Umaasa si Pasig City Mayor Vico Sotto na mas marami pang indibidwal ang mapanagot at makulong kaugnay ng malawakang korapsyon sa flood control projects sa bansa.
Kasunod ito ng pag-aresto sa kontratistang si Curlee Discaya para sa kasong malversation of public funds dahil sa pagkakasangkot niya sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Sa Senado, kung saan siya naka-detain matapos ma-cite in contempt noong September 2025, isinilbi kay Curlee ang arrest warrant na inilabas ng Malolos Regional Trial Court Branch 20 nitong Lunes, June 8, 2026.
Read: Philippine Flood Control Corruption: A Timeline
Sa Senado na rin siya isinailalim sa booking procedure, kabilang ang pagkuha ng mug shot at pagsasailalim sa medical examination, bago siya dinala sa Malolos RTC para sa return of warrant.

Paglabas ng commitment order mula sa korte, agad idiniretso si Curlee sa Bulacan Provicial Jail, kung saan siya mananatiling nakakulong habang dinidinig ang kanyang kaso.
MAYOR VICO SOTTO ON CURLEE DISCAYA ARREST
Sa Facebook, nagbahagi ng reaksiyon si Mayor Vico hinggil sa pagkakaaresto kay Curlee.
Ayon sa alkalde, bagamat nakakadismaya ang mga isyung kinahaharap ng bansa, nakikita niya ang pag-aresto kay Curlee bilang isang positibong senyales na mas marami pang sangkot sa korapsyon ang maaaring mapanagot.
Mababasa sa kanyang post: "Sana mas marami pa ang makulong.
"Minsan nakakadismaya na ang mga nangyayari sa ating bansa; iniisip ko na lang na at least kahit papaano, may progreso.
"Just 1 year ago, most of us didn't even know the level of corruption going on."
Read: Vico Sotto calls out Sarah Discaya's "victim ploy" amid arrest
Dagdag pa ni Mayor Vico, maaaring kabilang ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa mga pinakamalaking nakinabang sa kontrobersiyal na flood control projects, bukod kina Leyte First District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.
Sina Romualdez at Co ay kabilang sa itinuturong "mastermind" sa flood control scandal ng Department of Public Works And Highways (DPWH).
Read: Zaldy Co tags Marcos, Romualdez as mastermind of bicam insertions
Pahayag ni Mayor Vico: "Today, Curlee was arrested. Bukod kay Romualdez at Co, maaaring ang mga Discaya na ang may pinakamalaking nakubra sa flood control scandal.
“Pero hindi lang flood control ang pinag-uusapan dito. This is just one example of how evil minds can exploit our broken system."
Read: Zaldy Co, wala na sa kustodiya ng Czech Republic
Sa huling bahagi ng kanyang mensahe, hinimok ni Mayor Vico ang publiko na manatiling mapanuri at huwag tumigil sa paglaban sa korapsyon.
Saad niya: "Tomorrow, the same things will happen again, unless we continue to fight and de-normalize corruption.
"So let's keep doing our part. Stay informed, exercise critical thinking, and keep pressuring the government.
"Siguraduhin nating hindi tayo magkakalimutan."
Read: Zaldy Co, pasabog ang "regalo" sa birthday ni Martin Romualdez
Malaki ang naging papel ni Mayor Vico sa pagkakabunyag ng mga kuwestiyonableng transaksiyon na kinasasangkutan ng mga construction firm ng mga Discaya sa DPWH.
Nagsimula ito matapos niyang magbahagi sa social media ng reaksiyon sa magkahiwalay na panayam nina Julius Babao at Korina Sanchez kina Sarah at Curlee, noong August 2025, kung saan ipinagmalaki ng mga ito ang kanilang mga ari-arian at luxury cars.
Read: Mayor Vico Sotto calls out broadcasters over Discaya interviews
Lumalabas na ang mga pinambili rito ay galing sa diumano'y milyu-milyong nakubra nila sa DPWH.
Kalaunan, naging isa ito sa pinakamalalaking kontrobersiya ng taon nang mabunyag ang umano’y pagkakasangkot ng ilang kilalang personalidad at pulitiko sa naturang anomalya.
Read: Vico Sotto, nag-react sa pagkawala ng luxury cars ng mga Discaya
Sa kasalukuyan, nakapiit si Sarah sa Lapu-Lapu City Jail sa Cebu kaugnay ng mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation of public funds or property through falsification.
