bahaing lugar.
Saad nito, "Bakit kasi sa flood plain gumawa ng tirahan? Takaw sakuna.
"Di mo ba napansin na yung diversion channel ay mas mataas kaysa yung lupa ng tirahan nila? Bakit doon? Ito na yung consequence ng choice na yun."
Maraming netizens ang agad na bumuwelta sa anila'y tunog-"privileged" na komento ni Cojuangco.
Giit nila, mali ang sinabi ni Cojuangco na "choice" ang manirahan sa mabababang lugar. Hindi naman daw lahat ay may kakayahang makapagpatayo ng tirahan sa mas mataas na lugar na hindi aabutin ng baha.
Tirada ng isang netizen: "Hindi nga kasi lahat may choice kagaya mo. Who in their right mind would want to choose to live in a hazardous place. Wala ngang choice diba? They have to settle kung anong pwede. A little compassion and kindness goes a long way, Cong."
Mabilis itong sinagot ng kongresista.
Saad nito: "No one should. Laging may choice. You should be angry right now. Engineering and sound reasoning gave way to 'compassion and kindness' years ago.
"Kaya nga nangyari ito. Suck it up and learn, or repeat it all over again later. Choice is ours."
BELA PADILLA Calls Out MARK COJUANGCO for Flood Comments
Dahil sa mga pahayag na ito ni Cojuangco, ilan pang netizens ang kinuwestiyon at binatikos siya.
Kabilang na rito ang aktres na si Bela Padilla.
Isang reply ni Cojuangco ang ini-repost ni Bela sa X, kalakip ang kanyang saloobin.
Ayon kay Bela, imbes na sisihin agad ang mga tao, mas mainam daw unahin muna silang tulungan ng kongresista.
Panenermon pa ng aktres, may malaking papel ang mga nasa katungkulan, gaya ni Cojuangco at ang Local Government Units (LGUs), sa pagsisiguro na hindi naitatayo ang mga bahay sa mga delikadong lugar.
Saad ni Bela: "Respectfully, you don’t start giving swimming lessons to a drowning man, sir. You save him first.
"Why didn’t the LGUs stop them from building there in the first place?"
Pinatutsadahan din ni Bela ang kontrobersiyal na Monterrazas de Cebu project ng engineer at Pinoy Big Brother: Unlimited big winner na si Slater Young.
Pahayag nito: "Common folk don’t know where they can or can’t build. I mean—look at Slater Young."

Ang Banaue Rice Terraces-inspired na Monterrazas project ang itinuturong dahilan ng ilan sa matinding pagbaha sa Cebu, lalo na nang mag-viral online ang isang video kuha noong kasagsagan ng paghagupit ng typhoon Tino.
Read: Albie Casiño slams Slater Young’s silence amid Cebu floods
Dito mapapanood ang mabilis na pagragasa ng tubig sa Barangay Guadalupe, Cebu City, na diumano’y nasa ilalim ng The Rise at Monterrazas.
Read: Slater Young’s Monterazzas blamed by netizens for Cebu flooding
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang sagot sina Cojuangco at Slater sa naging tirada sa kanila ni Bela.
Read: Monterrazas project ni Slater Young iimbestigahan ng DENR at DPWH
