Aminado ang ex-Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition housemate na si Shuvee Etrata na naapektuhan siya sa malalang bashing sa kanya noong 2025.
"Yung parang sabi ko na almost narating ko na yung point na, 'Ay, baka hindi to para sa akin,'" pagbabahagi ng Kapuso actress.
Pag-amin pa ni Shuvee, noong time na iyon ay pumasok sa kanyang isip na mag-quit na lang sa showbiz.
Saad niya: "Parang gusto ko na hanapin yung... parang nawawala na ako sa sarili ko. Parang gusto ko umuwi ng isla namin.
"Yung parang ganyan, nahirapan po talaga ako nung kasagsagan.
"Pero ang sobrang na-appreciate ko po sila Miss Joy [Marcelo], sila Miss Annette [Gozon-Valdes] kasi po talagang ako-ako [akay-akay] nila ako.
"Yung parang noong time na ayaw ko na, sila yung nagbigay sa akin ng rason para mas lumaban pa. Kasi ang dami na balang napipirmahan na kontrata," pagtukoy ni Shuvee sa GMA-7 executives.
Rebelasyon pa ni Shuvee, madami na raw brands ang napirmahan ng Sparkle GMA Artist Center para sa kanya noon.
Ibig sabihin, walang umatras na sponsors noong kasagsagan ng kontrobersiya niya.
Biro pa ni Shuvee: "Ma-breach of contract man ako. Baka mag-feel na feel na mag-e-end, pero ang daming kontratang napirmahan.
"Siyempre may commitment na tayo sa lahat ng brands natin.
"So, hindi na para sumuko. Mas lalo pa akong... mas lalo ko pa siyang ilalaban."
Saad pa ni Shuvee, wala ni isang umatras sa mga napirmahan ng management niya.
"Yes, yes. So, medyo na-shock ako. Kasi sa sobrang dami, yung parang, 'Thank you talaga, Lord.'
"Kasi noong time yun, natakot talaga ako baka may mawala ba, natakot lang ako na baka, 'Hala, baka isang ano lang tong lahat baka mawala na.'
"Kaso what God can give you, He can also take away.
"So baka, baka nga, ano lang to, mabilisan."
Dagdag pa ni Shuvee: "Alam ko naman seasons to, ang pagiging artista.
"Sa seasons of harvesting ko, sa pagkukuha ko ng lahat ng ito, baka mabilis lang to.
"Pero until now, I'm still with those brands at hindi namang po nila ako iniwan.
"So, mahal na mahal ko po talaga ang brands ko. Sila po talaga yung naniniwala po talaga sa akin."
Nadagdagan pa nga raw ang mga nagtitiwala sa kanya.
Aniya, "Opo. Parang sabi nila, 'Ay, humingi ka, Shuvs. Sige, more ano [blessings].'"
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang showbiz reporters si Shuvee sa grand media conference ng upcoming horror movie na Huwag Kang Titingin na ginanap sa Citadines Hotel, Quezon City, kahapon, March 26, 2026.
Dumalo rin ang iba pang cast ng pelikula na sina Sofia Pablo, Allen Ansay, Marco Masa, Charlie Fleming, Michael Sager, Kira Balinger, Josh Ford, Sean Lucas, at ang rumored boyfriend ni Shuvee na si Anthony Constantino.

Ipalalabas ang Huwag Kang Titingin sa darating na April 15, 2026 sa mga sinehan nationwide.

Read: Aktor at estranged wife, nasa proseso na ang annulment
Shuvee Etrata and the heavy bashing backstory
Naging mainit na talakayan sa socia media noong September 2025 ang tungkol sa political stand ng dating PBB Celebrity Collab Edition housemate na si Shuvee Etrata.
Ito ay matapos mahalungkat ng netizens at nag-trending pa sa X (dating Twitter) ang Tiktok Live video niya ilang linggo bago siya pumasok sa Bahay Ni Kuya noong March 2025.
Sa video, inihayag ni Shuvee ang kanyang pagkalungkot at pagkabahala sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaresto ang dating Pangulo nang dumating ito sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa kanyang biyahe sa Hong Kong noong March 11.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), dinakip si Duterte sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) na ipinadala sa International Criminal Police Organization (Interpol) Manila.
Read: Duterte charged with 3 counts of murder by ICC prosecutors
Ayon kay Shuvee noon, hindi niya napigilang maiyak nang mabalitaan ang nangyari sa dating Pangulo.
Pahayag niya: "Naiyak talaga ako kagabi, empath kasi ako. Kasi sa lugar namin, ang laki ng naitulong ni PRRD [President Rodrigo Roa Duterte].
"Like, ang drugs talaga, guys—ang laki niyan na thing. Ewan ko lang sa inyo pero nagpapasalamat talaga ako kay Duterte."
May spliced video namang lumabas kung saan tila mahinuhang ibinoto ni Shuvee si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nagdaang 2022 national elections nang sabihin niyang "nabudol" siya nito.
Dahil dito, nag-viral at katakut-takot na batikos ang natanggap ng Kapuso actress mula sa netizens na hindi pabor sa naging pahayag niya sa kanyang old social media posts.
Marami ring netizens ang nanawagan sa mga iniidolo nilang artista na gamitin ng mga ito ang kanilang impluwensiya na maninidgan sa mga mahahalagang isyu sa bansa.
Kaagad namang humingi ng tawad si Shuvee sa mga nadismaya niyang tagahanga.
Noong September 24, isang open letter ang isinagot ni Shuvee kaugnay ng mga natamo niyang kritisismo mula sa netizens.
Walang direktang personalidad o isyu na tinukoy si Shuvee sa kanyang pahayag.
Ang tanging malinaw ay humingi siya ng pasensiya sa mga nadismaya sa kung anumang nasabi niya noon na nakasakit sa iba.
Kalakip ang pangako niyang natuto na siya sa kanyang pagkakamali noon.
Idiniin din ni Shuvee na nakikiisa siya sa mga kapwa Pilipino na dumadaing lalo na sa isyu ng talamak na korapsyon sa bansa.
Read: Annette Gozon-Valdes defends Shuvee Etrata from critics
