Nakaramdam ng kalungkutan at pangungulila si Miss Grand Myanmar Han Lay nang bumalik si Miss Grand Philippines Samantha Bernardo sa Pilipinas noong nakaraang linggo.
Naging matalik na magkaibigan ang dalawang beauty queens sa halos apat na buwan nilang pagsasama sa Bangkok, Thailand.
Inilahad ni Han ang nararamdaman niya para kay Samantha sa pamamagitan ng kanyang Instagram post.
Mensahe ng Burmese beauty queen, “You are the very best friend for me. I will keep all of our memories along my life.
"We eat together, laugh together, sleep together, encourage each other and you always encourage and give energy for me in every single time Sam.
"I love you so much and you are the best for me forever."
Hindi naging mapalad si Han na makauwi sa kanyang bansa dahil, tulad ni Miss Universe Myanmar Thuzar Wint Lwin, naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang military junta ng Myanmar.
Si Han ang official candidate ng Myanmar sa 8th Miss Grand International na ginanap sa Bangkok noong March 27, 2021.
Ipinadadakip si Han dahil sa paratang na ginamit ng beauty queen na plataporma ang coronation night ng Miss Grand International para ipaalam sa buong mundo ang karahasan at pang-aabusong ginagawa ng militar sa Myanmar mula nang magtagumpay ang coup d’etat noong February 1, 2021.
“Today in my country Myanmar, there are so many people dying. Please help Myanmar. We need your urgent international help right now.
"I will continue to be the voice of the people of Myanmar as I consider this my responsibility.
"I will use the international platform as well as social media to reach out to the international community," bahagi ng pageant speech ni Han na sinundan nito ng pagkanta ng "Heal The World."
Hindi ito ikinatuwa ng Myanmar military junta.
Walang katiyakan kung kailan makababalik sa Myanmar si Han dahil bukod sa warrant of arrest, nakatatanggap siya ng mga pagbabanta sa buhay niya.
Pero hindi nagpakita ng takot ang Burmese beauty queen na patuloy sa paggamit sa social media para iparating sa buong mundo ang mga karahasang nangyayari sa kanyang bansa.
Sa kasalukuyan, ang Miss Grand International Organization ang kumukupkop kay Han buhat nang dumating ito sa Bangkok mula sa Myanmar.
Malayo man siya sa sariling bansa, masigasig si Han sa pagsasalita tungkol sa mga pang-aabuso ng militar sa kanyang mga kababayan dahil ito ang naisip niyang paraan upang makatulong.
Sa panayam sa kanya ng Korean Broadcasting System News (KBS) noong May 15, 2021, sinabi ni Han na pinagbabantaan pa rin ang kanyang buhay sa social media.
Binanggit din ni Han na lumipat ang pamilya niya sa ibang lugar sa Myanmar para sa sariling kaligtasan, pero hindi siya pinipigil ng kanyang ina sa pagsasalita laban sa military junta.
“My mom moved to another place. She told me to keep going. 'If you think this is the right thing, keep going, I will support you and never give up. I will be beside you always,'” sabi ni Han sa interbyu sa kanya ng KBS News.
Ayon kay Han, 770 na ang bilang ng mga kababayan niyang namatay dahil sa pakikipaglaban para sa demokrasya. Hindi raw kumpleto ang bilang dahil mas marami pa ang nagbuwis ng buhay na hindi kasama sa opisyal na listahan.
BEAUTY QUEEN FUGITIVES
Kagaya ni Han, isa na ring fugitive si Miss Universe Myanmar Thuzar Wint Lwin, na tumakas mula sa Myanmar para makasali sa 69th Miss Universe.
Ginamit niya itong plataporma para mailantad sa buong mundo ang mga pang-aabuso ng militar sa Myanmar.
Si Thuzar ang nanalo sa Best in National Costume competition ng Miss Universe dahil sa kanyang "Pray for Myanmar" costume.
Nakatulong ito para lalong lumakas ang panawagang tulungan ang mamamayan ng Myanmar na muling makamit ang pinakaaasam na demokrasya.
May arrest warrant na rin ang military junta para kay Thuzar kaya hindi pa ito maaaring bumalik sa kanyang bansa.
May kapatid si Thuzar na sikat na singer-actress sa Myanmar, ang 30-year-old na si May Thu Aung na nagtatago dahil ipinapaaresto na rin siya ng military junta.
Kabilang si May sa mga artista sa Maynmar na lantarang kinondena ang coup d’etat at umanib sa We Want Justice, ang three-finger salute movement na inilunsad sa social media.
Naglabas ng arrest warrant laban kay May noong April 4, 2021 dahil sa kanyang pagsasalita laban sa military coup na labag umano sa Section 505 ng penal code ng State Administration Council.
PAING TAKHON
Hindi naman naging mapalad si Paing Takhon, ang 24-year-old Burmese model-actor na aktibo sa anti-coup protests sa Myanmar at miyembro rin ng three-finger salute movement.
Dinakip si Paing ng mga militar sa tahanan ng mga magulang niya noong April 8, 2021.
Mula noon, wala nang balita tungkol sa aktor na sikat din sa ibang mga bansa sa Southeast Asia.
Labis nang nag-aalala ang pamilya ni Paing dahil may malaria at heart condition siya nang araw na hulihin ng militar.
Deactivated na ang mga social media account ni Paing dahil mino-monitor ng military junta ang lahat ng mga post, phone calls, at bawat kilos ng mga Burmese celebrity na pinaghihinalaang sumusuporta sa anti-coup movement.