Hindi itinanggi ni Atasha Muhlach na may mga pagkakataong naaapektuhan siya ng kaliwa't kanang batikos na natatanggap niya sa social media.
Mula sa panaka-nakang pambabash sa kanya, mas lalo itong dumami nang opisyal na isapubliko ng Viva Artists Agency, noong July 17, 2026, na si Atasha ang bibida sa comedy play na Bongga Ka Day! The Annie Batungbakal Musical: Based on the Songs of HOTDOG.

Read: Atasha Muhlach lands lead role in Annie Batungbakal musical
Mula rito, may mga nagduda sa pagkakapili kay Atasha para gampanan ang iconic role ni Annie Batungbakal.
May ilan ding nag-akusang ginamit umano ng dalaga ang koneksiyon ng kanyang pamilya para makuha ang naturang role.
Bagay na mabilis na pinabulaanan ng talent agency niyang Viva Artist nang ilabas nila sa social media ang video clip ng pagsabak sa audition ni Atasha para sa nasabing role.
Read: Atasha headlines Hotdog concert; Maso reveals what to expect
August 8, muling naging usap-usapan online si Atasha nang mag-perform siya sa HOTDOG Tribute Concert sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay City.
Sa ilan sa mga video na kumalat online, makikitang inaawit at sinasayaw ng isa sa mga anak nina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez ang ilan sa mga iconic na kanta ng HOTDOG, gaya ng “Pers Lab” at “Annie Batungbakal.”
Pinutakti si Atasha ng batikos matapos punahin ng ilang netizens ang kanyang performance.
Ayon sa ilan, matigas umano ang kanyang mga galaw at nanginginig ang kanyang boses habang kumakanta.
May ilan ding kumuwestiyon kung handa ba si Atasha para sa iconic role, lalo na't malayong-malayo raw siya sa dating pagganap ni National Artist Nora Aunor bilang Annie Batungbakal.
Ginampanan ni Nora ang title role sa musical comedy films na Annie Batungbakal at Bongga Ka 'Day! noong 1980.
Read: From Nora to Atasha: A new era for Annie Batungbakal
Atasha on criticisms
Sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kay Atasha sa Preview Ball 2026 noong September 10, 2026, nahingan siya ng reaksiyon sa mga batikos na natatanggap niya.

Pag-amin ng dalaga, may mga pagkakataong naaapektuhan siya sa mga negatibong komento.
Gayunman, pinipili raw niyang tingnan ito bilang bahagi ng kanyang trabaho at hindi ito hayaang makaapekto sa kanyang pangunahing layunin bilang performer.
Pahayag niya: "Siyempre naman, tao pa rin naman ako.
"Minsan, nasasaktan naman ako. Pero okay naman, because it's part of work, and my only responsibility is to try to make people happy.
"And I hope they enjoy the show, and of course, no expectations on what the result may be.
"I just wanna make sure that I promised myself that I will try my best, and I just want people to enjoy the show."
ATASHA EXPRESSES GRATITUDE FOR HER SUPPORTERS
Bagamat may mga nambabash sa kanya, malaki pa rin daw ang pasasalamat ni Atasha sa mga taong naniniwala sa kanyang talento at kakayahan.
Read: How Atasha Muhlach achieved her abs
Malaking bagay na para sa kanya ang maramdaman ang pagmamahal at pagpapahalaga ng ibang tao upang ipagpatuloy ang kanyang trabaho.
Saad ni Atasha, "Sa totoo lang, I'm just nothing but very, very fortunate and very, very grateful to have such a lovely supportive team behind me.
"And to be loved and appreciated by others is already such a big blessing to me, and I wouldn't be where I am if it wasn't for you guys, so thank you."
Aga Muhlach, CHARLENE GONZALEZ on Atasha’s bashers
Samantala, matapos ang opening ng Bongga Ka Day! Annie Batungbakal The Musical: Based On The Songs of HOTDOG nitong Biyernes, September 18, ay nakapanayam ng PEP Troika at iba pang entertainment press ang mag-asawang Aga at Charlene, na kabilang sa mga nanood para sumuporta kay Atasha.
Sa nasabing panayam ay hindi maitago nina Aga at Charlene ang saya at paghanga nila sa anak dahil nakita raw nilang na-enjoy nito ang performance kahit may sprain daw siya.
“Actually, alam ko meron siyang sprain ngayon. But tuloy pa rin.
“But you know, like they say in showbiz, ‘the show must go on.’ She looks like she’s having a fun time,” pakli ni Charlene.
Sabi naman ni Aga na tuwang-tuwa sa kanyang anak: “Ngayon nagpe-perform yan, may sprain siya talaga.
“She sprained herself the other day, no? And that’s why, para makita namin siyang ganun… alam mo yung saya niya.
“Mahirap ipaliwanag pero kasama namin siya sa bahay. So, nakikita namin talaga yung hirap niya na yun.
“But sabi ko nga, ‘You got this, Atasha.’ I always believe in her.”
Nahingan din ang mag-asawa ng reaksiyon sa mga patuloy na bumabatikos kay Atasha.
“Basta positive na lang tayo. Happy, happy,” napangiting sabi ni Charlene.
Ano ang ipinapayo nila kay Atasha tungkol sa natatanggap niyang bashing?
Ani Aga: “I’ll be honest, ano sa mga tumira sa kanya noon talaga. Sabi ko, ‘Huwag mo na lang pansinin,’ di ba?
“Ganun talaga, e. ‘Malaki yung show, ang gagawin mo. And this is work.’
“And sa mga tumira sa kanya, galing sa isang ama po. E, nagtatrabaho lang yung bata, di ba?
“Ahh, wala namang pinagyayabang. Gusto lang maghanapbuhay. Gustong gumawa ng show. Ayan, panoorin niyo po. Maraming salamat sa inyong lahat.
“Sa lahat ng nagmamahal, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.”
Dagdag ni Charlene: “Ang sa akin lang, just you know, continue to be strong, and not just for Atasha but for everyone.
“Don’t let anybody stop you for reaching for your dreams, continue to reach your dreams.
“Roads are never easy, may mga ups and downs. But always go for your dreams.
“Huwag po kayong matakot, and enjoy the journey.”
Read: Aga Muhlach, Charlene Gonzalez react to criticisms against Atasha
Kung ang mag-asawa raw ang tatanungin, ayaw na nilang pagtuunan ng pansin ang mga negatibong komento tungkol sa kanilang anak.
Saad ni Aga: “Tapos na yan sa akin. Finished na yan. Lahat naman ng tao may haters. But the good always wins, you know.
“Parang, mas marami pa ring mababait na tao sa mundong ito. Iilan lang yung masasama, iyun lang ang maiingay talaga.
“Anyway, parang… pasensya na kayo, mabait ang Diyos.”
