Tawang-tawa si Yasmien Kurdi pagkatapos siyang padalhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng larawan ng kanyang star sa GMA Walk of Fame malapit sa MRT Kamuning station sa Quezon City.

Nagbalik kasi sa alaala niya ang maling akala na kasama siya sa unang batch ng mga pangalang pinasinayaan noong March 2014.
Ilan sa mga personalidad na binigyan ng pagkilala noon sina Fernando Poe Jr., Susan Roces, Vilma Santos, Nora Aunor, Regine Velasquez, Marian Rivera, Dingdong Dantes, Pops Fernandez, Sheryl Cruz, Mike Enriquez, Mel Tiangco, Bobby Ledesma, at Rafael Yabut.
Proyekto ng GMA Network Inc. at ng pumanaw na TV host na si German Moreno ang Walk of Fame sa Kapuso compound.
Read: Kapuso Walk of Fame, napabayaan na at kailangan ng atensiyon
Yasmien Laughs at Her Boo-Boo During Walk of Fame Inauguration
Sa pamamagitan ng Facebook messenger noong nakaraang linggo, nagkuwento si Yasmien sa PEP tungkol sa kanyang star sa Walk of Fame.
Natatawang pag-alala niya: "Nakuha ko yan sa Walk of Fame noong 2019 na.
"Pero bago ko siya nakuha, may funny story ako.
"Kasi way back 2014, noong binuksan ni Kuya Germs ang Walk of Fame sa GMA, naka-live sa Startalk ang event.
"Noong nalaman kong may Walk of Fame na, dali-dali akong pumunta sa GMA para hanapin agad ang pangalan ko. Excited ako!
"Pero… wala pala ako. Di ako included.
"Naalala ko, nakita ko pa roon ang mga friends ko at halos lahat sila nandun na.
"Pati yung di ganoon ka-active sa showbiz, nandun."
Ang nakakatawa pa, dahil live sa defunct Saturday talkshow na Startalk ang event, sinundan pa raw siya ng camera sa kahahanap niya ng kanyang star.
"Sinundan pa ako ng camera habang naghahanap ako ng pangalan ko.
"Inikot ko na ang GMA, hanggang makarating na ako sa may MRT… pero wala talaga ang pangalan ko.
"Naalala ko, iniyakan ko talaga yan. Kasi naka-live pa ako sa Startalk habang sinusundan ng camera.
"Ang nasa isip ko noon: 'Wala naman pala ako. Hindi nila ako favorite. Hindi nila ako mahal.'
"Pero ayun… eventually, binigay din naman sa akin... 2019 na nga lang.
"Kaya every time I see this star, natatawa ako sa nangyari.
"Pag naalala ko yung nangyari. Nakakatawa na nakakaiyak," lahad ng StarStruck alumna.
So madaling-salita, nag-assume lang siya noon na kasama siya sa binigyang karangalan noong 2014.
Ang ilan sa mga ka-batch niya sa 2019 Walk of Fame ng GMA ay sina Aicelle Santos, Roi Vinzon, Bianca Umali, Miguel Tanfelix, at Kris Bernal.

Read: Kapuso stars inducted in GMA-7 Walk of Fame
