Simpleng pagkikita at kumustahan lang ang pakikipagtagpo ng direktor na si Erik Matti kina JM de Guzman, Coco Martin, at Julia Montes.
Ito ang paliwanag ng isang informant na malapit kay Direk Erik.
Nang lumabas sa social media ang litrato ng grupo nina Erik at Coco, nagkaroon ng mga sapantahang may pinaplanong project ang mga ito.
Ayon sa source ng Cabinet Files, posible ngang magkaroon ng collaboration ang direktor at Ang Probinsyano star sa mga darating na panahon.
Malapit nang umpisahan ni Erik ang shooting ng Maypagasa, ang pelikula tungkol sa kuwento ng buhay ni Gat Andres Bonifacio, na pagbibidahan ni Manila City Mayor Isko Moreno.
Kabilang ang pangalan ni Coco sa short list ng mga aktor na pinagpilian para gumanap na Andres sa epic movie ng Regal Entertainment Inc., pero napasakamay ni Isko ang role.
Tulad ng kinikilalang Ama ng Katipunan, nagmula rin kasi si Isko sa Tondo, Manila at may pagkakahawig ang kanilang mga hitsura.
COCO TATAKBO NGA BA SA 2022 ELECTIONS?
Samantala, may mga naniniwala namang may katotohanan ang balitang balak ni Coco na kumandidato sa halalan sa May 2022.
Anila, kaya raw dahan-dahang ipinakikita sa publiko ang madalas na pagsasama nina Coco at Julia para walang maisumbat sa aktor kapag nagsimula na ang panahon ng kampanya.
Alam ng lahat na mas brutal ang siraan sa mundo ng pulitika kesa sa showbiz.
At kung totoo mang kakandidato si Coco sa 2022 elections, ang relasyon nila ni Julia at ang matagal nang balitang may inililihim silang anak ang isyu na pwedeng gamitin ng detractors laban sa kanya.
COCO AND JULIA'S RELATIONSHIP
Ngayong napapadalas ang mga sighting na magkasama sina Coco at Julia sa mga pampublikong lugar, walang dapat ikagulat ang mga tao kung sakaling aminin na nilang totoo ang mga balitang nagbunga ang kanilang pagmamahalan.
Inaasahang mangyayari ito bago ang filing ng candidacy sa October 2021 para sa mga kakandidato sa eleksyon sa May 2022.
Noong Marso 2021, hindi inilihim nina Coco at Julia ang pagbabakasyon nila sa Boracay.
Pagpasok ng Hulyo 2021, inamin ni Julia sa panayam niya sa isang magasin na may karelasyon siyang taga-showbiz.
Nasundan ito ng paglabas nina Julia at Coco sa isang shop sa Greenhills sa San Juan City.
At latest sighting nga sa dalawa itong pagkikita nila kasama sina Direk Erik at JM.