Ipinaliwanag sa publiko ng Pinoy Big Brother (PBB) host na si Bianca Gonzalez kung paano inaalalayan ng programa ang mga housemate matapos silang ma-evict sa Bahay ni Kuya.
Noong Sabado, November 14, 2026, naganap ang unang eviction night ng PBB: Collab 3.0, kung saan ang Kapamilya housemate na si Calix Esguerra at Kapuso housemate na si Ethan Benares ang tuluyang nagpaalam sa kompetisyon.
Read: Calix Esguerra, Ethan Benares are first PBB Collab 3.0 evictees
Sa X, ilang oras matapos ang eviction, nag-post si Bianca upang linawin sa mga tagahanga ng mga evicted housemate na hindi nagtatapos sa eviction night ang pagdamay at pagkalinga ng programa kina Calix at Ethan.

Ayon kay Bianca, may sinusunod na proseso ang kanilang programa upang matulungan ang mga evicted housemate na maproseso ang mga nangyari sa labas habang naninirahan sila sa loob ng PBB house.
Kinakausap daw muna ng production team ang mga evictee upang maayos na maibahagi sa kanila ang mahahalagang pangyayaring hindi nila nasubaybayan habang nasa loob sila ng bahay.
Kabilang dito ang magaganda at hindi magagandang komento at impresyon ng mga manonood tungkol sa kanila.
Mababasa sa post ng TV host, "To all the new fans and viewers of PBB, we would like you to know that right after eviction, the process is that our team talks to the evictees first to tell them about everything that happened in the outside world while they were inside...the news that they have to know, the good and bad feedback and impressions of viewers."
Read: Meet the PBB: Collab 3.0 housemates!
Kung kinakailangan, maaari rin daw silang tulungan at gabayan ng isang psychologist upang maproseso ang kanilang emosyon at ang mga impormasyong kanilang matatanggap.
Kapag nabigyan na sila ng clearance, saka pa lamang sila pinapayagang umuwi kasama ang kanilang mga mahal sa buhay at makagamit ng cellphone.
Ani Bianca: "And if needed, there is a psychologist to help them process their feelings.
"Once cleared, they can go home with their loved ones, and only then will they have access to their phones.
"So even before they see anything online, nandito ang PBB, nakaalalay sa kanila at gumagabay. Before, during, and after their stay in the PBB house."
MTRCB CITES "100 COMPLAINTS" VS PBB
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na naging usap-usapan kamakailan ang programang PBB: Collab 3.0.
Noong November 12, naglabas ng pahayag ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB)na sinusuri nila ang ilang eksena sa programa.
Ito ay matapos silang makatanggap ng mahigit 100 reklamo mula sa mga manonood.
Bilang bahagi ng pagsusuri, makikipag-usap ang Board sa production team ng programa upang talakayin ang mga hinaing at alalahanin ng mga televiewer.
Kinabukasan, November 13, sumagot ang ABS-CBN at sinabing wala pa itong natatanggap na formal notice mula sa MTRCB.
Pero siniguro rin ng kumpanya na handa itong makipag-ugnayan sa ahensya sa oras na tawagin ito.
Sabi pa ng ABS-CBN, layunin ng PBB na i-promote ang "positive values" and "respect for others," kaya ginagabayan din daw ni Big Brother ang housemates na matuto sa mga karanasan ng mga ito.
Read: MTRCB reviews PBB: Collab 3.0 after receiving over 100 complaints
PBB ISSUES
Bagamat hindi tinukoy ng ahensiya kung aling mga eksena ang inireklamo, may ilang netizen na nag-ispekula na maaaring may kaugnayan ito sa mga housemate na sina Anthony Constantino at Primo Alterado.
Isang video clip ang kumalat online kung saan makikitang naglalabas ng sama ng loob si Primo sa kapwa niya housemate na si Robbie Jaworski.
Sa kanilang pag-uusap, ikinuwento ni Primo ang kaniyang pagkadismaya sa pakikitungo sa kaniya ng ilan nilang kasamahan sa Bahay ni Kuya, partikular na ang housemate na si Anthony.
Ayon kay Primo, sinabihan umano siya ni Anthony na, "You're a little dookie."
Aminado si Primo na noong una ay hindi niya alam ang ibig sabihin ng salitang "dookie," hanggang sa pinagtawanan siya ng isa pa nilang housemate na si Raheel Bhyria.
Ang salitang "dookie" ay isang slang term na tumutukoy sa poop o dumi.
Bukod sa insidenteng kinasasangkutan nina Primo at Anthony, naging usap-usapan din ang isang episode ng programa kung saan pinagsabihan ni Big Brother ang mga lalaking housemate dahil sa paggamit nila ng code name na "dinosaur" sa kanilang mga kuwentuhan.
Ayon sa paliwanag nina Raheel at Anthony, ginagamit ng mga nakatatandang male housemate ang salitang "dinosaur" upang tukuyin ang mga nakababatang housemate na sina Calix, Ethan, at Jeo Ong.
Ani Anthony, "We use the term dinosaur for the younger guys here inside the house. Essentially, we all have our own little brother under us."
Read: Shuvee reacts to other PBB Collab 3.0 housemates liking Anthony
Dahil dito, umani ng reaksiyon mula sa mga netizen ang mga naturang video clip.
May ilang nagpahayag ng pagkabahala sa umano'y hindi magandang pagtrato ng mga nakatatandang male housemate sa iba pa nilang kasamahan sa bahay.
Gayunman, hindi kinumpirma ng MTRCB kung may kaugnayan ang mga naturang insidente sa mga reklamong natanggap nito laban sa programa.
