Masayang binalikan ni Manilyn Reynes ang reconcilation nila nina Janno Gibbs at Bing Loyzaga.
Naganap ang kanilang open conversation sa vlog ng mag-asawang Janno at Bing na lumabas sa YouTube noong May 6, 2026.
Ilang dekada na ang nakalilipas matapos ang short-lived romance sa pagitan nina Manilyn at Janno.
Pero hindi nagawa noong ni Janno na humingi ng kapatawaran sa dating real-reel life loveteam na si Manilyn matapos nilang maghiwalay, at mula nang magsama sila ni Bing.
Sabi pa ni Janno kay Manilyn sa vlog, "I think I’ve never said this publicly or even to you na, I’m sorry if I hurt you. Sorry for the hurt I caused you.”
Sagot ni Manilyn, “Okay na iyon.”
Pagkatapos nito ay nagyakap ang dating magkasintahan.
Sinabi rin ni Manilyn na hindi niya nakuhang magalit kay Bing, na ang buong akala naman ay galit si Manilyn sa kanya.
Sabi ni Manilyn kay Bing, "Ngayon niyo lang siguro maririnig, ‘no, hindi ako galit sa yo. Hindi ako galit sa yo. Totoo.
“Kasi akala ng tao talaga parang [ang] sama, sama, sama ni Bing. Hindi. Para lang maklaro ko lang.”
Giit ni Manilyn, “Hindi ako galit sa iyo, kahit kailan.”
Ipinagpasalamat naman ito ni Bing.
Read: Manilyn recalls heartbreak after Janno reunited with Bing
MANILYN REYNES ON HEALING AND MATURING
Sa exclusive Real Talk interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Manilyn sa set ng Pepito Manaloto: Tuloy ang Kuwento, kahapon, June 4, 2026, nagbigay ng karagdagang detalye ang actress-singer tungkol sa open conversation nila nina Janno at Bing.

Paano ito nangyari? Bakit ngayon lang gayong naging magkaibigan na naman silang lahat at umiikot lamang sa maliit na mundo ng showbiz?
Paliwanag ni Manilyn: "Oo, siyempre tagal, tagal, tagal, tagal na.
"Pero alam mo, nangyari na lang. Totoong naghihilom, e.
"Naghihilom ka na, at the same time, nagma-mature pa, di ba?
"Yung tapos ka na siguro doon sa ganoong panahon na, 'Hmp, ayoko, ayoko,' di ba?"
So, may mga ganoong siyang reaksiyon dati?
Sagot niya: "Hindi naman. Kaya lang, wala... tapos ka na sa ganun, e, di ba?
"Ang tagal nang panahon, di ba? So, dumating na lang sa panahon na nung magkita-kita, we did not even talk about it anymore.
"Kahit kami ni Bing, parang nung magkita kami, okay naman kami. Nag-hug kami, 'Okay na tayo,' di ba?
"Parang ganun na rin yung nasa isip niyo. Wala na yun.
"Ni hindi namin nata-touch yung ganung topic, e. Iba na pinagkukuwentuhan namin, buhay-buhay na, ganun. And, okay kami."
Iba raw ang pakiramdam na may natanggal na dala-dalahin sa kanyang puso.
"Ang sarap sa puso," sambit ni Manilyn.
Read: Michael V reveals secret behind Pepito Manaloto’s 16-year success
MANILYN: no need to ask for FORGIVeness
Nagkapatawaran na talaga sila?
Paglilinaw ni Manilyn: "Walang ganun nga, e. Walang ganun.
"Actually, sa vlog lang ni Janno nung first time niya nagsabi sa akin na, 'I think hindi ko nasabi sa yo ever, pero sorry kung nasaktan ka.'
"Hindi mo ba tatanggapin yun? Hindi ba? Lalo na tapos na naman talaga, di ba?
"E, lalo na alam mo na happy na siya with Bing, bakit hindi?
"At kung ginawa ko ngang magparaya noon, ngayon pa ba?"
Ang tinutukoy ni Manilyn na "magparaya" ay ang pagbubuntis noon ni Bing kaya hinayaan niya si Janno na panagutan ang responsibilidad bilang ama ng dinadala nito.
Sabi ni Manilyn noon sa vlog ni Snooky Serna sa YouTube na lumabas noong May 1, 2026: "Sabi ko, mas kinailangan ni Bing at magiging baby nila ni Janno, more than kailangan ko siya nung time na yon.
“Ang tawag doon pakiramdam, puso sa puso, babae sa babae, lalo na’t magiging nanay.
“E, sino ako para pigilan yon, di ba? Hadlangan ko ba iyon?
“Masakit? Oo. Mas madaling sabihin kesa gawin? Oo.
“Pero laking ginhawa ng naramdaman ko nung nalaman ko, nung ginawa ko iyon na wala akong pinigilang chance na magkasama at mabuo sila.”
Pagpapatuloy ni Manilyn sa interview ng Real Talk, "Ngayon ko ba hindi tatanggapin yung sorry mo? Di ba?"
Read: Mr. M retains TV5 roles despite rumored exit, sources claim
THE "SAYANG NA SAYANG" PHENOMENON
Taong 1988 nang magkarelasyon sina Manilyn at Janno. Pero, hindi ito umabot ng isang taon.
Kuwento ni Janno sa panayam ng PEP noong 2014: "Siya bata, e. She was 16 [years old]. Ako mga 18 or 19 [years old]. I guess, siya medyo naglalaro pa siya nun.
“Ako yung protective, ako yung seloso."
Noong time na yun, magkasama sila sa That’s Entertainment.
Dahil sa kanilang hiwalayan, nabuo ang kantang "Sayang na Sayang" na lalong nagpasikat kay Manilyn.
Kinanta rin niya ito sa media conference ng isa pa niyang show, ang Born to Shine.
Pagsisiwalat ni Manilyn, sinadya ang kantang gawin dahil sa breakup nila noon ni Janno.
Lahad niya: "Actually, itinaon talaga. Itinaon talaga. So, itinaon talaga yung song na naging National Anthem nga naman natin.
"At grateful din ako dahil sa song na yun, e, ang dami nating shows, ang dami nating kantahang naganap, di ba?
"At parang krimen kung hindi mo siya kakantahin, di ba? Sa lahat ng shows ko, hindi talaga pupuwede... 'Sayang na Sayang,' 'Okay.'"
At ayon nga kay Janno, parang kinamuhian siya ng fans ni Manilyn noon.
Kuwento niya sa vlog pa rin nila ni Bing: "Pag dumaan ako sa tindahan, biglang papatugtugin yung 'Sayang na Sayang.'
“Tapos alam mo ba na dinuduro ako ng mga tao nun? ‘Niloko mo si Manilyn!’ ginaganun ako.”
Pagtatapos pa ni Manilyn tungkol sa ilang taong isyu nila nina Janno at Bing, "Wala na yun. Tapos na yun."
Samantala, inanyayahan nina Manilyn, Michael V, at buong cast ng Pepito Manaloto: Tuloy ang Kuwento ang mga masugid nilang tagasubaybay sa kanilang 16th anniversary special bukas, June 6, 7:15 ng gabi sa GMA.
Mapapanood naman ang Real Talk interview ni Manilyn soon sa YouTube channel ng PEP.ph.
Read: Janine Gutierrez fulfills dream of becoming a Star Magic artist
